Part 1

13.1K 248 2
                                    

"ANAK, kailan ang susunod mong day off?" biglang tanong ng ina ni Hannah habang nasa hapag kainan sila at nag aalmusal. Nahinto siya sa aktong pagsubo ng egg sandwich na hawak niya at napalingon dito. Pinigilan niyang mapaungol sa nakita niyang pamilyar na kislap sa mga mata nito.

"Hindi ko pa ho alam. Itatanong ko kay Rica kung kailan siya puwedeng tumao sa restaurant namin," sagot na lamang niya at ipinagpatuloy ang pagkain. Hindi na niya inabalang kumain ng heavy breakfast dahil siguradong pipilitin din siya ni Elay na kumain ng niluto nito pagdating niya sa restaurant nila. Ito kasi ang tumatayong head cook nila.

Bumakas ang disappointment sa mukha ng mama niya. "Ano ba iyan. Akala ko pa naman noong nag resign ka sa dati mong trabaho at magdesisyong magtayo ng negosyo kasosyo ang mga kaibigan mo ay mas magkakaroon ka na ng free time para sa sarili mo. Iyon pala lalo ka lang magiging busy," nakaingos pang reklamo nito.

Dinaan niya sa tawa ang himutok nito. "Ma, kung hahayaan ko ang restaurant sa mga bruhang iyon malulugi lang kami. Besides sa aming lahat, kami lang ni Jem ang may alam talaga sa business at management," paliwanag niya.

Tatlong taon na ang nakararaan mula ng planuhin nilang magkakaibigan ang ngayon ay ang Single Ladies' Buffet. Isa iyong malaking restaurant sa Eastwood na ang main attraction ay ang kanilang eat-all-you-can buffet ng mga Filipino foods na niluluto ni Elay. Katulad niya ay dati rin itong may ibang trabaho. Ngunit nagresign din ito at nagboluntaryong pamahalaan ang kusina ng restaurant nila.

Sa totoo lang ay hindi sumagi sa isip niya noon na magsososyo silang magkakaibigan sa isang negosyo. Magkakaiba naman kasi sila ng mga career. Siya ay dating nagtatrabaho sa isang hotel. Si Elay ay dating chef sa isang luxury cruise ship; si Myra ay head mistress ng isang Montessori school; si Alaine ay nagtatrabaho sa isang bangko bilang branch manager. Si Kendra naman ay veterinarian at may pet clinic sa Tinedesitas; si Jem ay business analyst ng isang multi-million company at si Rica naman ay dakilang manunulat at siyang unang nagsuhestiyong mag negosyo sila.

Natatandaan pa niya ang araw na nabuo ang planong iyon. Nasa isang coffee shop silang magkakaibigan para sa kanilang once in a while meeting.

"Friends, I'm getting bored," bulalas ni Rica matapos sumimsim ng café latte nito.

"Subukan mo kasing dalasan ang paglabas ng bahay para hindi ka nababato," suhestiyon ni Elay.

"Puro na nga lang ako lakwatsa eh. Mauubos lang ang pera ko kung mas dadalasan ko pa ang paglabas 'no. Kung sana may iba akong mapagkakaabalahan na hindi ako magiging empleyado. Hindi ako pwede sa mga ganoon eh," usal pa nito na tila naman nag-iisip. Pagkuwa'y tinitigan sila nito isa't isa. Kitang-kita niya kung paano namilog ang mga mata nito na halatang may kung naisip. "Alam ko na!" excited na bulalas nito.

"Anong naisip mo?" curious na tanong ni Alaine.

Ngumisi si Rica. "Magtayo tayo ng business. Hmm... restaurant! Kasi gusto ko ng negosyo na puntahan ng maraming tao."

"Sus gusto mo lang ng matatambayan kung saan pwede kang magmasid ng mga tao at gamitin sila sa mga nobela mo," naiiling na buska rito ni Myra.

Lalong lumawak ang pagkakangiti nito. "Siyempre kasama na iyon. Pero seryoso ako," giit pa nito.

Napangiti siya habang nakikinig siya sa palitan ng salita ng mga ito. "I think that is a good idea," sabi niya sa mga ito.

Sabay-sabay na napatingin ang mga ito sa kaniya. "Seryoso?" tanong ni Kendra.

Nagkibit balikat siya at ngumiti kasabay ng pagtango. Sumang-ayon din si Jem. "I also think it's a good investment for all of us," sabi pa nito.

Sandaling tila nag-isip ang mga ito pagkuwa'y nagsipag-sang-ayunan. Saglit pa ay abala na silang lahat sa pagsa-suggest kung anong klaseng restaurant ang gusto nila. Si Rica ay binuksan ang laptop nito na palagi nitong dala at inencode ang lahat ng suggestions nila. Pati pangalan ay matagal nilang pinag-isipan. Bago sila naghiwa-hiwalay ay nakabuo sila ng solidong plano. Unang buwan ng sumunod na taon ay nagbukas ang Single Ladies' Buffet – ang kanilang baby at simbolo ng kanilang matibay na pagkakaibigan na nagsimula pa noong nag-aaral pa lamang sila.

Nabalik siya sa kasalukuyan nang marinig niya ang malakas na pag-ismid ng mama niya. "Ah basta. Humanap ka ng araw na malilibre ka next week. May amiga ako na nakasalubong ko sa supermarket noong isang araw. May anak pala siyang binata, abugado at walang girlfriend. Makipag-date ka sa kaniya. Good catch iyon anak," sabi nitong ngumiti pa na tila excite na excite.

Naitirik niya ang mga mata sa sinabi nito. Sinasabi na nga ba niya at iyon ang gusto nitong sabihin. Tuwing nagtatanong ito kung kailan siya libre ay kadikit niyon ang usapan tungkol sa kung sinong irereto nito sa kaniya. "Ma, kailan ka ba titigil sa pangrereto mo sa akin?" malumanay na tanong niya na may halong pakiusap.

"Kapag nakapag-asawa ka na," deretsang sagot nito. Hindi siya nakaimik sa sinabi nito. Nakita niyang bahagya itong tinapik ng papa niya na katabi nito at kanina ay tahimik lamang silang pinakikinggang mag-ina. "Mira," saway pa nito.

Pero mukhang tulad ng dati ay hindi magpapaawat ang mama niya. "Hannah para sa iyo din naman ang ginagawa ko. Trenta'y uno ka na. Isang taon na lang ay wala na sa kalendaryo ang edad mo at matatawag ka ng matandang dalaga," sabi nito.

Nagkibit balikat siya. "I don't really mind kung maging ganoon man ako mama. In fact matagal ko ng tanggap iyon," sagot niyang lalong ikinalaki ng mga mata nito.

"But I do mind! Hindi mo man lang ba ako bibigyan ng apo?" tanong nito sa mas malakas na tinig. Napaubo ang papa niya. Siya naman ay napangiwi sa walang gatol na sinabi nito.

"Ako na lang ang magbibigay sa iyo ng apo mama," biglang sabi ng kakambal niyang si Harry na hindi na niya namalayang dumating na pala. Dito nabaling ang tingin nilang tatlo. Naka-long sleeved polo at slacks ito at kasalukuyang niluluwagan ang kurbata nito. Kahit nakangiti ito ay bakas ang pagod sa mukha nito. Tinapik nito ang ulo niya at hinatak ang silyang katabi ng sa kaniya. "Wow ang sarap ng almusal," sabi pa nito at nagsimulang sumandok ng pagkain.

"Himala at nagkita tayo. Tapos na ang shift mo niyan?" tanong niya rito. Thankful siya na maiiba na rin sa wakas ang paksa ng usapan nila.

"Dapat. Pero magpapalit lang ako ng damit at magpapahinga sandali. May ooperahan akong pasyente ng alas dos," sagot naman nito. Pagkuwa'y bumaling ito sa ina nila at ngumisi. "May time akong gumawa ng apo kung gusto mo 'ma," dagdag nitong halatang nangaasar lang.

Nalukot ang mukha ng mama nila. "Naku Harry girlfriend muna ang dalhin mo dito bago bata dahil kung hindi ay malilintikan ka sa akin," nagbabantang sagot nito.

Tumawa ang kapatid niya. "Sabi mo gusto mo ng apo. Mas madaling gumawa 'non kaysa humanap ng babaeng papasa sa iyo mama. Hindi ba 'pa?" sabi pa nitong kinindatan pa ang papa nila na natawa na rin.

Umismid ang mama nila. "Kaya nga hindi ikaw ang hinihingan ko si Hannah. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari sana ay ipinakasal na kita noon pa at nang nagkaanak kayo ni Ruel bago man lang –

"Ma," sabay na saway ni Harry at ng papa nila. Huminto naman ang mama nila at bumakas ang guilt sa mukha.

Ngumiti siya sa kabila ng kahungkagang bigla niyang naramdaman. Inignora niya rin ang pinong kirot na naramdaman niya sa dibdib niya. "Kung alam ko rin na mawawala kaagad sa akin si Ruel sana pinilit ko na rin siyang magpakasal agad. Hindi sana'y may naiwan siya sa akin kahit isang anak man lang," aniya sa pilit pinagaang na tinig. Pumailanlang ang katahimikan sa hapagkainan.

SINGLE LADIES' BUFFET seriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon