MABILIS akong napabalikwas sa uhaw na naramdaman ko, at naliligo pa ako sa pawis. Paglingon ko sa gilid ng kama ay nakita ko si Mama na mahimbing na natutulog. Maaaring napagod siya sa pagbabantay sa'kin kagabi. Ang tanga mo naman kasi Arzena.
Inabot ko ang isang baso ng tubig sa gilid ng kama at nilagok ito, parang buong taon akong hindi nakainom ng tubig sa uhaw. Ngunit napatigil ako nang mahagip ng aking tingin ang singsing na nasa daliri ko. Ano bang nangyari kagabi at bigla nalang akong nahimatay?
Hinawakan ko ang kamay ni Mama at mahina itong tinapik. "Mama," mahina kong tawag.
Tinaas niya ang kanyang ulo sa pagkakayuko. Nang makitang gising na ako at agad niyang nilagay ang kaniyang palad sa aking noo. "Salamat naman at bumaba na ang iyong lagnat. Kinabahan talaga kami sa sigaw mo kagabi. Ano bang nangyari at nakalumpasay ka sa kama habang nagliliyab ka sa lagnat? Mabuti nga, gising pa ang manggagamot at pinapunta namin dito." Mahahalata sa kanyang mukha ang pag-aalala.
"Hindi ko rin po alam kung bakit. Ano pong sabi ng manggagamot?"
"Sabi niya epekto lang iyon sa pagkagulat at madalas daw itong nangyari kapag nagkaroon kayo ng koneksyon ng iyong kasintahan."
Bigla akong nakaramdam ng kaba sa sagot niya. Koneksyon? Paano nangyari iyon? Hindi ko nga siya nakita. Paano kami magkakaroon ng koneksyon? Wala nga sa kasiyahan kagabi. Wala nga akong naramdaman na kakaiba sa mga kalalakihan na lumapit sa'kin. Teka, alam niya kaya na ako ang kaniyang kabiyak? Kung nasa kasiyahan siya kahapon, ibig din sabihin na nasa Valeria siya. Bakit hindi siya nagpakita? Ibig bang sabihin nito natakot siya sa'kin? Hindi niya matanggap ang aking sitwasyon? Ngunit maaari may dahilan siya. Hinawakan ko ang aking sentido. Ano ang gagawin ko? Ako'y naguguluhan, kailangan kong gumawa ng paraan.
"Ayos kalang?"
"Opo, ayos lang ako, ano kasi...naayos niyo na po ba ang mga gamit ko?"
Tumango siya sa'kin at tinuro ang mga maleta sa tabi ng aking mesa.
"Bakit?""Kailangan ko ng pumunta sa ibang kaharian." Kailangan kong tumakas palayo sa kaniya.
"Ngayon ka pupunta?" Halatang gulat na gulat siya sa desisyon ko.
"Opo."
Kahit nakakaramdam ako ng hilo ay kinuha ko parin ang tuwalya para maligo. Napasandal pa ako sa mesa nang bigla nalang sumakit ang ulo ko. Ngunit mabilis naman niya akong naalalayan.
"Halatang hindi pa maayos ang kalagayan mo. Paano nalang kung babalik ang kabiyak mo ngayon?"
Edi sisiguraduhin kong hindi na niya ako maabutan pa.
"Mama, ano man po ang sinabi ng manggagamot hindi po 'yon totoo. Simpleng pagkahilo lang at lagnat ang naramdaman ko kaya nawalan ako ng malay. Imposible rin po na nandoon siya sa kasiyahan sapagkat wala akong naramdaman na kakaiba kahapon."
Bumuntong hininga muna siya bago ako tinitigan ng diretso. "Siguraduhin mo lang 'yan anak. Nag-aalala lang kami ng Papa mo." Hinalikan niya ako sa pisngi bago naglakad papunta sa pinto papalabas.
"Sasabihin ko sa iyong ama ang iyong pag-alis ngayon para mahanda niya agad ang sasama sa iyo."
May kasama ako? Magsasalita pa sana ako ng tumunog ang pagsara ng pinto. Walang nabanggit si Papa sa'kin tungkol dito maaaring masira ang plano ko.
Pagkapasok ko sa banyo ay mabilis kong tinitigan ang singsing. Malakas ang kutob ko na ito ang dahilan sa pagkawala ng malay ko kagabi. Hinila ko ito para matanggal sa daliri ngunit parang may pwersa na pumapanatili sa akin. Hindi ko matanggal kahit anong hila. Namumula narin ang kamay at daliri ko. Suko na ako alangan na mang ipapaputol ko ang daliri ko dahil lang dito. Maaaring sa kabiyak ko ito nanggaling. Ano bang nilagay ng lalaking 'yon sa singsing na ito at parang napakamahiwaga?
BINABASA MO ANG
THE ROYAL DECREE
Historical FictionIt's an Era of arts and beauty, with golden crowns and throne, fancy gowns, and social standing matters the most. But behind the mask of a girl named Arzena Atria Parvati, born having a scar on her face that makes her feel unwanted, shows that crown...