Part 22-Super Tindero

77 4 0
                                    


Habang naghihintay ng masasakyang dyip upang magtungo sa opisina ay may nakita akong matandang bulag na nagtatangkang tunawid sa kalsada at hindi alintana ang tunog ng mga nagraragasang mga sasakyan na minamaneho ng mga kaskaserong driver.

In-obserbahan ko ang mga tao sa paligid. Ang ilan ay abala sa pagpara sa mga pampasaherong sasakyan, ang iba'y tutok na tutok sa pagkulikot ng produkto ng teknolohiyang pang-komunikasyon, ang iba'y walang hiya na nakikipaglandian sa kanilang kapareha sa kabila ng katotohanang nasa pampublikong lugar sila. May mga abala rin sa pagtawid sa buradong pedestrian lane at dinadaanan lang ang pobreng bulag.

Sino nga ba ang bulag? Ang matanda o ang mga tao sa paligid ng matanda? May tig-isang pares tayo ng nakakakitang mata (bwera na ang may mga third eye tulad ni Vincent ng Ghost Fighter at Tenshinhan ng Dragon Ball) ngunit hindi naman natin sa mas kapakipakinabang. Mas pinipili nating magbulagbulagan at huwag tanawin ang mga taong nangangailangan. Sino nga ba ang bulag? Sila ba na walang kakayahang makakita o baka naman ang lipunan. Minsan kung sino-sino pa ang nabibiyayaan ng paningin ay sila pa ang nagiging bulag. Nakakalungkot lang na madalas tayong mangarap na magkaroon ng superpowers upang maging superheroes ngunit... bahala na kayo kung ano ang gusto nyong idugtong! Naaasar na ako! Naalala ko bigla ang tula na isinulat ko nung ako'y nasa unang taon kolehiyo na may titulong Pangil ng Kasakiman na inialay ko sa mga nabubuhay sa karimlan.

Di kelan man pinahihintulutan

Na isukob ng wagas yaring riwasa.

Sa pangpang ng karimlan

Ako'y nananaghoy,

Ligaya ng sinukob

Saking saplot ay isaboy.

Nais ko'y masamyo

Simoy na naghuhumiyaw

At lagpasan yaring sagwil

Na sa akin ay nagpapapusyaw.

Labis na panibugho ay rumaragasa

Na taglay nitong taludtod at mga talata

At tumataginting sa bawat parirala.

Suklam na aking kamit buhat pa simula,

Suklob ang talastas ng bawat kasawian

Na noo'y pinupuon ay pangil ng kasakiman

Karunungang ginto dati'y di nais samsamin.

Sa rosas ng dilim, ako'y nagpaalipin

"Di kelanman pahihintulutan ang kasamaan,"

Yan ang napagtanto buhat sa nakaraan.

Sa rurok ng buhay may pag-asang tumatanglaw

Ngunit ito ay di abot ng aking tanaw.

Unti-unti akong nakaramdam ng galit sa lahat ng tao na hindi natatakpan ng eyebags ko. Pakiramdam ko'y sira ang araw ko. Muli kong tinitigan ang bulag na nagsusumikap sa pagkapa ng daan gamit ang isang manipis na bastong yari sa kawayan at patuloy na nakikipag-petintero sa mga de gulong na kahong pinaaandar ng makina.

Nagdesisyon na akong kumilos upang tulungan ang matanda. Ihahakbang ko na sana ang ang aking paa nang mula sa aking kanan ay may tumakbo. Inakala kong snatcher pero hindi ako nag-panic kasi wala namang mai-snatch sa akin kasi mahirap lang ako. Nagulat pa ako nang mapagtanto ang kanyang deatinasyon, ang lokasyon ng bulag na matanda.

Hinawakan nito ang isang kamay ng huli at inakay patungo sa mas ligtas na lugar. Nang nakatawid na ng matiwasay ay bulag ay muling bumalik sa aking kanan ang "Good Samaritan".

Oo nga pala. Nakalimutan kong sabihin na ang lalaking tumulong sa matanda ay isang tindero ng candy, yosi at mineral water sa bangketa.

Umupo sya na parang walang anumang naganap ngunit nasilayan akong bahid ng ngiti. Bakas sa kanyang mukha ang ligaya na dulot ng pagtulong sa kapwa na walang hinihinging kapalit.

Nang mga oras na yaon ay nais ko syang palakpakan pero hindi ko ginawa kasi magmumukha akong tanga. Para lang makatulong sa nangangailangan ay iniwan nya ang kanyang mga suking mamimili at isinantabi ang pangambang baka may magnakaw ng kanyang paninda.

Dala na marahil ng paghanga ay bumili ako sa kanya ng mineral water. Nang maiabot ang kulay ube na perang papel ay agad na akong umiskapo . Sinadya kobg hindi kunin ang sukli, hindi dahil peke ang ibinigay kong P100 kundi dahil kulanv pa iyon kung tutuusin sa ginawa nyang kabayanihan. Ganitong uri ng mga tao ang dapat na yumaman at mabigyan ng pagkilala.

Hindi nga talaga natin kailangang magsuot ng superhero costumes with kapa at maskara o magkaroon ng kapangyarihan upang maging ganap na bayani. Minsan ay sapat na ang suot ni Manong Tindero na pudpod na tsinelas, kupas na pantalon, lumang damit, lakas ng loob at lagustuhang tumulong tulad ng isang ordibaryong tindero sa bangketa.

Napatunayan ko rin na sa ating mundong ginagalawan na pinaghaharian ng mga naka-maskara't naka-kurbatang halimaw ay may mga umaaligid pang mga bayani at sana'y isa ka sa mga bayaning tinutukoy ko. Bayaning tulad ni Super Tindero.

Libro ng Kalokohang AralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon