14th X

2.1K 94 17
                                    


"Sa-sa-sandali lang po..." ang tanging nasabi ni Hans habang yakap pa din siya ng lalaki, ang pagyakap sa kanya ng lalaki ay may kasamang pananabik at pangungulila, ngunit iba ang yakap na ito kung ikukumpara sa pagyakap na ginawa sa kanya ni Arthur. Ang yakap na iyon ay tila ba isang yakap na may unti-unting binubuo sa kanyang isp, kasabay nito ang patuloy na alingaw-ngaw ng boses ng lalaki na tila dinadala siya sa isang panahon na hindi niya malaman kung anong panahon iyon.


"Ano bang nangyayari sa'yo hindi mo na ba ako natatandaan?" ang sabi ng lalaki at napatingala siya upang tignan ang mukha ng lalaki. "Xavier ako ito, ako ang kuya mo, si Xian, Xavier..." ang sabi ng lalaki na nagpakilala sa kanyang si Xian. Nang madinig niya iyon ay tila nanlabo ang kanyang paningin kasabay ng pagsakit ng kanyang ulo, ang huli na lamang niyang narinig ay ang boses ni Denver kasabay nito ay ang tila pakiramdam na may bumuhat sa kanya, at habang buhat siya ay nadidinig niya ang boses ng lalaki na tinatawag pa rin siya sa pangalang Xavier, pangalan din ng taong labis na pinagungulilaan ni Arthur.


"Hindi, hindi ako si Xavier..." ang mahina niyang sabi hanggang sa tuluyan na siyang mawalan ng malay.


Noong mga sandaling iyon naman ay nagsisimula nang magtrabaho sa bahay nila Arthur si aling Josie, kasalukuyan siyang nasa kusina noon at nagluluto nang madatnan siya roon ni Arthur na halos bagong gising lamang. Binati siya ni Arthur ng isang magandang umaga na agad naman ding tinugon ni aling Josie, tinungo ni Arthur ang refrigerator upang kumuha ng maiinom na tubig, at pagkatapos ay kumuha siya ng isang malinaw na baso. Habang umiinom siya ng tubig ay kanyang pinagmasdan si aling Josie noon na nagluluto, napansin niya dito na para bang walang pagkakahawig si Hans dito, sa sobrang pagkaabala niya sa pagkilatis kaya ling Josie ay di niya na namalayang nakatingin din ito sa kanya.


"May kailangan po ba kayo sir Arthur?" ang biglang tanong ni aling Josie sa kanya dahilan para bahagyang masamid, sandali siyang napaubo dahil doon at sinenyas na lamang sa kanyang kamay na wala siyang kailangan sa ina ni Hans.


"Pa-pa-pasensiya na po, aling Josie, na-curious lang ako sa niluluto niyo." Ang sabi ni Arthur bilang pagdadahilan na bahagya pa ding nauubo.


"Ah ito po ba, nagninilaga ako, sabi kasi ni Ma'am ay paborito niyo daw itong nilaga, parehong pareho kayo ng anak kong si Hans." Ang sabi ni aling Josie at tila natigilan si Arthur sa sinabing iyon ng ginang. Ang totoo naman kasi kaya lamang niya naging paborito ang nilaga dahil iyon ang huling putahe na nailuto nila ni Xavier noong nasa ampunan pa sila, isang putahe na nagtataglay ng alaala nila ni Xavier.


"May problema po ba sir Arthur? Bakit tila biglang naging seryoso ang mukha ninyo?" ang tanong ni aling Josie kay Arthur na nagsisimula nang mag-isip ng kung ano-ano patungkol kay Hans.


"Ah wala naman po. Pero aling Josie pwede po ba akong magtanong kung di niyo naman po mamasamain?" ang tugon ni Arthur, sandaling napatingin si aling Josie sa kanya at nang tila mabasa ng ginang na seryosong tanong ang itatanong sa kanya ni Arthur ay tumalikod ito sinimulang halu-haluin ang niluluto.


"Pwede naman ijo, ano ba ang itatanong mo?" ang tugon naman ni aling Josie.


"Nalaman ko po kasi kay mommy na galing po pala kayo nila Hans sa isla Pag-Asa, ang isla pong iyon kasi ang pinanggalingan ko bago ako maging isang Marquez, at anak ni mommy. Pamilyar naman po kayo siguro sa ampunan doon hindi po ba?" ang panimulang tanong ni Arthur habang si alaing Josie naman ay tila bahagyang nakaramdam ng kaba kung saan patungo ang pag-uusisang iyon ni Arthur.

Triple XTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon