SWP-PAGLIMOT

254 0 0
                                    

 Pati pala sa paglimot,
may trapiko.
Hindi ako makausad,
ang tagal ko na dito. 

Marami na ang dumaan, nandito parin ako.
Nakatulala, umaasang makakalimutan din,
at makakarating, sa dulo.
O kaya ako ay sunduin. 

Tama, bakit hindi ka bumalik at ako ay sunduin?
Iligtas sa mga usok at alikabok, na iniwan mo sa akin.
Mahirap umusad, mahirap maglakad. 

Bakit ikaw, nakaalis agad?
Maluwag ba ang daan nang ikaw ay lumakad?
Hindi ka ba hinarang ng mga alaala ko,
ng mga salita, mga haplos, mga pangako, at pagmamahal?
Bakit wala sa'yong humarang?
Bakit hindi ka nahirapan?
Wala akong makitang ibang daan. 

Mahal, bumalik ka naman.
Kahit saglit lang.
Ipaliwanag mo kung bakit ka nang-iwan. 

Mahirap kumalimot, at magpatuloy kung naguguluhan.
Pinipilit kung maintindihan, kaya siguro ako natatagalan.
Hindi naman siguro habambuhay ang pagtigil ko dito. 

Makakaalis din ako. 

Makakalimot, makakausad, katulad mo.  

SPOKEN WORD POETRYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon