MAG-AALAS DOSE na ng umalis ang huling grupo ng customers nila Hannah. Dahil nais na rin niyang umuwi at maging ang mga tauhan nila ay mabilis ang pagkilos nag ligpit sila. Siya na rin ang nagsupervise sa kusina dahil maagang umalis si Elay. Anniversary kasi ng mga magulang nito. Alas dose y'media nang matapos silang lahat. Pinauna na rin niya ang mga tauhan nila dahil siya naman ang magsasara ng restaurant nila.
Tahimik na at halos wala ng tao sa labas ng restaurant nila maliban sa apat na kalalakihang sa pagkakatanda niya ay huling customers nila. Nasa di kalayuan ang mga ito at mukhang naninigarilyo. Inalis niya ang tingin sa mga ito at lumakad patungo sa pinaradahan niya ng kotse niya.
Subalit hindi pa man siya nakakailang hakbang ay naramdaman na niya ang paglapit ng mga lalaking kanina lamang ay naninigarilyo sa isang panig. Bigla siyang nakaramdam ng kaba nang makita ang kakaibang kislap sa mga mata nito. "Kanina ka pa namin hinihintay miss," sabi ng isa.
Napaatras siya. "Anong kailangan niyo?" kabadong tanong niya.
"Huwag kang mag-alala miss hindi ka naman namin sasaktan basta ba sasama ka lang sa amin kahit isang gabi lang. Gusto ka lang naming makilala. Hindi ka kasi namin makausap kanina sa loob e," sabi ng isa na hinawakan pa siya sa braso. Napapitlag siya at muling umatras palayo sa mga ito. Kabaligtaran kasi ng sinabi nito ang nababanaag niya sa mukha ng mga ito. Malabong walang gagawing hindi maganda ang mga ito sa kaniya.
"Nagmamadali ako. Humanap na lang kayo ng ibang makakasama," tanggi niya at sinubukang makaraan sa mga ito. Pero hindi siya pinaraan ng mga ito at lalo pang lumapit sa kaniya. Nakaramdam na siya ng takot. Mukhang balak na siyang puwersahin ng mga ito.
Sisigaw na sana siya nang biglang mula sa likuran niya ay may humatak sa kaniya palayo sa mga ito. Napasandal siya sa matigas at malapad na bagay. Pagkuwa'y napasinghap siya nang maramdaman ang matigas na brasong pumaikot sa balikat niya. Nang tumingala siya ay kumabog ang dibdib niya nang makita ang nagmamay-ari ng katawang iyon. Si Chad!
"Mga pare, ayaw sumama sa inyo huwag niyong pilitin," malumanay na sabi nito sa mga lalaki. Ngunit nabakas niya ang pagbabanta sa tono nito. Idagdag pa ang madilim na mukha nito habang nakatingin sa mga ito.
Nagtinginan ang mga lalaki, mukhang nasindak ng kaunti. Ngunit nang akala niya ay aalis na ang mga ito ay muling humarap ang mga ito sa kanila. "Bakit ka ba nangingielam? Kanina ka pa eh. Istorbo ka," sabi ng isa sa mga ito. Pagkuwa'y bago pa niya mahulaan ang mangyayari ay bigla na itong umunday ng suntok. Napasigaw siya nang bahagya siyang itulak palayo ni Chad.
Sa isang iglap ay nakikipagundayan na ng suntok si Chad sa apat na lalaki. Pero dahil malaking tao si Chad ay hindi man lang ito natamaan ng mga kalaban nito. Ito naman ay ilang beses ng nasuntok ang apat na lalaki. Hindi nagtagal ay nagtatakbo na ang mga ito palayo. Naiwan si Chad na bahagya pang hinihingal.
Lalapitan na sana niya ito nang bigla itong lumingon sa kaniya. Natigilan siya nang makitang naroon pa rin ang galit sa mga mata nito. "See that?! Sinabi ko na kasing delikado eh! Paano kung hindi ko pala naisipang balikan ka? E di natangay ka na ng mga lalaking iyon kung saan?!" malakas ang boses na sabi nito. Lumapit pa ito sa kaniya at hinawakan siya sa magkabilang balikat at bahagyang niyugyog.
Naumid ang dila niya. Hindi niya inaasaahang makita ang galit na anyo ni Chad. Infact, hindi niya naisip na may kakayahan itong magalit. Pagkuwa'y tumimo sa utak niya ang sinabi nito. Paano nga kung wala ito doon? Nasaan na kaya siya ng mga oras na iyon? Bigla na naman siyang nakaramdam ng takot. "I-I'm sorry," garalgal na naiusal niya. Napayuko din siya at pinigilang maluha.
Marahas itong bumuntong hininga. Pagkuwa'y naramdaman niyang hinigit siya nito palapit dito at niyakap. Naisubsob niya ang mukha sa dibdib nito. "Sorry din kung nasigawan kita. Hindi ko dapat ginawa iyon. Natakot lang ako nang makita kitang muntik ng mabitbit ng mga lalaking iyon," malumanay ng sabi nito. Umangat pa ang kamay nito sa buhok niya at marahang hinaplos iyon. "Shit, sabi ko na nga ba iba ang pakiramdam ko sa mga lalaking iyon. Mula ng dumating sila kanina napapansin ko na na iba ang tingin nila sa iyo. Kaya gusto kitang hintayin. Tama pala ako," sabi pa nito.
Napahikbi na siya. Ang malumanay na boses nito, ang haplos nito at ang init na nagmumula sa katawan nito ay tila lalong nagpainit sa gilid ng mga mata niya. "I-I'm sorry. H-hindi ko napansin na may balak silang masama," aniya habang nakasubsob pa rin sa dibdib nito.
Muli ay humigit ito ng hininga at bahagya siyang inilayo rito. Hindi siya nag-angat ng tingin. Hiyang-hiya siya rito. Napasinghap siya nang masuyo nitong ikulong ng dalawang palad nito ang mukha niya at iangat iyon. Nasalubong niya ang mga mata nito. Wala ng bahid ng galit doon. Bagkus ay puno iyon ng pagsuyo at pag-aalala. "Huwag ka ng umiyak. Nandito ako, hindi ko hahayaang may gumawa sa iyo ng masama," masuyo ring sabi nito. Pinunasan nito ng kamay ang butil ng luhang umalpas sa mga mata niya.
"Chad," tawag niya rito. Nagkasalubong ang mga mata nila. Pagkuwa'y naramdaman niyang bumaba ang mukha nito sa kaniya. Alam niya kung ano ang balak nitong gawin. At wala siyang balak na magprotesta. Pakiramdam niya rin kasi kailangan niya iyon sa mga oras na iyon. Kaya ng lumapat ang mga labi nito sa mga labi niya ay napapikit siya at buong pusong tinanggap iyon.
BINABASA MO ANG
SINGLE LADIES' BUFFET series
Romancecover photo (credits to the rightful owner) A feel good romance series about how a group of girl friends found the men they were all destined to be with. :) book 2: WHEN MYRA FELL IN LOVE [on going] Wala sa isip ni Myra ang mag-asawa o kahit humanap...