PINAGPAHINGA muna nila kami ni Tatiana, napansin nila ang pangingitim ng aming mata at pamumutla. Hindi na rin kami umangal dalawa dahil naramdaman narin ng katawan namin ang pagod. Kasalukuyan akong nakahiga at kakagising ko lang, pero madaling araw pa. Lahat ng tao tulog pa sa oras na ito. Hindi na ako makatulog pabalik kahit pilit kong iwinawaksi sa isipan ang negatibong mangyayari sa kanila.
Tumayo ako at binuksan ang pinto sa maliit na balkonahe. Sumalubong sa'kin ang madilim pa na kalangitan at kumikislap na butuin. Sana bukas maayos na ang lahat, na ang nangyayari ngayon ay isa lang bagyo na huhupa at mawawala rin. May maiiwan mang sugat ngunit alam naman nating makakabangon parin.
Lumabas ako ng kwarto at isang madilim na pasilyo ang nadatnan ko. Umakyat ako sa ikatlong palapag at sinalubong ako ng isang tagapagsilbi.
"Prinsesa Arzena."
"Ang mga pasyente?"
"Wala parin pong malay, pero napapansin naman ng manggagamot ang epekto ng halaman na dala ninyo. Kaya lang... " Nagdadalawang-isip siya sabihin sa'kin ang ikinababahala nila.
"Ano iyon?"
"Si Prinsipe Genesis po kasi, parang hindi umeepekto sa kaniya ang gamot."
Saglit akong napatulala sa kaniyang sinabi. "Dalhin mo ako sa kaniyang silid."
Nagsimula kaming umakyat ng tagapagsilbi sa ikaapat na palapag. Nakita ko ang sari-saring larawan ng mga taong na halatang mga dating namuno sa Royal Kingdom. Ang hawakan ng hagdan ay gawa sa ginto at pilak. Ang mga plorera ay halatang mamahalin at may mga bagong pitas na bulaklak. May mga lumang mga gamit din, may mga ulo ng hayop at balahibo na nasa sahig. Ngayon ko lang napansin ang ganda pala ng palasyo.
Biglang tumigil ang tagapagsilbi at may itinurong pinto. Napalunok ako ng ilang beses bago tumango sa kaniya. Nanginginig ang aking kamay habang nakahawak sa siradura. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko.
Nahagip ng mata ko ang pag-ilaw ng suot kong singsing na aking ikinagulat. Ibig sabihin ay hindi nga guni-guni ang nakita ni Sandra sa singsing na ito at hindi niya ako binibiro. Napangiti ako ng mapait nang masuri ko ang mga konektadong mga ideya. Sa bawat ilaw nito nangangahulugang malapit lang siya. Simula sa unang paglalakbay namin nandoon siya at maaaring nagtatago kung saan. Paano niya nakaiwas sa kakaibang kakayahan nila Claudia at Sandra?
Ang unang gabi sa aming paglalakbay ang kaluskos na aming narinig ay hindi iyon galing sa ligaw na hayop kundi sa kanya. Ang nararamdaman ko noong nasa paglalakbay kami maaaring siya iyon. Mapapansin kong may nakatingin at nakasunod sa'min kaya napapalingon nalang ako bigla. Pinatili niya ang kaniyang distansiya para hindi ko maramdaman ang kaniyang presensiya. Sinusundan na niya ako hanggang dumating kami sa Zeria at hindi lang nagkataon na nandoon siya sa kasal ng dalawa dahil ako talaga ang sadya niya at alam niyang nandoon ako.
Hinawakan kong muli ang siradura at pinihit ito. Tumambad ang madilim na kwarto. Paghakbang ko palang naramdaman ko na agad ang kakaibang sensasyon sa katawan.
Binuksan ko ang ilaw at nakita ang taong nakahiga sa malaking higaan. Pinilit kong humakbang papalapit doon. Sa ilang araw lang labis ang ikinabagsak ng katawan niya, nangingitim ang ilalim ng kaniyang mata at namumutla ang kaniyang labi. Tumakbo ako papalapit at napaluhod sa gilid ng kama.
Inabot ko ang kaniyang kamay at mahina itong hinaplos. "Genesis, nandito na ako. Nagmamakaawa ako sayo lumaban ka. Gumising ka na. Hindi ko kayang mawala ka, hindi ko kayang maiwan mag-isa. Hindi ko kakayanin. Marami pa akong tanong sayo. Marami pa akong dapat marinig na rason mo tapos iiwan mo nalang ako ng ganito." Pilit kong pinunasan ang mga luha, ngunit letche umaagos parin. "Ang daya mo naman, ngayong nandito na ako diyan ka naman mawawala. Ganito ba talaga tayo pinagkaitan ng tadhana?"
BINABASA MO ANG
THE ROYAL DECREE
Ficção HistóricaIt's an Era of arts and beauty, with golden crowns and throne, fancy gowns, and social standing matters the most. But behind the mask of a girl named Arzena Atria Parvati, born having a scar on her face that makes her feel unwanted, shows that crown...