Malalim na noon ang gabi at malamig din ang hangin na dumadampi sa balat noon ni Xian na kasalukuyang nasa hardin ng kanilang magarbong bahay ngunit tila hindi niya alintana ang lamig ng hangin dahil sa init na binibigay sa kanya ng iniinom alak. Tahimik siyang nakaupo sa isang upuan noon habang pinagmamasdan ang alak sa mamahaling baso na kanyang hawak, ipinikit niya ang kanyang mga mata at inalala ang nangyari noong araw na iyon sa restaurant na kanyang pinuntahan.
"Ang lamig lamig dito ka pa talaga sa labas uminom." Ang pagbasag ni Xenon sa katahimikan at pag-iisip ni Xian nang dumating siya sa hardin. Iminulat ni Xian ang kanyang mga mata at nakita niya ang kapatid na nakatayo na sa kanyang harapan, napailing si Xenon sa kuya at pagkatapos ay naupo ito sa katapat na upuan ni Xian.
Uminom si Xian ng kaunting alak at pagkatapos ay tinignan ang kapatid na tila pinagmamasdan siya. "Anong problema mo kung dito ko gusto uminom? Bakit nandito ka?" ang seryoso na tanong ni Xian na may bahagyang inis para sa kapatid, dahil na din sa hindi pa din nito nakakalimutan ang nangyaring pagtatalo nilang dalawa sa kanyang opisina.
"Hanggang ngayon ba inis ka pa din sa akin?" ang tanong ni Xenon kay Xian kasabay ng pag-agaw nito sa basong hawak ng kanyang kuya. Kinuha ni Xenon ang mamahaling bote ng alak at kanyang sinalinan ang basong inagaw niya sa kanyang kuya, tinignan lamang siya ni Xian sa kanyang ginagawa at napailing na lamang.
"Kuya gusto kong mag-sorry sa'yo, alam ko naging insensitive ako noong isang araw, what I mean is, tama ka nakalimutan ko na si Xavier sa sobrang pagkasabik ko sa pagtatagpo natin nila Arthur. Pero kuya mali ka kung iniisip mo na tuluyan ko nang nakalimutan si Xavier, paano ko makakalimutan ang bunsong kapatid natin na pareho nating iniingatan?" ang sabi ni Xenon at nilagok ang lahat ng alak na laman ng baso na kanyang hawak. Pagkainom ni Xenon ay kanyang pinagmasdan ang basong hawak niya, at isang pilit na ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi.
"Tulad ng sabi ko wala naman akong pakialam kung magkita kayo ni Arthur, magkita kayo hanggang gusto niyo, makikipagkita lang ako sa kanya kung related sa business, other than that ay wala na kong dahilan pa para makita siya." Ang sabi ni Xian na inalis ang tingin sa kanyang kapatid, patayo na siya sana noon mula sa pagkakaupo nang biglang magsalita si Xenon at muli niyang ibinaling ang tingin kay Xenon na nakatingin na din noon sa kanya.
"Bakit ba galit na galit ka yata kay Arthur? Yung totoo kuya, siya ba ang sinisisi mo sa pagkawala ni Xavier? Kuya kung babalik si Xavier, matagal na siyang bumalik, paano kung ginawa niya talaga na iwan tayo para sa ikakabuti ng lahat? O baka iniwan niya tayo para sa pansarili niyang..." ang hindi na natapos na sabihin ni Xenon dahil dumampi na sa kanyang mukha ang palad ng kanyang kuya na nagbigay ng isang masakit na sampal sa kanya, sampal na labis niyang ikinabigla. Tumingin siya na mangiyak-ngiyak kay Xian, at nakita niya ang ekspresyon ng kanyang kuya Xian na kababanaagan ng galit.
"Kahit kailan hindi naging makasarili si Xavier, kung meron man naging makasarili sa ating tatlo, ikaw 'yon Xenon. At iyan ang itatak mo sa isip mo. At kung tatanungin mo kung umaasa ako na babalik siya? Sasabihin ko sa'yo oo umaasa ako, at naniniwala ako na babalik siya, at kung di siya bumalik gagawin ko pa din ang lahat mahanap lang siya, maibalik lang ang bunsong kapatid natin." Ang sabi ni Xian na pinipigilan ang labis na inis para sa kapatid. "Alam mo walang patutunguhan 'tong usapan natin Xenon, kausapin mo na lang ako kapag naalala mo nang may bunsong kapatid tayo na kailangan mo ding alalahanin." Ang sabi ni Xian at agad siyang tumayo sa pagkakaupo at iniwan si Xenon sa hardin.

BINABASA MO ANG
Triple X
Fiction générale[BoyXBoy|Yaoi] ~Triple X~ Sa tatlong magkakapatid na maagang sinubok ng buhay, naulila at nauwi sa isang bahay ampunan. Lumaki mang hindi salat sa pagmamahal at pag-aalaga ay ano pa nga ba ang maaaring makapagdulot sa magkakapatid para maghiwalay. A...