"Napasaya ba kita? Ang ibig kong sabihin ay masaya ka ba?" ang tanong ni Arthur kay Hans habang sila ay nasa tabing dagat kung saan sila nagpunta noong panahon na nalaman ni Hans ang tungkol sa katauhan ni Arthur. Magkatabi silang nakatayo noon habang tinatanaw ang magandang paglubog ng araw kasabay din noon ay ang pagdampi sa kanila ng malamig na hangin na nagmumula sa dagat. Sandaling tumingin kay Arthur si Hans at ngumiti dito, at pagkatapos ay muling ibinalik ang tingin sa dagat.
"Ang totoo ay hindi ko alam kung masaya ba ako o sobrang saya, hindi ko kasi maintindihan ang sarili ko nitong nagdaang araw, at nitong mga lumipas na oras sa buong araw na ito. Alam mo 'yon alam kong bago lamang sa akin ang lahat pero para akong sasabog sa saya, dahil ang puso ko para bang matagal na 'tong inasam nang hindi ko nalalaman." Ang masayang sabi ni Hans at tumingin siya muli kay Arthur na sakto naman ding tumingin sa kanya, kaya naman hindi na din nila naiwasan pa na bigyan ng ngiti ang bawat isa.
Pasimpleng hinawakan ni Arthur ang kamay ni Hans at pagkatapos ay muling ibinaling ang tingin sa dagat, habang si Hans naman ay mas napangiti kasabay ng bahagyang pag-init ng kanyang mga pisngi. "Baka kaya naman kasi ganoon ang pakiramdam mo dahil matagal mo na kong nakilala, dahil siguro kilala na talaga ako ng puso mo noon pa, nakalimutan mo lang." ang biglang sabi ni Arthur dahilan para biglang magtaka si Hans sa mga binitiwan nitong salita, napatingin si Arthur kay Hans at nakita nito ang ekspresyon nito. "Ang ibig kong sabihin ay, baka nakita mo na ako sa panaginip mo dati pa, o kaya nakasalubong na, o kaya noong una tayong magkita na-in love ka na sa akin, ganon ang ibig kong sabihin." Ang sabi ni Arthur bilang pagtatakip sa tunay na nais niyang ipunto sa nauna niyang sinabi, sabay ngiting tagumpay, at napatango-tango naman si Hans senyales na napaniwala niya ito sa sinabi.
Tumingala si Hans sa kalangitan at pinagmasdan nito ang magandang kulay nito habang nag-aagaw ang liwanag at dilim ng gabing sasapit. "Siguro nga, kaya nga siguro parang may pakiramdam ako na magaan sa'yo kahit na noong tagpo natin ay di gaanong maganda. Siguro..." ang hindi na naituloy pang sabihin ni Hans dahil sa mga sandaling iyon na nakatingin siya sa langit ay tila may isang eksena ang rumehistro sa kanyang utak, isang eksena na hindi niya maintindihan kung kailan nangyari, ngunit malinaw ang eksenang iyon. Nasa isa siyang pasilyo kasama ang isang hindi pamilyar na lalaki, malungkot siya noon pero ang lalaking kasama niya ay pilit siyang pinapasaya.
Napansin ni Arthur ang pagtigil ni Hans sa pagsasalita at ang biglaang pagtahimik nito, napansin din niya ang tila blangko na nitong ekspresyon, hanggang sa makita niya na ang mga luha na kumawala sa mga mata nito. Nakaramdam ng kaba si Arthur kaya naman agad niyang niyakap si Hans upang basagin ang katahimikan nito at upang iwaksi sa isip ni Hans ang ano mang iniisip niya na dahilan ng kanyang biglaang pagtahimik at pagluha.
"Ayos ka lang ba? Anong nangyari bakit bigla kang tumahimik? At bigla ka na lang naiyak?" ang sunod-sunod na pagtatanong ni Arthur kay Hans. Naramdaman ni Arthur ang unti-unting pag-angat ng mga braso ni Hans at kasunod nito ay ang mahigpit na pagyakap nito sa kanya.
"Wala, 'wag ka mag-alala may bigla lang kasi akong naisip na hindi ko maintindihan, parang pamilyar na bagay pero di ko naman matandaan." Ang mahinahon na tugon ni Hans, kasabay ng mahigpit pang pagyakap nito kay Arthur. At sa halip na tugunin pa ni Arthur iyon ay mas pinili na lamang din niya na yakapin si Hans ng mahigpit, at binigyan din niya ito ng isang halik sa noo upang ipaalam na hindi niya ito pababayaan.
Nang mga sandali namang iyon ay nasa playpark noon si Berny, nakaupo siya sa isang bench habang pinapanood ang ilang mga batang naglalaro pa din doon at ilang mga binata at dalagang estudyante na tila napiling tumambay doon. Hindi niya maiwasan na isipin ang kanyang nakaraan, ang kanyang buhay noon sa bahay ampunan, hindi niya maiwasan ang mapangiti nang mga sandali ding iyon dahil sa pag-iisip niya sa nakaraan niya ay kanya ding naisip ang mga panahon na lagi niyang pinagmamasdan si Xavier mula sa malayo, sa mga panahon na iyon ay nais niyang kausapin ito ngunit sa tuwing gagawin niya iyon ay lagi siyang napapangunahan ng kanyang hiya at takot, at ang mas nagpahirap pa sa kanya na makausap si Xavier ay ang presensiya noon ni Arthur.

BINABASA MO ANG
Triple X
General Fiction[BoyXBoy|Yaoi] ~Triple X~ Sa tatlong magkakapatid na maagang sinubok ng buhay, naulila at nauwi sa isang bahay ampunan. Lumaki mang hindi salat sa pagmamahal at pag-aalaga ay ano pa nga ba ang maaaring makapagdulot sa magkakapatid para maghiwalay. A...