YOSI BREAK
By: Nathaniel F. NaiganKaliwa't kanang lingon sabay pindot sa elektronikong pangsindi upang magbaga yaring yosi. Nagsimulang umusok ang dulo nito, usok na sumasayaw sa hangin sa saliw ng tahimik na alingawngaw ng sirang plaka ng alaala, alaalang ayaw na sanang gunitain pa.
Hithit ang bisyong nasa pagitan ng dalawang daliri na nais sanang ipangtusok sa pares ng iyong mga mata, tutal hindi mo naman nakikita ang aking taglay na halaga. Dumikit ang yosi sa aking labi na idinarasal na iyong labi ang dumadampi.
Hinagod ng usok ang lalamunan hanggang sa sunog na baga bago ito ibinuga. Sa usok ay lumabas ang emahe ninyong dalawa---ikaw na labis kong sinisinta at sya na aking barkada na sa dilim ay nahuling nagpapaligaya. Yakap mo sya at malutong ang kanyang tawa. Kayo'y masaya, lingid sa inyong kaalaman na kayo'y aking nakita. Kaylungkot, puso ko'y tila kinurot. Konsensya ba'y hindi manlang kayo sinundot? Tiwala ko sa inyo'y animo'y gusaling nagiba at parang bula na bigla nalang nawala.
Hindi maiproseso ng isipan ang tunay na dahilan kung bakit sa milyon-milyong nilalang na naging bahagi ng buhay ko ay sinadya ni Tadhana na kayo pang dalawa ang sa aki'y manloloko. Yung tayo ang mga tauhan sa pelikula tapos si Tadhana ay masayang nanonood habang kumakain ng popcorn. Nakangiti at nakataas pa ang paa habang pinapanood na tayo'y nagkakagulo na.
Ano bang nagawa ko kay Tadhana at sa inyo? Sayo, oo, ikaw na tinalo ko pa si Taguro ng Ghost Fighter sa paglabas ng isang daang porsyentong lakas upang mapasaya ka ng wagas. At sya, oo, sya na tinuring nang kapatid higit pa sa kaibigan ngunit sa huli'y piniling maging mapanuklaw na ahas.
Totoo nga ang nakasaad sa dakila at mahiwagang Libro ng Kalokohang Aral na ang ahas minsan hayop, minsan tao, minsan kaibigan mo... taong kaibigan na hayop sa pang-a-ahas sayo. Langya, itsura kasi katiwatiwalang bulate eh. May tinatago palang kamandag. Kaya nararapat na marahil na makausap si Kuya Kim, ang mga publisher ng mga diksyunaryo, encyclopedia, Wikipedia at ang Google na bukod sa python, cobra, anaconda at marami pang iba, may isang ahas pa, ahas na tatawagin kong Bes.
Paubos na pala ang yosing kanina pang hinihithit. Itatapon ko na ito kasabay ng mga hinanakit at dulot mong pasakit. Tama, oras na. Ito na nga ang panahon upang itigil na ang paninigarilyo. Puro lang naman kasamaan ang epekto. Puro lang sakit ang dala nito na maituturong kong tulad mo.
Matapos mapatay ang baga na hudyat ng pagtatapos ng lumang kabanata ng pagpapakatanga ay inihagis na ang upos sa tamang tapunan kasabay ng pagtapon ng mga alaala na minsan saking nagpaligaya ngunit sinira nyong dalawa. Tapunan na tatawagin kong nakaraan. Huli na 'to. Huling huli na. Hindi na ako aasa at magpapakababa pa. Hindi lang naman kayo ang tao sa mundong ito kaya kayo'y papatawarin na. Sana'y maging masaya kayong dalawa. Pinto ng puso ko'y isasarado na.
BINABASA MO ANG
Libro ng Kalokohang Aral
RomancePara sa mga broken-hearted at broken face. Para sa mga Tamod na hindi manlang nabigyan ng pagkakataong maging fetus dahil dumeretsyo na sa sahig ng banyo. Para sa mga fetus na nasa bahay-bata palang ay alam na ang amoy ng nabubulok na sistema ng lip...