Bahagi na ng pagiging tao ang pagnanais na umunlad tulad ng isang agilang pagal na ang nais ay makalipad upang makahanap ng lugar na mas akma sa kanyang kalagayan. Mahirap man ay kailangang kumayod ng isang nilalang upang makipagbakbakan sa patuloy na pagsalakay ng paghihikahos.
Nakakalungkot ngang isipin na sa kabila ng tunetuniladang pawis na ating inilalaan para sa kakarampot na salapi ay tila hindi parin sapat. Maswerte nalang ang Pilipinong wala pang pinapakain at pinag-aaral na kamag-anak dahil hindi pa ganap na mabigat ang bitbit nilang responsibilidad. Ngunit paano na ang kalumos-lumos na kalagayan ng mga Juan Dela Cruz na ipinagsisiksikan ang labindalawang anak sa isang kwadradong kwarto na gawa sa pinag-tagpi-tagping kahoy na napulot pa nga yata sa tambakan ng basura? Paano ang mga Juan Dela Cruz na tanging kapiranggot na tela lamang ang panlaban sa gabi habang nagtutulog sa mga lansangan at parke? Paano ang mga Juan Dela Cruz na tinitipid ang isang tig-P12 na instant noodles sa sangkaterbang anak na halos lahat ay may karamdaman? Paano na si Juan Dela Cruz? Paano na?
Kung titingnan natin ang lokasyon ng Pilipinas, tayo'y napapaligiran ng tubig... malawak na katubigan. Kaya't hindi na ako nagtataka pa kung bakit napakarami nating mga buwaya at linta. Minsan nga'y bumisita ako sa Manila Zoo. Kaygandang pagmasdan na ang mga hayop roon kabilang na ang mga buwaya ay masusing inaalagaan.
Ngunit may mga buwayang hindi na kailangan pang alagaan. Yun mga buwayang ipapanalangin mong maging extinct na tulad ng mga dinosaur. Nakakainis kasi. Nakaka-insecure. Buti pa ang mga buwaya ay mayroong sariling sasakyan na bukod sa marami na ay napakamahal pa. Buti pa ang mga buwaya, nakakakain ng masasarap na pagkain sa mga class na restaurant. Buti pa ang mga buwaya ay may mga magagarang damit, minsan ay naka-kurbata pa. Buti pa ang mga buwaya may mga bodyguard na linta. Buti pa ang mga buwaya, nakaupo lang sa silyang ginto tapos may sweldo na at may allowance pa. Buti pa ang mga buwaya ay napakagaling mag-Ingles... oooops, may mga buwaya palang hindi marunong mag-Ingles.
Lahat ng mga buwayang ito ay dati lamang mga butiki na parang Pokemon na nag-evolve into buwaya dahil nabigyan (o binigyan natin) ng pagkakataon upang maging buwaya. May ibang butiki nga ngayon na tinuturuan na ng ama at ina nyang buwaya upang mas maging magaling na buwaya sa hinaharap.
Isa ka rin eh! Oo, ikaw nga! Isa ka rin! Kung hindi mo lang sana ibinenta ang sagrado mong boto at kung ang pinili mo'y ang alitaptap na magbibigay sana ng liwanag sa ating madilim na bayan eh di sana'y hindi na natin kailangan pang bumili pa ng kandila sa tindahan ni Tiya Leonila kapag sunod-sunod ang brownout dulot ng pagiging iresponsable ng mga Electric Cooperatives sa iba't ibang bayan at hindi na magsisindi pa ng mga bulok na gasera ang mga kababayan natin sa mga kabundukan na hindi pa inaabot ng kuryente dahil hinaharang na agad ng mga buwaya ang pondo at inilalagay na sa sarili niyang bank account. Diba? Buwaya, may bank account? OnliEnDePelipins! Pero hindi naman daw sa kanya yun kaya hindi nakalagay sa SALN (Statement of Assets, Liabilities, and Net worth) nya. Tsk tsk.
Ngunit hindi sa lahat ng panahon ay ang mga buwaya lang ang babatuhin natin ng naglalagablab na sibat. May mga hayop pa tayong dapat pagtuunan ng pansin hindi lamang sa panood natin sa Discovery Channel o sa pagbabasa natin sa mga textbook simula nung kinder hanggang sa pinaka-huling hakbang sa K+12 na nilagdaannoong May 15, 2013 sa panahon ng dating presidente na si Benigno "Noynoy" Aquino III na anak ng mga namayapang sina Ninoy at Cory Aquino.
Tulad nga ng nasambit ko kanina'y bahagi na ng pagiging tao ang pagnanais na umunlad ngunit hindi maiwasang may mga hadlang. Ang ilan ay mga lantarang kaalitan. Ngunit ang masaklap ay dumating sa punto na ultimo mga taong inaasahan mong magiging sandigan mo'y syang magiging isa pang elemento sa pagbagsak mo. Tama. Sila ang mga TALANGKA na sa tuwing nalalamang ika'y paakyat tungo sa mas ikabubuti mo'y hihilain ka pababa. Tama nga ang kanta ng bandang Brownman Revival na may titulong Hitik Sa Bunga:
Inggit sa iyong narating
Pilit kang sisirain
Dyan sila magaling
Ilalagay ka sa alanganin
Kaya mag-ingat sa mga asal talangka
Hihilahin ka nila pababa
Namamato pag ika'y hitik
Hitik sa bunga
Hitik sa bunga
Dapat lagi kang listo
Bantayan ang iyong puso
Sa mga pabigat sa iyong pag-akyat
Pumipigil sa iyong pag-angat hmmm
Inggit sa iyong narating
Pilit kang sisirain
Dyan sila magaling
Ilalagay ka sa alanganin
Kaya mag-ingat sa mga asal talangka
Hihilahin ka nila pababa
Namamato pag ika'y hitik
Hitik sa bunga
Hitik sa bunga
Minsan ding nakasabay ko sa karera ng buhay ang isang PAGONG. Bilang isang nilalang na may awa, pilit ko syang hinintay upang akin syang makasabay hanggang sa dulo ng aming lakbayin nguni't sa huli'y sumuko na rin ako. Sumuko ako sa paghintay sa kanya hindi dahil wala syang halaga sa akin. Ngunit dahil hanggang doon na lamang ang limitasyon ng aking paghihintay. Tulad ng iba'y may sarili rin akong destinasyon. Nagkataon nga lang na sadyang kaybagal nyang ihakbang ang kanyang mga paa. Kung anong dahilan? Hindi ko parin mawari. Maaaring natural na sa kanya o dahil sa pasan-pasan nya sa kanyang likuran na kailan ma'y hindi nya maaaring iwanan dahil sa pasan nyang yaon nakasalalay ang kanyang pagiging pagong hanggang marating nya ang nais nyang marating.
Matapos iwanan si Pagong ay akin namang nakita ang kaawa-awang AHAS na sa tingin ko'y kakalabas pa lamang sa itlog.Minahal ko sya't inalagaan sa pag-aakalang mula sa ahas ay magiging uod syang walang bangis dahil sa pag-aarugang inilaan ko sa kanya nguni't sa paglipas ng panaho'y pinuluputan nya ako sa aking leeg at muntik na nya pa akong tuklawin. Noon di'y napatunayan kong ang ahas ay mananatiling ahas.
Nang makawala'y agad tumakbo. Nang malayo na'y nahagip ng mga mata ang grupo ng mga marurungis at mababahong BABOY. Ang iba'y lumalamon at umiinom ngunit mas marami sa kanila'y natutulog lamang. Tila kulog ang kanilang paghilik sa aking pandinig. Sahalip na lumapit ay iniwasan ko nalang sila.
Ilang metro pa'y nakasabay ko ang mga PATO. Labis akong nagalak sa sistema na aking natunghayan. May isa silang pinuno na yaong sinusundan nila kung saan man ito patungo. Ngunit sa huli'y may mga katanungang biglang pumasok sa aking isipan. Paano kung ang pinuno nila'y madala sila sa maling lugar? Paano kung ang pinunong yaon ay dalhin sila sa lugar kung saan wala silang makain? Paano kung ang pinunong yaon ay pasunudin sila tungo sa bangin na maaari nilang ikapahamak? Paano kung...
Hindi pa tapos ang pagpasok ng mga katanungan sa aking diwa nang biglang makarinig ako ng ingay at makita kong nagsisitakbuhan ang mga pato. Pilit kong hinagilap ang nagdulot ng kaguluhan nang mahagip ng aking mata ang isang TIGRE na kagat-kagat ang leeg ng isang pato... ang pinuno. Walang pato na naglakas loob man lang na iligtas ang kanilang pinuno mula sa pangil ng dambuhalang pusa. Wala, kahit isa. Sabagay. Pato lang sila't anong laban nila sa tigre? Dagli akong umalis at nagpahinga sa isang malaking punong kahoy.
Habang habol ang hininga dahil sa mabilis na pagtakbo ay napatingala ako sa langit. Makulimlim. May nagba-badya na namang sama ng panahon. Mula sa pagkatingala'y napayuko ako nang mapansing may nagsisigalawan malapit sa aking talampakan. Maliliit. Mapupula. Mga kawal ng kasipagan, langgam. Maliliit na organismong may malalaking layuning mabuhay. Abala sa pag-iimbak upang may makain sa panahon ng pangangailangan. Ultimo sa paglalakad ay may disiplina. Nakapila sa dalawang magkabilaang linya. Walang tulakan at walang singitan. Sana'y ganire din ang mamamayan ng Pilipinas kabilang na ako. #JuanDelaCruzGoal
Ilan sa mga nasambit na hayop ay maaaring katauhan mo sa kasalukuyan. Ang tanong: sino ka sa kanila? Magbago ka na habang may oras pa. Tandaan, hindi ka hayop. Tao ka!
BINABASA MO ANG
Libro ng Kalokohang Aral
Roman d'amourPara sa mga broken-hearted at broken face. Para sa mga Tamod na hindi manlang nabigyan ng pagkakataong maging fetus dahil dumeretsyo na sa sahig ng banyo. Para sa mga fetus na nasa bahay-bata palang ay alam na ang amoy ng nabubulok na sistema ng lip...