(Isang Maikling Kuwento)
*****
Lumaki sa mahirap na pamilya si Harold. Bagama't siya'y laging tumatanggap ng mga karangalan, kinangailangan niyang tumigil sa pag-aaral dahil sa kahirapan. Lalo pa siyang nahirapan nang siya'y naging ama ng isang pares ng kambal noong siya'y 18 taong gulang pa lamang.
Dahil magkaka-anak na, kinailangan ni Harold na maghanap ng trabaho at 'di naglao'y natanggap sa isang construction site. Bagama't kumikita, 'di ito sapat para matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Isang araw, nang siya'y nag-aayos ng kanilang mga gamit ng kanyang asawa na si Esther, nakita niya ang mga seripikong nagpapakita ng kanyang mga nakamit na karangalan noong siya'y nasa sekundarya pa. Dahil nakapagtapos siya sa sekundarya nang may mataas na karangalan, lumapit si Harold sa kaniyang kaibaigang recruiter na si Jacob para maisaayos ang kanyang mga papeles.
Sa umpisa'y tumututol si Esther dahil siya'y buntis pa. Pero ipinagpilitan ni Harold ang kanyang nais dahil gusto niyang mabigyan ng maayos na buhay ang kanyang pamilya. Makalipas ang dalawang buwan, lumipad siya patungong Saudi Arabia para maging isang Domestic Helper.
Isa siya sa mga swerteng DH na napadpad sa Saudi Arabia, dahil napakabait ng kanyang naging amo. Sa tuwing natutuwa sila sa ikinikilos ni Harold, dinadagdagan nila ang sweldo nito. Nabatid din nila na high school graduate lamang siya. Dahil matalino, nanghinayang sila. Kaya, makalipas nang tatlong taon ay isinama si Harold ng kanyang mga amo patungong Estados Unidos para mag-aral. Sa umpisa ay nahihiya si Harold ngunit hindi siya maka-hindi sa mga ito. Kaya ang ginawa niya, nagsumikap na lamang siya sa kursong kanyang kinuha sa isa sa mga pinaka-prestihiyosong unibersidad sa Amerika.
Habang nag-aaral, patuloy pa din na sineswelduhan siya ng kanyang mga amo kaya nakakapagpadala ito ng pera sa kanyang pamilya. Nakapagpadala na rin siya ng mga gadget para kahit papaano'y magkaroon sila ng ugnayan na di naglao'y napalipad din sa Estados Unidas dahil sinundo sila ng amo ni Hariold.
Masayang namuhay ang pamilya sa puder ng kanyang mga amo. Mas nagsumikap sa pag-aaral, dahil dito, nagtapos siya nang may pinakamataas na karangalan sa kursong Business Administration.
Iminungkahi ni Harold sa kanyang mga amo na uuwi siya ng Pilipinas kasama ang kanyang pamilya at mamumuhay na nang mapayapa. Dahil nakapagtapos, maaari na rin siyang magtrabaho hanggang makabuo ng sariling negosyo. Wala nang magawa ang kanyang mga amo kung 'di payagan siyang lumisan. Bakas sa kanilang mga mata ang lungkot nang sila'y umalis.
Pagkauwi, agad na nakahanap ng trabaho sa isang kilalang kumpanya si Harold. Nakitaan siya ng sipag at galing sa kanyang trabaho kaya 'di naglao'y tumaas nang tumaas ang kanyang posisyon hanggang sa ihalili na sa kanya ang posisyon ng CEO o Chief Executive Officer ng kumpanya.
Mas nakilala ang kumpanya nang ito'y kanyang hinawakan. Mas lumaki ang kita kung kaya't mas marami pa ang kanilang nabuong establisyimento. Dahil dito, bumuo din siya nang mga charities na tumutulong sa mahihirap. Palibhasa'y naranasan niyang maging isang mahirap na mamamayan.
Dumaan ang maraming taon, mas dumami ang karangalang natanggap ni Harold. Hanggang siya'y makatanggap ng Nobel Peace Prize dahil sa kanyang kasipagan at sa kanyang determinasyon para makamit ang kanyang minimithi.
Hanggang sa siya'y mamatay, 'di malilimutan ang kanyang legasiyang kaniyang pinanghawakan at pinahalagahan sa lipunan. Si Harold ay maituturing na isang dakila!