6th X

2.7K 100 9
                                    


Dalawang araw matapos ang nangyari noong araw ng Pasko ay naging malayo ang loob ni Xenon kay Xavier, sa tuwing susubukan ni Xavier na lumapit sa kanyang kuya Xenon ay siya namang agad na pag-iwas nito o paglayo, napapansin iyon ni Xian ngunit sa dalawa niyang kapatid ay alam niyang si Xenon ang pinakamahirap pakiusapan lalo na kung may sama ito ng loob, at sa tuwing makikita naman ni Arthur ang ginagawang iyon ni Xenon kay Xavier ay agad niyang nilalapitan si Xavier upang kausapin at pagaanin ang kalooban nito, ngunit ang hindi alam ni Arthur ay mas tumitindi ang inis ni Xenon sa bunsong kapatid sa tuwing nakikita nito ang kanyang pagiging mabuti at malapit sa bunsong kapatid.


Nasa palaruan noon si Xenon, nakaupo sa isang duyan ay matrahan niyang idinuduyan ang kanyang sarili, nakatingin siya noon sa kalangitan, may lungkot sa kanyang mata ngunit kababanaagan din ng galit at pagkainggit. "Bakit ganon mommy, daddy, bakit puro si Xavier na lang ang dapat unahin? Bakit puro na lang siya ang dapat naming protektahan? Paano naman ang sarili namin ni kuya? Bakit siya na lang lagi ang dapat mauna? Dahil ba siya ang bunso at kami ang nakakatanda? Mommy, daddy, ayoko na po, napapagod na po ako na laging ipaubaya ang mga bagay na dapat ko ding nararanasan, mga bagay na dapat akin lang." ang pabulong na sabi ni Xenon habang nakatingin sa langit na tila ba kinakausap ang yumao nilang mga magulang.


"Narito ka lang pala, kung saan-saan ka na kita hinanap." Ang sabi ng isang boses ng lalaki at agad namang nilingon ni Xenon ang direksiyon ng pinagmulan ng boses na iyon, agad niyang nakita ang kanyang kuya na nakatayo ilang hakbang lang sa duyan na kinaroroonan niya, nakangiti itong naglakad papalapit sa kanya at muli naman niyang ibinaling ang tingin sa kalangitan.


"Ano namang dahilan bakit mo ko hinahanap kuya?" ang agad na tanong ni Xenon nang maramdaman niyang naupo na din ito sa katabi niyang duyan. Tumingin si Xian sa kanyang kapatid na nakatingin sa langit, ilang sandali pa inalis niya ang tingin sa ikalawang kapatid at kanyang inidinuyan din ang kanyang sarili at pinagmasdan din ang kalangitan.


"Nag-aalala na kasi ako sa inyo ni Xavier, magdadalawang araw na din yang tampo mo sa kanya ha, hindi mo pa ba siya kakausapin? Alam mo ba na miss na miss ka na daw niya, lagi niyang tinatanong kung pwede ka na ba kausapin?" ang sabi ni Xian bilang tugon at nang madinig naman iyon ni Xenon ay isang buntong hininga ang pinakawalan nito.


"Sabi na nga ba si Xavier pa din ang dahilan, puro na lang si Xavier." Ang sabi ni Xenon na halatang inis sa tono ng pananalita nito, nang madinig iyon ni Xian ay napahinto ito sa pagduyan sa sarili at pinagmasdan ang ikalawang kapatid na nanatiling nakatingin sa langit na animo'y ang lalim ng iniisip.


"Bakit ganyan ka magsalita Xenon? Ano ba talagang problema mo at bigla bigla ka na lang nagbago ng pakikitungo sa bunso nating kapatid?" ang tanong ni Xian na tila naguguluhan na sa inaasal na iyon ni Xenon, itinigil ni Xenon ang pagduyan sa sarili at diretsong tumingin sa mata ng kanyang kuya.


"Kuya pagod na ako, pagod na ako na laging si Xavier na lang ang inaalala natin, may isip na siya kaya hindi na natin siya dapat ituring na sanggol o bata, kuya ayoko nang magpaubaya pa, pagod na ako kuya." Ang sabi ni Xenon na walang pag-aalinlangan at nakita ni Xian na seryoso ang kanyang kapatid sa mga sinabi niyang ito.


"Pero nakalimutan mo na ba nangako tayo kila mommy at daddy? Nangako tayo na hindi natin pababayaan ang isa't isa, hindi natin pababayaan si Xavier. Xenon kung ano man ang dahilan bakit nagkakaganyan ka, huwag mong hayaan na lamunin ka niyan, huwag mo namang hayaang sirain ng nararamdaman mong iyan ang pamilya natin, tayong tatlo na nga lang ang meron tayo eh, kaya pakusap makipagkasundo ka na kay Xavier." Ang sabi at pakiusap ni Xian sa ikalawang kapatid, tinitigan lamang siya ng kapatid na parang pinag-iisipan ang sinabi nito, hanggang sa mapailing na lamang ito at inalis ang tingin nito sa kanya at tumayo.

Triple XTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon