SA malawak na bakuran ng palasyo ay hindi mabilang ang mga taong nagkukumpulan habang hinihintay ang pagtugtog ng trumpeta. Halos hindi ito mahulugan ng karayom sa dami ng dumalo. Sa bungad palang ng kanilang kaharian ay nandoon ang ilang mandirigma ng Zeria. Nakakalat sa paligid ang ibang kawal at mandirigma. Halatang ito ay isang napakalaking seremonyas na hinihintay ng bawat henerasyon.
Kaya ba kahapon sa pagdating ko halos mabagsakan ang luha ng mamamayan dahil alam nila ang kalagayan ni Genesis? Lahat ay pinag-uusapan ang paghahatol sa Prinsipe, nag-aabang kung ito ba ay magiging tagalabas o magiging tagapagmana ng trono.
Nasa tabi ko si Ginang Corazon. Hindi niya ako ginugulo simula pa kaninang umaga. Hindi niya tinanong kung ano ang plano ko. Mababakas sa kaniyang mukha ang pagkabalisa.
Nasa itaas ang isang malaking balkonahe kung saan lalabas ang Hari kasama ang mga tagapayo. May mga palamuti ito at pinaghandaan. Sa isang gilid may anim na magarang upuan. Sa isang sunod-sunod na pagtambol ang naging senyales sa pagtahimik ng lahat na sinundan ng pagtugtog ng nakahilerang trumpeta.
Ang lahat ng atensyon ay nasa itaas nang isa-isang nagsilabasan ang mga tagapayo. Ngunit hindi ko inaasahan ang paglabas ng aking magulang kasama si Pkenzo sa kanilang likuran, sumunod ang dalawa pang taong maaaring Hari at Reyna ng Zeria, si Ginoong Pollo at ang huli ay ang Kataas-taasang Hari.
Ilang buwan na ba noong huli ko siyang nakita at nakausap. Nakasuot siya ng magarang kasuotan na may mga diyamante na palamuti at ang kaniyang malaking korona na kumikinang. Naalala ko ang una naming pagkikita, alam niya agad na ako ang babae na kabiyak ng kaniyang anak. Kaya kinausap niya ako ng walang pagdadalawang isip at kumilos agad sa hiningi kong pabor.
Dumapo ang tingin ko sa sumunod na lumabas. Isang binata na halatang hindi pa naglalabingwalo. Nakasuot ng marangyang kasuotan at hawak ng dalawa niyang kamay ay malagintong espada. Siya yata ang tinutukoy na pangalan ay Ezekiel ang pinakabata sa tatlong anak ng Hari. May seryoso siyang mukha at halatang hindi palangiti. Diretso lang ang kaniyang titig at hindi binalingan ng tingin ang mga tao sa ibaba. Napagtanto ko na siya ang lalakeng sinigawan ako nang malamang tinakbuhan ko si Genesis sa lawa.
"Maraming salamat sa inyong pagdalo sa araw na ito. Ang pinakahinihintay ng bawat kaharian, ang seremonyas na pinapahalagaan ng bawat isa. Sa araw na ito hahatulan na ang ating Prinsipe na mananatili ba siya sa kaniyang posisyon o maging tagalabas! Nasa kaniyang kamay ang kinabukasan ng ating kaharian at sana hindi ang magiging dahilan ng ating pagbagsak." Pagsisimula ng Hari at kumaway habang nakangiti sa lahat ng kaniyang sinasakupan.
"Kung ano man ang kahihinatnan nito ay sana bukal ang inyong pusong tanggapin ang hatol. Kahit gaano man kataas ang iyong katungkulan ikaw parin ay kasapi ng kumunidad na kailangan sundin ang mga patakarang isinakatuparan." Lumingon siya sa kaniyang mga tagapayo. "Sa tulong ng mga tagapayo kami ay magiging isa sa paghahatol sa Prinsipe na walang pagkiling. Kaya ngayon simulan na natin ang paghatol!"
Muling tumunog ang trumpeta at lumabas si Genesis suot ang kaniyang magarang damit habang mababakas sa kaniyang mukha ang malamig na tingin sa lahat. Ibang-ibang sa taong nakilala ko sa lawa. Ang suot niyang simpleng damit sa bukid ay napalitan na agad ng magara at mamahalin. Kahit siya ay nakasuot din ng maskara para itago ang kaniyang tunay na pagkatao. Hindi ko makikita ang ekspresyon na palagi kong nakikita sa kaniya, ang pagiging palangiti at pala biro. Ang ngiti niyang nakakapangtaas ng balahibo at ang mata niyang maraming isinisigaw. Sa ilang linggo na nakasama ko siya naisip ko na maaaring iyon ang totoo siya na walang responsibilidad na nakaatang sa kaniyang balikat at walang trono na naghahabol sa kaniya. Nakakapagtaka lang bakit hindi niya isinawalat sa'kin ang totoo niyang pagkatao.
Yumuko muna siya sa maraming tao bago hinarap ang Hari. "Ako si Genesis Caleb Renialdi, Prinsipe ng Royal Kingdom, malugod kong tatanggapin ang aking hatol na naaayon sa ating batas."
BINABASA MO ANG
THE ROYAL DECREE
Historical FictionIt's an Era of arts and beauty, with golden crowns and throne, fancy gowns, and social standing matters the most. But behind the mask of a girl named Arzena Atria Parvati, born having a scar on her face that makes her feel unwanted, shows that crown...