Chapter 2: The Mysterious Ring

1.3K 52 1
                                    

DUMATING ang araw ng aking pagiging legal. Lahat yata ng tao sa kaharian ay nagsisiyahan sa harap ng bahay. Nakasilip ako ang bintana habang nakatanaw sa nagsidatingang mga karwahe at mga tao galing sa bayan. Nagmakaawa nga ako kay Papa kamakailan lang na hindi ko gusto ng magarbong kasiyahan, gusto ko na kami lang magkapamilya at wala ng ibang tao, ngunit inaasahan na ng lahat ang araw na ito ang babaeng pinandidirihan ng nakakararami ay magiging legal na.

Nakaharap ako sa malaking salamin na makikita ang kabuuan ko. Bumagay sa aking balat ang suot kong damit na kulay lumang rosas. Napakahigpit ng pagkakasuot ng corset, sana lang ay matiis ko ito.

Napalingon ako nang marinig ang pagbukas ng pinto. "Handa ka na ba?" Pumasok si Mama na may ngiti sa labi.

Matapos ang mainit naming pag-uusap kamakailan lang ay hindi niya ako inimikan. Ngayon ay bumalik siya, bumalik ang malaki niyang ngiti. Sabay naming tinitigan ang aming repleksyon sa salamin.

"Patawarin mo ako sa nakaraang araw. Hindi ko dapat ginawa 'yon sayo at ipinipilit ang bagay na hindi mo naman gusto, pero kahit ako ay walang magawa sa kalakaran ng ating bansa. Bilang ina, sino ang hindi magiging masaya kapag ang kaniyang anak ay magiging isang legal na?" May namuong luha sa mga mata ko. "Alam kong hindi mo ito pinapangarap na mangyari. Binigyan kita ng panahon na makapag-isip, hindi man 'yon sapat pero alam kong nakapasya ka na sa desisyon mo at wala na akong magagawa doon. Alam kong mahirap magdesisyon pero dapat mo itong panindigan at ipagpatuloy."

Kung ano man ang desisyon ko sa gabing ito sana maintindihan niyo po ako Mama.

Kinuha niya ang maskara ko sa gilid ng mesa. Isinuot niya ito sa'kin. "Ilang taon na ang dumaan at sinusuot mo parin ang maskarang ito. Ngunit sana pagdating ng panahon may lakas ka ng loob na alisin ito at humarap sa maraming tao. Hindi ka man tanggap ng nakakararami, pero alam mo kong may taong tatanggapin ka kung ano ka. Meron parin namang mga tao na bukas ang puso, Arzena. Huwag mong ikulong ang iyong sarili dahil takot ka na marinig ang kanilang panghuhusga, huwag kang magpaapekto."

"Salamat, Mama." Hinila ko siya at niyakap nangmahigpit dahil alam ko pagkatapos ng araw na ito magbabago na ang takbo ng buhay ko.

Tumigil kami ni Papa sa harap ng malaking kurtina nakaharang.

"Salubungin ng masigabong palakpakan ang ating prinsesa sa gabing ito, Arzena Atria Parvati!"

Umalingawngaw ang napakalakas na boses ang tagapagsalita na naging dahilan ng panginginig ng aking katawan. Napisil ko pa ang braso ni Papa na ngayon ay may mapaglarong ngiti. Bumukas ito at inalalayan niya ako papalabas hanggang sa pagbaba sa malaking hagdan. Napalaki ang aking mata nang makita na naliligo ang sahig ng mga rosas. Namangha ako sa ganda ng pagkadisenyo at pagkaayos ng buong lugar. Napagkasunduan kasi namin ni Papa nasa sarili naming hardin gaganapin ang araw na ito at gumawa pa sila ng hagdanan para mas magarbo raw ang pagpasok ko.

"Ipinagmamalaki kita anak, lumaki kang isang mabuting anak." Niyakap niya ako ng mahigpit at hinalikan pa ako sa noo. "Mahal na mahal kita, anak. Tandaan mo 'yan."

"Salamat, Papa."

Ngunit hindi ko kayang ngumiti sa harap ng maraming tao, alam ko namang nandidiri sila sa'kin. Alam kong dumalo lang sila bilang respeto sa aking magulang.

Dumapo ang tingin ko sa aking mga kapatid. Kung pwede lang ay gusto kong manatili sa piling nila habang buhay. Ngunit kailangan kong harapin ang desisyong pinili ko. Hindi ako dapat manatili sa apat na sulok ng kwarto. Kailangan kong ilabas lahat ng takot at harapin ang reyalidad.

Nakakalat ang mga dalagang nagtatawanan at mababakas ang kaba sa dibdib ng mga kalalakihang binata. Maaaring isa sa kanila ay aking kabiyak. Isa-isang lumapit ang mga kalalakihan ngunit kahit isang pagtibok man ay wala akong naramdaman. Ibig sabihin lang nito ay hindi taga Valeria ang aking kabiyak. Naging malawak ang aking ngiti, mas sasaya pa yata ako kapag hindi ko matatagpuan ang aking kabiyak.

THE ROYAL DECREETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon