Part 29-Unang Beses ng Pagdya-JOB HUNT

87 0 0
                                    


Sa trabahong ito napatunayan kong marami pala talagang Pilipino ang kinakapos sa magandang oportunidad. Maraming aplikante ang hindi man lang nakatungtong sa kolehiyo kaya nahihirapan magtrabaho. Naibulong ko nga sa aking sarili kung ganun ba talaga kababa ang bilang ng mga Pinoy na hindi nabibiyayaan na makakuha ng kursong nais nila o mataas lang talaga ang presyo nito upang maabot ng karaniwang Pilipino?

Maswerte ang mga kabataang sukbit ang kanilang mga bag na naglalaman ng mga libro't kwaderno na hindi naman nila ganap na nagagamit. Maswerte ang mga kabataang nakakasuot ng uniporme dahil kaya nilang magbayad ng matrikula. Maswerte ang kabataang masayang kumakain sa cafeteria ng paaralan.

Sa panahon ngayon, ang susi ng edukasyon ay pera. Kung wala kang pera, hindi ka mabibigyan ng pagkakataong makapag-suot ng identification card ng anumang pamantasan.

Habang bumibili ng tigpi-pisong Dragon Seed sa isang sari-sari store ay hindi sinasadyang nasagap ng aking sense of hearing ang payabangan ng mga paslit na naghihiwa ng mga dahon ng bayabas na ulam daw nila habang nagbabahay-bahayan.

Bata 1: Gusto ko maging titser para maturuan ko ang mga batang walang pera.

Bata 2: Gusto ko maging titser para magkapera.

Bata 3: Gusto ko magkapera para maturuan ako ng titser tapos magiging titser na akoooooo. Yehey!

Inosenteng kwentuhan ng mga inosenteng paslit. Nakakatuwa na sa murang edad ay may mga pangarap na sila sa buhay. Nakakalungkot na pera lang ang magiging hadlang sa pagkamit ng pangarap ng mga musmos na ito.

Makirot man sa damdamin ngunit yun ang reyalidad. Nang mga panahong nasa kolehiyo ako ay halos magkanda-kuba na ang aking mahal na ama sa pagtrabaho upang makapagpadala ng pambayad sa aking matrikula samantalang ang mahal kong ina ay nabaon na sa gabundok na utang upang may maipamasahe lang ako araw-araw. Ngunit hindi parin sapat. May mga biglaang proyekto, kailangang kagamitan sa pag-uulat sa tuwing ako ang itutoka ng masisipag naming guro na mag-talakay sa leksyon na dapat nga'y sila ang nagtatalakay, pampatahi ng uniporme at marami pang iba.

Minabuti kong maging working student. Mahirap. Sobrang hirap. Simula sa unang taon sa kolehiyo hanggang magtapos ay kinailangan kong ipagsabay ang pag-aaral at pagtatrabaho. Naging event organizer, photographer, encoder, empeyado ng gobyerno, reporter, radio disc jockey at program manager. Lahat na yata ng kayang kong gawin ay ginawa ko na kahit ang sahod ay kakarampot lang tulad ng oras na ibinibigay sa akin ng taong mahal ko.

Kalbaryo ang buhay ng isang working student. Bukod sa wala nang panahon na mag-ayos ng sarili, walang puwang ang buhay pag-ibig at gumimik kasama ang mga barkada na puro gawain ng ordinaryong kabataan ay madalas pangbumaba ang grado dahil sa hindi maiwasan pagliban at pagkahuling pumasok sa klase na dulot ng magulong oras sa trabaho. Sobrang nakakapagod. Nakakamatay. Madalas pula na ang mga mata kaya napagkakamalang adik. Yung eyebags, may eyebags din, kambal pa dahil sa kulang na oras sa pagtulog.

At sa mismong araw na nasuot ko ang nirentahan kong toga katabi kong umaakyat sa entablado ang aking magulang upang maabot ang diplomang ilang taon kong pinagpaguran ay biglang nagsibalikan ang mga alaala ng kahapon. Kahapon na mahirap ngunit kung bibigyan ako ng pagkakataon balikan, hindi ko papalitan. Akin lang itong titingnan at alalaahin ang mga aral na aking natutunan.

Nagpasya akong makipagsapalaran sa Maynila. Naisip ko na rin kasing kailangan ko nang kumita ng mas malaki dahil malapit na ring tumungtong sa kolehiyo ang pangatlo kong kapatid na si Jonalyn.

Pasado alas dos nang hapon nang makarating kami ni mama sa bus terminal. Sakto namang papaalis na rin ang sasakyan. Bumili ako ng pasenger's ticket at sumakay na.

Libro ng Kalokohang AralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon