NIYAKAP ko ang dala kong gamit at mabilis na naglakad papalapit sa kanya. Nakasunod lang ako habang nakahawak sa laylayan ng kaniyang damit. Wala kasi akong nakikita, napakadilim. Pero tiyak ako na isang maliit na pasilyo ang dinadaanan namin ngayon. Sana makatagal ako dito. May binuksan ang Warden na tarangkahan. Sumalubong ang malaking bakal na pinto. Wala bang katapusan ang pinto dito?
Sa kaniyang pagbukas ay may malakas na sigaw ang sumalubong sa'min. "Bossing inuman na!" Umalingawngaw ang malalakas na boses sinabayan pa ng mga hampas sa mesa, tunog ng mga instrumento at kantahan.
Ibang klase, bilibid ba talaga ito? Napatakip ako sa bibig dahil sa gulat. May mga mahahabang mesa sa gitna tapos makikita ang selda sa bawat gilid at sa taas. Nakakalat sa mesa ang mga pagkain ang iba ay natapon na sa sahig. Bote-bote ang kanilang mga hawak na inumin at nilalagok lang ito ng walang kahirap-hirap. Saan nila nakukuha sa ganito ka daming pagkain? Ang mga preso, napakasaya pa abot hanggang langit ang ngiti. Hindi nila alintana ang kadena sa bawat pares ng kanilang kamay at paa at ang madungis nilang suot.
Pumagilid ang Warden kaya nakita ako ng mga ito. Halos malaglag ang kanilang mata at panga. May isa ngang nahulog ang hawak niyang malaking hita ng manok. Narinig ko pa ang malakas na pagbasag ng bote sa sahig. Ang maingay na musika at kantahan ay nawala bigla. Nabalot ng katahimikan ang buong paligid
Napatingin ako sa aking katabi na abot hanggang langit ang ngiti. Mapait akong ngumiti sa kanilang lahat at kumaway. Pala kaibigan naman ako sa ganitong sitwasyon, baka mamatay ako ng maaga dito.
"Aking mga minamahal na kaibigan. Ito si Arzena siya ay pansamantalang mananatili sa ating mga kamay sapagkat nanganganib ang kaniyang buhay sa pinuno ng mga rebelde. Maasahan ko ba ang inyong mga pangako na hindi kayo gagawa na ikakagagalit ko at bibigyan niyo siya ng respeto kagaya ng ibinibigay niyo sa'kin?"
Ang katahimikan ay napalitan ng malakas na hiyawan kaya ako ay napaatras sa gulat. Lumapit sa'kin ang dalawang lalaki napalingon pa ako sa Warden ngunit siya ay lumalagok na ng inumin. Dinala nila ako sa isang bakanteng upuan at nilatag ang pagkain at isang malaking baso na naglalaman ng serbesa. Lalo pang lumakas ang hiyawan, may sumasayaw na rin sa gitna. Iba ang inaasahan ko, iba't-ibang klase ng kriminal ang aking kasama ngayon sa ilalim ng lupa ngunit ang takot na naramdaman ay napalitan ng ngiti.
Natapos ang kasiyahan sa pagsapit ng madaling araw. Isa-isa silang pumasok sa kanilang mga selda at nagulat pa ako na sila pa mismo ang nagkandado sa kanilang sarili doon. Bumati sila isa-isa ng magandang araw hanggang sa tumahimik ang buong paligid. Tanging kami nalang dalawa ng Warden ang nanatiling gising. Niligpit ko ang mga kalat, iniwan kasi nila ang mga dumi at plato sa mga mesa.
"Hayaan mo na 'yan, mamaya ay sila na ang magliligpit. Halika at sumunod ka sa'kin dalhin mo na rin ang iyong gamit."
Hawak ko ang aking mga gamit habang tahimik naming dinaanan ang mga presong mahimbing na natutulog. Umabot kami sa dulo, may isang hagdan papunta sa ikalawang palapag. Sa aming pag-akyat ay nandoon ang kaniyang opisina, pinaupo niya ako sa bakanteng upuan sa harapan niya.
"Dahil ikaw ay mananatili dito pansamantala. Tawagin mo akong Pkenzo."
"Pkenzo," sambit ko sa kaniyang pangalan.
"May ibibigay lang akong ilang mga babala at patakaran bilibid na ito at sana'y kahit isa diyan ay hindi mo lalabagin kung ayaw mong ako mismo tatapon sa iyo sa pinuno ng mga rebelde."
Napalunok ako bigla sa kaniyang banta.
Inilatag niya sa'kin ang dalawang pahinang papel. "Nandiyan nakalista ang dapat mong gawin sa mga panahon na nandito ka sa teritoryo ko." Mahina akong tumango. "Dumaan ka sa hagdanan na 'yan at pumasok sa isang pinto doon ka matutulog." Tinuro niya ang maliit na hagdanan papunta sa itaas.
BINABASA MO ANG
THE ROYAL DECREE
Historical FictionIt's an Era of arts and beauty, with golden crowns and throne, fancy gowns, and social standing matters the most. But behind the mask of a girl named Arzena Atria Parvati, born having a scar on her face that makes her feel unwanted, shows that crown...