Sta. Maria, isang maliit na bayan sa lalawigan ng Bulacan. Nagtataka lang ako, bakit nga ba STA. MARIA ang tawag sa bayan natin? Eh hindi naman dito tumira si Mama Mary. May isa akong kaibigan na nagsabi sa akin kung bakit STA. MARIA ang pangalan ng bayan natin. Hayaan niyo akong magkwento.
Noong unang panahon, hindi pa Sta. Maria ang pangalan ng ating bayan. Katunayan, wala pa itong pangalan! Nandito na ang mga Kastila ng mga panahong iyon. Mga alipin pa tayo. Tinuruan nila tayo manampalataya sa iisang Diyos. Sinabi rin nila kung ano ang hitsura ni Hesus, ni Mama Mary, ni San Jose, ng mga apostoles. Kasama rin doon si Hudas at si Satanas!
Balik tayo sa kwento. May isang trabahador na nagngangalang Mario. Siya ang pinakarelihiyoso sa lahat ng mga alipin ng mga Espanyol noon.
Isang araw, habang nagbubuhat siya ng mga materyales para sa bubuuin nilang barko, ay may nakita siyang babae. Ang ipinagtataka niya, lumulutang ito. Tinawag ito ni Mario ngunit hindi ito sumagot. Tinawag niya agad ang kanilang Prayle para puntahan ang lumulutang na babae at nang makita nila ito, si Sta. Maria pala iyon ngunit hindi nila alam kung bakit ito sa lupa. Pero sigurado ang Prayle na si Sta. Maria ang nakita niya.
Noong mga panahong din iyon, pinagtatalunan kung ano ang dapat na ibigay na pangalan sa bayan na iyon. Kaya naisip agad ng Prayle na puntahan ang kanilang Gobernadorcillo para sabihin ang nangyari. Nang malaman ng Gobernadorcillo ang nasaksihan ni Mario, napagpasyahan nila na Sta. Maria ang magiging pangalan ng bayan na iyon. Simula noon, tinawag na ang bayan na iyon na Sta. Maria Bulacan.