swp-SA KWARTO NG MALULUNGKOT NA MGA TULA

370 0 0
                                    

Dati'y binabakuran lang ng mga salitang malulungkot
Nakakulong sa mga pader ng mga linyang hindi nagtutugma
Mga taludtod na isinulat gamit ang maliliit na mga letra – kasing-liit ng tingin ko sa aking sarili
Sa loob ng kwarto ng malulungkot na mga tula ako ay matagal na nanatili

Pero dahan-dahan, unti-unti
Kahit nanginginig pa ang sugatan kong binti
Sa maliliit na hakbang nagsimula akong sumilip palabas mula sa kwartong iyon
Hinatak ako palabas ng iyong nakakalulang pagngiti

Ang daming masasayang salita
Na lumilipad-lipad lang sa paligid
Dumadapo sa aking balikat
Ganito pala yung mundo ng pag-ibig
Mga bahaghari ng pangako
Mga humuhuning pagpaplano
Bukang liwayway ng mga pangarap
Mga pakiramdam na nasa ulap

Pero dahan-dahan, unti-unti
Umulan ang iyong pagpapasubali
Bumaha sa atin ang pagdududa
Yung mga sobrang totoo naging kunwari

Yung mga dahan-dahan, naging biglaan
Mabalasik na yung dating marahan
Pinunit ng kawalan ng iyong pakialam
Ang manipis na papel ng aking pakiramdam

Nawala yung mga lumilipad-lipad lang sa paligid na masasayang salita

Natira na lang yung mga bulong ng malamig na hangin,

"Kayang-kaya niyang ikaw ay mawala."

Salamat sa paghatid mo sa akin pauwi

Nandito na ulit

Sa kwarto ng malulungkot na mga tula.

SPOKEN WORD POETRYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon