"Nakaalis na siya?" ang agad na tanong ni Xian kay Arthur nang makabalik na ito sa loob ng café. Uminom ng kape si Xian habang sinusundan ng tingin nito si Arthur na muling naupo upang samahan siya.
"Oo, nakaalis na siya. Sana lang talaga ay makipagtulungan siya sa atin." Ang sabi ni Arthur na tila hindi pa din sigurado kung makikipagtulungan nga ba si Denver sa kanila na malaman ang lahat tungkol sa tunay na katauhan ni Hans, ang magpapatunay na si Hans at Xavier ay iisa.
"Alam ko ang inaalala mo, pero wala na tayong maaari pang mapagkatiwalaan sa ngayon kundi ang mga taong hindi na lubos na kilala. Hindi tayo maaaring humingi ng tulong sa mga magulang niya dahil sa nakakasiguro din ako na itatanggi din nila ang totoo." Ang seryoso ngunit kalmado na sabi ni Xian, mababanaag sa mata niya na umaasa siyang si Hans na nga ang bunsong kapatid na nawalay sa kanila ng matagal.
"At sa oras na mapatunayan nga natin na siya si Xavier, ano pala ang balak mo?" ang tanong ni Arthur at uminom ng kaunting kape.
"Sa ngayon ang naiisip ko lang na gawin ay kuhanin siya sa puder ng kanyang kinikilalang mga magulang, gusto kong mabawi ang mga panahon na nawalay siya sa amin. Gusto kong maging kuya sa kanya muli at maramdaman ang malambing naming kapatid." Ang sabi ni Xian bilang tugon na bahagyang naging emosyonal sa sandaling iyon ngunit nagawa pa ding pigilan ang tuluyang pagbagsak ng kanyang luha.
"Siya nga pala Xian, nais ko pa lang sabihin na..."
"May sasabihin nga din pala ako." ang biglaang pagsingit ni Xian. "Pasensiya na pero sa tingin ko ay mahalagang malaman mo ito. Sa susunod na buwan ay may gaganaping selebrasyon sa ampunan, para sa foundation nito, personal na pumunta sila Sister Tere at Sister Karen nitong nakaraan at inimbitahan nila tayo, at sa tingin ko ay sa pagsapit ng buwan na 'yon ay magiging maganda ang lahat dahil makukumpleto na tayo." Ang sabi ni Xian na tila ang pagkaemosyonal kanina ay napalitan agad ng pagkasabik.
"Oo ba sige, pupunta ako." ang nakangiting tugon ni Arthur.
"Oh ano nga pala ang sasabihin mo?" ang tanong ni Xian nang maalala na may sasabihin din sa kanya si Arthur bago siya sumingit at ipaalam ang tungkol sa imbitasyon mula sa ampunan.
"Ah wala, tungkol lang naman din 'yon sa ampunan. Sasabihin ko sana na bumisita din tayo doon, pero nagkataon naman palang inimbitahan nila tayo kaya ayos na." ang pagsisinungaling ni Arthur, dahil ang totoo ay nais niya sanang ipaalam kay Xian ang tungkol sa kanila ni Hans ngunit sa tingin niya ay di pa iyon ang tamang tiyempo, hindi pa sila masiyadong nagkakaayos ni Xian at ramdam pa din niya na may sama pa din ito ng loob sa kanya, kaya naman naisip na niyang ipagpaliban ang pagtatapat dito.
"Siya nga pala Arthur." Ang seryosong sabi ni Xian nang makainom ito ng kape, kanyang ibanaba ang tasa at seryoso na tumingin kay Arthur.
"Ano 'yon Xian may gusto ka pa bang sabihin?"
"Gusto kong magpasalamat sa pagtulong at patuloy na pag-aalala para sa kapatid kong si Xavier." Ang sabi ni Xian na bahagyang ngumiti kay Arthur.

BINABASA MO ANG
Triple X
Ficção Geral[BoyXBoy|Yaoi] ~Triple X~ Sa tatlong magkakapatid na maagang sinubok ng buhay, naulila at nauwi sa isang bahay ampunan. Lumaki mang hindi salat sa pagmamahal at pag-aalaga ay ano pa nga ba ang maaaring makapagdulot sa magkakapatid para maghiwalay. A...