Kabanata 28

6.3K 152 17
                                    

Kabanata 28

Regionals

"Blythe."

Natigilan ako mula sa pag-iimpake ng gamit sa bleachers. Paglingon ko ay nakita ko si Kuya Niel na suot-suot ang guest tag.

"Kuya?" naguguluhan kong tanong. "Bakit ikaw ang sumundo sa 'kin?"

Kinuha niya ang sports bag mula sa 'kin at hinayaan akong punasan ang pawis ko. Sumabay siya sa paglalakad habang palabas ng covered court.

"Hindi available si Kuya Alan," sagot niya, tinutukoy ang driver na naghahatid-sundo sa 'kin.

Ilang linggo na mula nang magkita kami ni Cloud. Sa ilang linggong 'yon, wala akong ginawa kun'di tumitig sa kawalan, nanghihinayang sa oras na pinagsamahan. Wala naman akong magagawa pa sa binitiwan dahil wala na akong lakas na kumapit.

Magmula noong araw na 'yon, nag-focus ako sa pag-aaral. Bahagya ring humigpit ang seguridad sa 'kin dahil sa presensiya nina Madison at Trojan Mondejar.

Palagi akong bahay-university kaya wala nang oras pa para makisama sa kung kani-kanino. Kung may gatherings naman, pinapayagan lang ako tuwing kasama ang ilan sa pinsan ko.

"The Regionals... malapit na, 'di ba?" tanong ni kuya habang binubuhay ang sasakyan.

Regionals.

Hindi ko mapigilan ang takot ko sa oras na 'yon.

"Oo, kuya," sagot ko habang nakatingin sa labas.

"You really want to go with it?" pangungumpirma niya bago paharurutin ang sasakyan.

Nagbuntonghininga ako at kinalikot ang aircon. Inilayo ko 'yon mula sa 'kin dahil katutuyo lang ng pawis ko. Hindi ako pwedeng magkasipon dahil makasasagabal tuwing training.

"Kailangan."

Sinulyapan niya ako. "Okay. We'll just have to work on the security even more."

Hindi talaga ako pinayagan nina Mommy na sumali sa Regionals. Masyado raw delikado, pero wala naman siyang magagawa dahil kailangan na ako sa team.

Kaya nakasali sa Regionals ang Trinity ay dahil sa sunod-sunod na win streak sa bawat district meeting. Ang kadalasang MVP do'n ay si Adara Fernandez na dating vice captain ko raw. Pero magmula nang umalis ako noong first-year, siya na ang naging captain. Mahusay naman daw ang pamamalakad kaya walang problema.

Hindi dapat ako kasali sa lineup sa Regionals dahil sa utos ni coach, pero may mga nag-backout na players kaya kinulang. Isama pa na ang ilan sa mga magagaling na members ay graduate na kaya bahagyang humina ang pundasyon.

Ang nagbibitbit lang ay si Adara at ang libero. Magaling naman daw ang ibang nasa varsity pero hindi pa nila nahihigitan ang mga dating miyembro.

Pinakiusapan ni Coach sina Mommy tungkol sa pagsali ko. Hindi na makatanggi si Mommy dahil pati ako ay gusto ko ring sumalang kaya napilitan silang pumayag. Alam kong ayaw rin ni Coach na pasalihin ako pero wala na siyang ibang magagawa pa.

Ito ba ang sinabi ni Madison na gagawa siya ng paraan para pasalihin ako?

Para saan? Para pahirapan ulit ako?

Alam kong bukod sa kagustuhan kong maglaro, gusto ko ring malaman ang nangyari noon kaya sumali ako ng varsity. Isama pa ang mga pinagsasasabi ni Madison, hindi ko na napigilan pa ang sarili na punan ang kuryosidad sa pagsali.

Alam ni kuya ang tungkol sa bagay na 'yon. Masyado raw delikado, sabi niya, pero mas gusto kong subukan dahil iyon na ang huling beses ko na pagsugal. Hindi ko muna pinroblema dahil inaabala ko ang sarili tungkol sa papalapit na Regionals.

Beneath the Clouds (STATION Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon