13th X

2.2K 102 12
                                    


Halos maghahatinggabi na nang magpasyang umuwi sila Hans at Arthur, sakay ng sasakyan ni Arthur ay tahimik nilang tinahak ang daan patungo sa bahay nila Hans. "Arthur okay na ko kahit hanggang sa may kanto malapit sa amin mo ako ibaba." Ang pagbasag ni Hans sa kanilang katahimikan.


"Hindi, ihahatid kita hanggang sa inyo, mamaya kung mapano ka pa sa daan pauwi sa inyo. Tiyaka ako ang dahilan bakit ginabi ka nang ganito." Ang tugon naman ni Arthur bilang pagpupumilit na ihatid si Hans hanggang sa bahay nito.


"Grabe ka naman, para naman akong babae, ano naman mangyayari sa isang katulad ko, lalo na ang lapit na din naman ng bahay namin?" ang tanong naman ni Hans na umaasang magbabago ang isip ni Arthur, ngunit nabigla siya nang biglang ihinto ni Arthur ang sasakyan, sisitahin niya dapat si Arthur sa ginawa ngunit sa pagtingin niya dito ay mas nabigla siya nang makita niyang nakatingin na sa kanya si Arthur may halong inis at lungkot ang pagtitig nito sa kanya.


"Hindi mo alam ang sinasabi mo." Ang seryosong sabi ni Arthur na natiling nakatingin kay Hans. Si Hans naman ay nakaramdam ng pagkailang kaya naman nagpasya na siya noon na bumaba na ng sasakyan ngunit bago pa man niya maialis ang seatbelt niya ay napigilan na siya ni Arthur.


"Arthur, kaya ko na umuwi mula dito. Sige na, huwag mo na akong alalahanin." Ang sabi ni Hans na bahagyang natetensiyon na nang mga sandaling iyon.


"Hindi. Ihahatid kita sa inyo. Sa panahon ngayon hindi na mahalaga kung babae o lalaki ka, dahil wala nang pinipili ang masasamang loob ngayon. Tiyaka yung taong nabanggit ko nga sayo noon saglit lang namin iniwan ng kuya niya, pagbalik namin wala na, hanggang sa hindi na namin natagpuan, hanggang sa hindi na siya bumalik." Ang sabi ni Arthur na unti-unting binitawan ang pagkakahawak sa kamay ni Hans na pumipigil dito sa pagtanggal ng seatbelt. Nang sandaling iyon ay nakaramdam naman ng pagkakonsensiya si Hans, hindi na niya inalis ang seatbelt at bagkus ay naupo siya ng maayos at tinignan ang labas mula sa wind shield ng sasakyan.


"Pasensiya ka na hindi ko gustong pasamain ang loob mo." Ang mahinang sabi ni Hans dahil sa nakokonsensiya siyang dahil sa kanya ay nagbalik muli ang malulungkot na alaala ni Arthur. Inalis ni Arthur ang kanyang tingin kay Hans at umayos din ng upo, tulad ni Hans ay tinanaw din ni Arthur ang labas ng sasakyan mula sa wind shield at bahagyang huminga, pagkatapos ay bumuntong hininga.


"Pasensiya na, natatakot lang kasi ako na..." ang hindi na natuloy na sabihin ni Arthur, napatingin sa kanya si Hans pero bago pa man makapagsalita si Hans ay muli nang pinaandar ni Arthur ang sasakyan, at naging mas tahimik ang dalawa habang tinatahak nila ang daan patungo kila Hans.


Sa kanilang pagdating, ay agad nilang natanaw sila aling Josie at mang Ricardo, ang ama ni Hans, na nasa labas na tila hinihintay ang pagdating nila. Nang bumaba sila Arthur at Hans sa sasakyan ay mabilis na lumapit ang dalawa kay Hans at niyakap ito, nakita at nadama ni Arthur ang pagmamahal at pag-aalala ng mga ito sa kanilang anak.


"Akala namin ano nang nangyari sa iyong bata ka." Ang sabi ni aling Josie habang pinupupog ng halik sa pisngi si Hans.


"Si nanay talaga, grabe mag-alala." Ang nakangiting sabi ni Hans na yakap ang ina.


Triple XTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon