Liam, ibinigay sa'kin na pangalan,
Ng dal'wang taong minsang nagmahalan,
Angkang Granfil, Canlas, Atienza't Punzalan,
Pamilyang nagtagal nang panandalian.
Isinilang ako dito sa mundo, buong buo.
Sila'y natuwa nang makita nila ako,
Pamilya, kaibigan, lalo na ang mga magulang ko.
'Di lang halata pero iyon ang totoo.
Bata pa lamang ako, tila ako'y isang unan na napakalambot,
Pilantik ng daliri, wagas kung kumembot.
Sinubukan kong itong pigilan, dahil mali ito.
Sa kung anong dahilan, ganito talaga ako.
Ngayon, medyo nagbago na ako.
Mukhang baboy sa katabaan,
Parang buwan ang mukha sa kagaspangan.
Pero h'wag kayong magreklamo. Ganito lamang talaga ako.
Aaminin ko, medyo mayabang ako.
Oo. Totoo na may mga katangian ako na ayaw ng ibang tao.
Pero kahit may pagkagago ako, 'wag niyong subukan na laitin ako.
Dahil sino ba kayo? Wala naman sa atin ang taong perpekto.
May mga taong nilalayuan ako.
Bakit? Dahil ba ito sa pagka-Satanas ko?
Bakit ba laging negatibo ang tinitignan niyo?
Hindi niyo man lang naisip na may pagka-anghel ako kahit papaano.
Ang iba'y gamit ang turing sa'kin.
Lalapitan lang ako sa tuwing ako'y kanilang kakailanganin.
'Pag ito'y kanilang nakuha, ako'y nagiging hangin,
Parang 'di kami magkakilala, ako'y 'di napapansin.
Minsan, nagtataingang kawali na lamang ako.
Kunwari'y hindi ko alam na sinasaktan na nila ako.
Dahil ako ay isang taong edukado, taong gumagamit ng talino,
Dapat 'di pinapansin ang mga taong bastardo.
Madalas kong tanungin sa sarili ko,
May tao pa bang minamahal ako?
Kadalasan kasi ay puro panlalait ang nakukuha ko,
Buti na lang at nariyan ang pamilya ko.
Minsa'y mababa na ang tingin ko sa sarili ko,
Dahil sa mga salitang natatanggap ko,
Akala ko, ako ay walang saysay,
Dumating pa ako sa puntong gusto ko nang mamatay.
Aking buhay, pinilit kong mabigyan ng kulay.
Dahil ayaw kong mamatay dahil sa mga walang kwentang bagay.
Alam ko naman na nandidiyan lang ang pamilya, mga kaibigan ko,
Nagmamahal sa'kin at tanggap ako nang buong puso.
Alam kong ako'y hindi perpekto,
May pagkakamali't kagaguhan din ako.
Pero alam ko ang mga limitasyon ko,
Dahil alam kong may mga karapatan at tungkulin ako sa mundong ito.
Ngayon, nag-aaral ako nang husto.
Para maabot ko ang mga pangarap ko.
Maging abogado, manunulat o maging isang guro,
Para maibahagi ko ang mga nalalaman ko.
Bilang isang kabataan,
Gusto kong matulungan ang sangkabaklaan.
Para makuha nila ang kanilang mga karapatan,
Malayang manirahan sa mundong ating ginagalawan.
Gusto kong maging isang inspirasyon,
Sa mga taong biktima ng diskriminasyon.
Kilalanin ang sarili, palawakin ang imahinasyon,
Para maging isang mabuting ehemplo pagdating ng panahon.
..oOo..
This is a poem I wrote para mas makilala n'yo ako. I posted it in "Missing Pieces", too. Hihi.