Secretly In Love - Part 1

4.8K 136 2
                                    


"AYAN ha, huwag mong kakalimutang ipainom kay Chichi ang gamot na inereseta ko para sa kaniya para maging healthy siya," may bahagyang ngiting kausap ni Kendra sa batang si Yna pagkaabot niya rito ng alaga nitong shit zhu na katatapos lamang niyang i-check up.

Dinala nito ang aso sa kaniya dahil matamlay daw at ilang araw ng hindi kumakain ng maayos. Wala naman siyang nakitang sakit sa aso kaya nagdesisyon siyang bigyan na lamang ito ng vitamins upang bumalik ang gana sa pagkain.

Naaliw siya nang sunod-sunod na tumango ito habang yakap-yakap ang alagang aso. Dumereto siya ng tayo at bumaling sa kasama ni Yna. Nawala ang ngiti niya nang makitang titig na titig sa kaniya ang lalaki. Sa pagkakaalam niya ay tiyuhin ito ni Yna. Madalas ay ito ang kasama ng bata magpunta roon ngunit hindi niya matandaan ang pangalan nito. Hindi na niya inabala pang alalahanin iyon.

"Okay na," pormal na sabi niya rito.

Kumurap naman ito at ngumiti. Iyong ngiti na kung ibang babae marahil ay baka nagswoon na. Ngunit hindi na siya apektado ng ganoong ngiti. In fact, nag-iinit ang ulo niya kapag may ngumingiti sa kaniya ng ganoon. Humalukipkip siya at pilit nagpaka poker faced habang nakatingin pa rin dito.

"Thank you talaga Kendra. You are really an angel," nakangiti pa ring sabi nito. "By the way, it's already late at mukhang kami naman ang last patient mo. Baka gusto mong kumain ng early dinner? My treat," alok nito.

Her lips twitched. Awtomatiko siyang tumingin sa wall clock ng clinic niya hindi dahil hindi niya alam kung anong oras na kung hindi dahil nais niyang maalis ang mga mata niya rito bago pa siya makapagsalita ng hindi maganda dito. Nakita niyang mag-a-alas sais na ng gabi. Oras na nga ng pagsasara niya ngunit kadalasan ay nanantili pa rin siya roon hanggang alas siyete.

Ang kaso dahil nakaleave ang assistant niya sa araw na iyon, balak niya sanang umuwi ng mas maaga. Subalit ayaw naman niyang sumamang mag dinner kasama ang lalaking ito o kahit na sinong lalaki in general na hindi niya kilala.

"I'm sorry may hinihintay pa akong pasyente. But thank you for the offer," sagot niya na muling humarap dito.

Bumakas ang disappointment sa mukha nito na agad ding napalitan ng ngiti. "Well, pwede ka naman naming hintayin," offer pa rin nito.

Sinulyapan niya si Yna na kipkip pa rin ang aso nitong si Chichi. Bakas sa mukha ng bata ang pagkainip. Huminga siya ng malalim at bumaling muli sa lalaking hindi pa rin niya matandaan ang pangalan. "Thank you na lang talaga. Besides mukhang kailangan ng umuwi ni Yna. Para maipahinga na rin kaagad si Chichi," malumanay pa ring tanggi niya.

Napabuntong hininga ito. "Palagi mo na lang akong tinatanggihan Kendra," anitong may bahid pa ng hinampo.

Muntik na siyang mapataas kilay. Ni hindi nga niya matandaan ang pangalan nito inaasahan pa nitong papayag siyang sumama dito? Ibang klase. Wala siyang maisip na sabihin ditong hindi magpapasakit sa kalooban nito kaya hindi siya agad nakapagsalita.

Noon tumunog ang telepono sa may lamesa niya. Magkapanabay pa silang napalingon doon. "Excuse me," paalam niya sa lalaki at mabilis ng iniangat ang awditibo. "Hello, Soriano Veterinary Clinic," bati niya sa tumawag.

Himbis na magsalita ay marahang tawa ang narinig niya mula sa kabilang linya na para bang may nakakatawa sa sinabi niya. Agad na nakilala niya ang tawang iyon kaya nakaramdam siya ng relief. Pasimple siyang sumulyap sa lalaking nakatayo pa rin doon at nakamasid sa kaniya bago muling nagsalita. "Yes, Mr. Leviste. May schedule tayo ngayon hindi ba? Ah, malelate kayo ng twenty minutes?" aniya sa mas malakas na tinig upang marinig iyon ng lalaki.

Lumakas ang tawa ng nasa kabilang linya. "Someone is bothering you again tama ba ako? Hindi ko alam na may schedule ako ngayon sa iyo. Considering na kaka-check up lang naman ni Snow," amused na sabi ng baritonong boses mula sa kabilang linya. Ang tinutukoy nitong Snow ay ang alagang aso ng mga ito na birthday gift niya rito dalawang taon na ang nakalilipas.

Naitirik niya ang mga mata dahil mukhang balak pa siya nitong asarin. Alam na nga nitong nagdadrama siya. "Okay, I will wait for you don't worry Mr. Leviste. Alam ko naman na ayaw ninyong nalalampasan ang check-up ng alaga ninyo," patuloy niya.

"Wait, gusto mo ba talagang pumunta ako diyan o aalis na iyang kung sino mang iyan ngayong alam niyang busy ka?" tanong nitong tila naiintindihan talaga ang sinasabi niya.

"Yes. See you," aniya at ibinaba na ang telepono. Pagkatapos ay muli niyang hinarap ang lalaking nakamasid pa rin sa kaniya. "Well, I am really sorry pero hindi talaga ako makakaalis ngayon," aniya rito.

Bumagsak ang mga balikat nito at tumango. "I understand. Next time na lang. Bye Kendra," anito at inakay na ang pamangkin nito palabas na kumaway naman sa kaniya. Ginawaran niya ng tipid na ngiti ang bata ngunit hindi na inabalang tingnan pa ang tiyuhin nito.

Nang tuluyan nang makaalis ang mga ito ay napabuga siya ng hangin. Pagkatapos ay lumakad siya patungo sa sofa na naroon at pabagsak na umupo doon. Hindi pa siya nagtatagal doon ay napaigtad na siya sa biglang pagba-vibrate ng cellphone niya na nasa bulsa niya. Dinukot niya iyon at bahagyang napangiti nang makita ang nakarehistrong pangalan ng tumatawag.

"Wala na siya, Darren," aniya pagkasagot niya sa tawag.

"Oh really? Well, that's good. Pero papunta na rin ako diyan," sagot nito. Base sa naririnig niyang bahagyang ugong sa linya nito ay malamang na nagmamaneho ito.

"Okay. Wala na akong pasyente. Bakit ka nga pala tumawag kanina? Pasensya ka na hindi kita nakausap ng maayos," aniya rito.

Tumawa ito. Napasandal siya sa sofa at napapikit. Kahit noon gustong gusto niya ang tunog ng tawa at boses nito. Kaya nga mas madalas ay gusto niyang nagsasalita lang ito ng nagsasalita. Hindi lang dahil hindi naman siya kasing daldal nito kung hindi dahil gustong gusto niyang pinapakinggan ang boses nito.

"Aayain kasi kita. May party sa bahay ni tita Ida. Umuwi daw kasi iyong bestfriend niya na galing Amerika. Tumawag kanina si mommy para sabihing tumawag daw si tita at pinapapunta din tayo. Alam mo naman iyon kapag hindi ka nakita ibinubunton sa akin ang sisi kahit wala naman akong kasalanan," sabi nito.

Bahagya siyang natawa. Kapatid ng mommy nito si tita Ida. Matandang dalaga na ito at mas batang tingnan kaysa sa tunay na edad. Sa loob ng labing anim na taong pagkakaibigan nila ni Darren ay maraming beses na niyang nakita si tita Ida. Katunayan ay para na rin niyang tiyahin ang matandang dalaga. And for some reason ay aliw na aliw ito sa kaniya. Hindi naman siya kagaya ni Darren na likas na malakas ang social skills.

"Sige sasama ako. Pero tatawag muna ako sa bahay para sabihing malelate ako ng uwi," aniya rito.

"Naipagpaalam na kita kila tita Carol. Okay lang daw kung ihahatid naman daw kita pauwi. Sabi ko talaga namang ihahatid kita ilang block lang naman ang pagitan ng mga bahay natin," natatawang sabi nito.

Natawa rin siya. Naalala pa niya kung gaano siya nagulat nang malaman niyang iisa lang ang subdivision nila. Iyon ay noong pilit siya nitong inihatid pauwi pagkatapos ng nangyaring ayaw sa pagitan nila ni Melinda. Iyon din ang unang beses na nakilala ito ng mga magulang niya at tulad ng inaasahan niya ay nakasundo agad ng mga ito si Darren. Naiimagine na niya na matagal na nag-usap ang mga ito sa telepono. Ganoon ito at ang mama niya. "Fine. Teka mag-aayos na ako rito para pagdating mo aalis na lang tayo," paalam na niya rito.

"Okay. See you in a bit Kendz," paalam nito. Iyon lang at nawala na ito sa kabilang linya.

Saglit siyang napatitig sa cellphone niya bago nangingiti pa ring tumayo na. Isa si Darren sa kakaunting mga taong nakakapagpangiti sa kaniya ng ganoon. Bukod sa mga college friends niya na sobrang malapit sa kaniya to the point na nagsosyo pa silang lahat sa isang negosyo, si Darren lang ang masasabi niyang pinakamalapit na tao sa buhay niya bukod sa mga magulang niya.

SINGLE LADIES' BUFFET seriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon