DAHIL madaling araw na nakatulog ay mabigat pa rin ang pakiramdam na bumangon si Hannah nang tumunog ang alarm clock niya. Pupungas pungas pang hinatak niya ang tuwalya niya. Na-late na siya noong nakaraan kaya ayaw na niyang malate ulit. Kahit pa sabihing isa siya sa may-ari ng Single Ladies' Buffet ay siya pa rin ang tumatayong manager niyon at ayaw niyang isipin ng staff nila na nagpapabaya siya. Isa pa ay sigurado siyang naroon na si Elay sa mga oras na iyon at nagluluto na.
Nag-iinat at hindi na inabalang tumingin sa salamin na lumabas siya ng silid. Dalawa lamang ang banyo sa bahay nila. Isa sa dulong pasilyo ng second floor na madalas nilang gamitin at isa malapit sa may kusina. Lumakad siya patungo doon. Pipihitin pa lamang niya ang doorknob niyon nang bigla iyong bumukas.
Napaatras siya at napatingin sa lumabas. Nakita niya ang pamilyar na bulto ni Chad. Kasunod niyon ay nanuot sa ilong niya ang mabangong amoy ng magkahalong sabong pampaligo at after shave. Napahinga siya ng malalim. Bakit parang ang bango bango naman nito masyado? Pakiramdam naman niya hindi ganoon kabango si Harry kapag lumalabas ng banyo. Mukhang hindi rin naman ito ang tipo ng lalaking gagamit ng mamahaling sabon at conscious sa amoy. Kaya bakit kaya?
Nang ibaling niya ang tingin sa mukha nito ay tuluyan siyang nagising. Nanlalaki ang mga matang napatulala siya rito. Parang ibang tao ang kaharap niya kung titingnan ang itsura nito. Wala na ang balbas nito at ang tanging nasa baba at panga na lamang nito ay mangasul-ngasul na bakas niyon. Ang buhok nito ay basa pa at may tuwalya pa sa ulo nito at mukhang tinutuyo pa nito iyon. He looked maginificent.
Kahit mukhang nagulat din itong makasalubong siya roon ay ngumiti ito. "Good morning Hannah," bati nito sa kaniya. Tuluyan na itong lumabas sa banyo at ipinagpatuloy ang pagpupunas ng buhok.
Alanganin siyang gumanti ng ngiti. "Good morning. Ang aga mong nagising. And you shaved," puna niya.
Tumawa ito. "Sanay ako sa two to four hours na tulog. And yes I shaved. Hindi ko naman ginustong magmukhang goon. Hindi lang talaga ako nagkaroon ng pagkakataong asikasuhin ang itsura ko noong nasa Africa ako," nakangiting sabi nito.
Bigla siyang nakaramdam ng pagkahiya. Kung makangiti kasi ito ay parang alam nitong iyon ang unang impresyon niya rito. Napakurap siya nang kumilos ito upang gumilid palayo sa pinto ng banyo. "Sige na maligo ka na. May pasok ka pa hindi ba?" tanong nito.
Tumango siya at tumalima na. Ito naman ay lumakad na at ipinagpatuloy ang pagpupunas ng buhok. Pasimpleng sinundan niya ito ng tingin. Noon lamang niya napagmasdang deretsong deretso ang tayo nito kahit na matangkad ito. Matikas din ang mga balikat nito. Ang likod nito ay malapad at matindig din. Kung titingnan ito sa ganoong angulo ay parang wala itong pinagdaanang kung ano sa buhay nito. Bagkus ay larawan ito ng isang lalaking malaya at nagagawa ang gusto ng walang inaalala. Napangiti siya sa itinatakbo ng isip niya.
Nang huminto ito sa tapat ng silid nito ay mabilis na tuluyan na siyang pumasok sa loob ng banyo. Nang maisara niya ang pinto ay napabuga siya ng hangin. Noon lamang niya narealize na pigil pala niya ang paghinga. Marahas siyang napailing at naligo na.
Nang matapos siyang maligo ay saka lamang niya napagtantong wala siyang dalang damit. Sanay siyang lumabas ng banyo na nakatapis lamang ng tuwalya. Ang kaso ay may bisita sila. Nasa kuwarto naman siya. Hindi ko naman siya makakasalubong kaya okay lang.
Matapos niyang makumbinsi ang sarili ay mabilis siyang nagtapis ng tuwalya. Hindi pa man niya nabubuksan ang pinto ng banyo ay nakarinig na siya ng sunod-sunod na busina ng sasakyan. Mukhang dumating na ang mga magulang niya. Dahil doon ay napabilis ang pagbukas niya sa pinto ng banyo. Nakahinga siya ng maluwag ng makitang walang tao. Maingat ngunit mabilis na lumakad siya patungo sa silid niya habang ang kamay niya ay nakahawak sa bandang dibdib niya kung saan nakabuhol ang tuwalya niya.
Nasa akmang pagbukas na siya ng pinto ng silid niya nang biglang bumukas ang pinto ng guest room. Gulat na napalingon siya roon. Nasalubong niya ang mga mata ni Chad na mukhang nagulat rin na makita siya roon. Hindi nakaligtas sa kaniya ang mabilis na pagbaba ng tingin nito sa katawan niya bago ito tumikhim at muling umangat ang tingin sa mukha niya. Naramdaman niya ang pag-iinit ng mukha niya. "Akala ko nasa banyo ka. Lumabas ako kasi narinig kong may bumubusina. Baka sila tito na iyon. Ako na muna ang sasalubong sa kanila," kaswal na sabi nito.
"S-sige. Salamat," nasabi na lang niya rito. Tumango ito at tumalikod na. Siya naman ay mabilis na pumasok sa silid niya. Hiyang-hiya siya. Napahigpit ang hawak niya sa buhol ng tuwalya sa dibdib niya. Iyon ang unang beses na may nakakita sa kaniyang ibang tao na nakatapis lang ng tuwalya maliban sa pamilya niya at siyempre kay Ruel.
Nanlaki ang mga mata niya ng maisip niya si Ruel. Bigla siyang nakaramdam ng guilt kahit kung tutuusin ay wala naman siyang ginagawang masama. Ah, siguro ay dahil nasanay siyang buong buhay niya ay ito lamang ang lalaking pinagtuunan niya ng lahat ng atensiyon niya. Bukod sa pamilya niya ay ito lamang ang nakakaalam ng lahat lahat ng tungkol sa kaniya na hindi alam ng iba. At ngayong may isang taong nakakakita ng mga unprepared moments niya katulad ng kapag bagong gising siya o bagong paligo ay nakakaramdam siya ng ganoon.
Napailing siya sa itinatakbo ng isip niya. Just what is happening to her overanalyzing things like that? Hindi naman siya nag-iisip ng ganoon dati. Pagkuwa'y narealize niya na kagabi lamang nagsimula ang lahat. Mula nang makausap at makilala niya si Chad.
Wala sa loob na lumipad ang tingin niya sa picture frame na nakapatong sa bedside table niya. Lumakad siya patungo doon. Larawan nila iyon ni Ruel noong huling anniversary date nila. Kapwa sila nakangiti doon. Natuon ang tingin niya sa mukha ni Ruel. Dahil titig na titig ito sa camera noong kinunan nila iyon ay tila tumatagos sa kaniya ang tingin nito sa larawan. Muli ay may naramdaman siyang kung ano sa dibdib niya. Ngunit iba iyon sa sakit na nararamdaman niya nang mga nakaraang taon. Hindi niya makapa ang tamang deskripsiyon sa pakiramdam na iyon.
Napaigtad siya nang marinig ang masayang boses ng mga magulang niya. Nakapasok na ang mga ito ng bahay. Naipilig niya ang ulo at nagmamadali nang nagbihis at nag-ayos ng sarili. Nang makapag-ayos siya ay muli niyang tiningnan ang larawan ng nasira niyang kasintahan. Ruel, what do you think is happening to me?
Napabuntong hininga siya. Kung buhay lang sana si Ruel, siguradong hindi siya makakaramdam ng ganoon. Siguradong hindi siya malilito at mababother ng ganoon. Pero wala na ito at hindi na babalik pa para i-assure siya sa mga panahong gaya ngayon. Ipinilig niya ang ulo at tuluyan ng lumabas ng silid niya.

BINABASA MO ANG
SINGLE LADIES' BUFFET series
Storie d'amorecover photo (credits to the rightful owner) A feel good romance series about how a group of girl friends found the men they were all destined to be with. :) book 2: WHEN MYRA FELL IN LOVE [on going] Wala sa isip ni Myra ang mag-asawa o kahit humanap...