"Magiging ayos lamang ang lahat Hans. Tatagan mo lang ang loob mo." Ang pagpapalakas loob na sabi ni Denver kay Hans. Tumigil na muli noon sa kanyang pag-iyak si Hans, sa mga sandaling iyon ay hindi maiwasan ni Denver na makaramdam ng pagkaawa kay Hans, ang masayahing Hans na kanyang nakilala, ang mga ngiti nito sa labi na lagi niyang gustong makita, at ang positibong dating nito ay naglaho sa isang iglap. Ramdam niya ang lungkot at paghihinagpis, pilit mang nag-iisip ay alam ni Denver na tanging si Hans lamang din ang makakatulong sa kanyang sarili na malagpasan ang kalungkutang dinaranas niya sa panahong ito, ang tanging magagawa lamang niya ay ang maiparamdam dito na nasa tabi lamang siya nito at handang maging sandalan niya.
Sandaling binalot ng katahimikan sila Hans at Denver, si Hans ay nakatingin lamang sa kanyang mga kamay noon na tila ba malalim ang iniisip. Habang si Denver naman ay pinapakiramdam kung dapat pa ba niyang kausapin si Hans upang maaliw-aliw ito o hayaan na lamang ang katahimika nang mas magkaisip ito sa mga dapat nitong gawin.
"Ah siya nga pala Hans." Ang hindi din napigilang pagbasag ni Denver sa katahimikan. Tumingin sa kanya si Hans na tila hinihintay ang susunod niyang sasabihin. "Nakita ko pala 'to sa labas ng bahay niyo." Ang dagdag na sabi ni Denver at kinuha niya mula sa kanyang bulsa at inabot niya kay Hans ang tie clip na kanyang napulot noong nasusunog ang bahay nila Hans.
"Ano 'to? Ang ibig kong sabihin ay para saan 'to?" ang nagtatakang tugon ni Hans dahil hindi niya alam kung bakit ibinibigay sa kanya ni Denver ang tie clip na iyon.
"Tulad nang sabi ko ay nakita ko 'yang tie clip sa labas ng bahay niyo. Hindi 'yan pangkaraniwang tie clip, at kung di ako nagkakamali ay bilang lamang ang tie clip na iyan. Baka lang kasi alam mo kung kanino 'yan kaya naisip kong itabi." ang pagpapaliwanag naman ni Denver.
"Pasensiya na pero hindi ko alam kung kanino ito. Pero maaari bang ako na lang ang magtabi nito?" ang tugon ni Hans.
"Oo naman. Sige ikaw na ang bahala diyan. Siya nga pala kanina pa ako dito pero hindi ko yata napapansin si Arthur? Nasan nga pala siya? Alam na ba niyang gising ka na?" nang madinig iyon ni Hans ay hindi niya naiwasang muling makaramdam ng lungkot. Hindi niya maunawaan pero nakakaramdam siya ng matinding kirot sa puso niya para kay Arthur, marahil dahil sa minahal niya ito ngunit ibang tao ang tingin sa kanya ni Arthur, marahil ay dahil doon ay nasasaktan siya ng labis.
"Pinaalis ko na siya. Hindi naman kasi ako ang taong kailangan niya." Ang may lungkot na tugon ni Hans na pilit na ngumingiti.
"Ano bang sinasabi mo Hans? May nangyari ba habang wala ako?"
"Si Arthur, kaya lamang niya ako minahal ay dahil sa iniisip niyang ako ang kababata niya na nagngangalang Xavier. Ang tanga ko lang kasi kung kailan hinayaan ko ang sarili ko na sumubok sa isang relasyon na katulad ng sa amin, hindi pa ako yung nakikita nang taong mahal ko." Ang nakayukong sabi ni Hans at kanyang pinagmamasdan ang tie clip na hawak niya.
"Pero paano kung hindi siya nagkakamali? Paano kung tama siya?" ang biglang nasabi ni Denver at bahagya din siyang natigilan nang mapagtanto niya ang mga binitawang tanong kay Hans. Nabigla din si Hans sa mga tanong na iyon ni Denver dahilan para mapatingin siya dito.

BINABASA MO ANG
Triple X
Fiksi Umum[BoyXBoy|Yaoi] ~Triple X~ Sa tatlong magkakapatid na maagang sinubok ng buhay, naulila at nauwi sa isang bahay ampunan. Lumaki mang hindi salat sa pagmamahal at pag-aalaga ay ano pa nga ba ang maaaring makapagdulot sa magkakapatid para maghiwalay. A...