A Game Of Love - Part 9

4.5K 168 3
                                    

NAIIYAK si Alaine. Nakaluhod siya sa harapan ng toilet bowl at sa pang apat na beses mula pa kaninang magising siya ay naduwal siya. Nangangasim ang sikmura niya. Pero kahit anong takbo naman niya sa banyo ay wala naman siyang nilalabas kung hindi mapait na likido. May masama yata siyang nakaain kagabi. Sumama kasi siya sa officemates niya sa bagong tayong oriental restaurant malapit sa opisina nila at baka mayroon doon na nagpasama ng tiyan niya. Dapat yata hindi siya sumama. Kung kailan kasal ni Myra ay saka pa sumama ng husto ang pakiramdam niya.

Nakarinig siya ng katok mula sa pinto. "Alaine. Masama pa rin ba ang pakiramdam mo?" tinig iyon ni Hannah.

Dumeretso siya ng tayo at nagflush ng toilet. "Okay na ako. Wait lalabas na ako," sagot niya rito. Lumapit siya sa harap ng salamin. Nang mapatingin siya sa sarili niya ay nag-init ang mga mata niya. She looked like a mess. Nakarobe pa siya dahil nga kanina pa siya pabalik-balik sa banyo. Magulo ang buhok niya at ang mukha niya ay tila nangangapal. Namamaga rin ang mga mata niya at ang tungki ng ilong niya. Parang gusto niyang umiyak. Ang pangit niya!

Muli ay nakarinig siya ng katok. "Alaine. Ikaw na lang ang hindi nakabihis at naayusan sa mga abay. Lumabas ka na diyan," muling tawag ni Hannah.

"Nandiyan na!" sagot niya. Muli siyang tumingin sa salamin at pilit hinamig ang sarili. Ano ba kasing nangyayari sa kaniya at mukha siyang luka-lukang naiiyak? Hindi siya iyaking tao. Mabibilang nga lang niya sa daliri niya kung ilang beses siyang umiyak. Marahas siyang umiling. Kasal ni Myra sa araw na iyon. Hindi siya dapat ganoon ka gloomy. Dapat maging masaya siya. Pilit siyang ngumiti sa harap ng salamin. Nang hindi pa rin natuwa sa itsura niya ay mabilis na lamang niyang inalis ang tingin doon. Huminga siya ng malalim at lumabas ng banyo.

Nang lumabas siya ng banyo ay nakita niyang nakaayos na ang mga kaibigan niya. Siya na nga lang ang hindi pa.

"Okay ka na?" halos magkakapanabay pang tanong ng mga ito.

Napangiti siya. "Oo okay na. Hindi na talaga ako kakain sa restaurant na iyon. Sumakit ang tiyan ko," sagot niya. Lumapit siya sa kama kung nasaan ang damit pang abay niya. Walang anumang hinubad niya ang robe niya. Sanay naman ang mga kaibigan niya na nagbibihis siya sa harap ng mga ito.

Isinuot niya ang damit. Iziziper na lang niya ang likod niyon ng matigilan siya. Parang sumikip ang damit niya at hindi niya maisara ng maayos ang zipper? Marahas na napaungol siya. Bigla niyang naalala na ilang linggo na siyang hindi nagji-gym. Tinatamad kasi siya. Great! Now I am getting fat.

Nilinga niya ang mga kaibigan niya. "Guys, pasara naman ng zipper ko please," aniya sa mga ito.

Lumapit naman sa kaniya si Rica at tinulungan siyang isara ang zipper niya. "Hala Alaine, parang tumaba ka yata?" puna nito.

"I know. Nakakaligtaan kong mag-gym lately kasi. Argh. Magji-gym na talaga ako ulit," pareklamong sabi niya.

Nang sa wakas ay maisara na nito iyon ay lalo lamang sumama ang mood niya dahil talagang masikip ang suot niya. Humarap siya sa mga kaibigan niya. "Ang taba ko!"

Akala niya tatawa ang mga ito. Pero nagtaka siya nang makitang tumingin ang mga ito sa kaniya na para bang may nais sabihin sa kaniya ngunit walang may gustong magsalita. "What?" takang tanong niya.

Tumikhim si Hannah at tumayo. "Nothing. Dali magpa-make up ka na. Matatapos ng ayusan si Myra. Dapat mauna kang matapos maayusan kaysa sa kaniya."

Tumango na lamang siya at sumunod dito. Nasa kabilang silid kasi ang inupahang make-up artist para sa kanila. Nang mapatingin siya kay Hannah ay nakatingin ito sa kaniya at tila may nais sabihin. "Hannah ano ba? Parang kanina pa kayo may gustong sabihin? Ano ba iyon?" usyoso na niya.

Tumikhim ito at malumanay na ngumiti. "After na lang ng kasal okay? I don't think it's a good idea to talk about it now," malumanay pa ring sabi nito.

Napakunot noo siya. "Hindi ako matatahimik kung hindi mo sasabihin sa akin," giit pa rin niya. Ayaw pa naman niyang binibitin siya ng ganoon. Hindi kasi siya matatahimik hangga't hindi niya nalalaman kung ano ang gustong sabihin ng mga ito.

Huminga ito ng malalim at huminto sa paglalakad. Humarap ito sa kaniya. "Fine," sabi nito. Saglit pa itong tumahimik na para bang pinag-iisipan nitong mabuti kung paano sasabihin sa kaniya ang nais nitong sabihin. "Alaine. Posible bang... buntis ka?"

Mahina ang pagkakatanong nito ngunit tila bombang inilaglag sa kaniya ang tanong na iyon. Hindi siya nakakilos at natulala. Bigla ay sumagi sa isip niya ang gabing may nangyari sa kanila ni Arnel. Hindi ba sila gumamit ng proteksyon noon? Lasing siya noon hindi lamang sa alak kung hindi dahil din sa masarap na sensasyong ipinaramdam nito sa kaniya na hindi na niya alam kung gumamit ito ng proteksyon o hindi. Pero hindi siya nag-alala dahil alam niyang sanay ito sa ganoong laro. For sure he will use protection.

Ngunit ngayong sinabi iyon ni Hannah at tila flashback sa pelikulang bumabalik sa kaniya ang nararamdaman niya lately na akala niya ay dala lang ng stress ay bigla siyang nakaramdam ng pagdududa. Hindi rin niya inalala na hindi pa dumarating ang buwanang dalaw niya dahil noon pa man ay hindi na talaga regular ang pagdating niyon. But now that she thinks about it, it makes sense. Biglang kumabog ang dibdib niya at nanlamig ang buong katawan niya.

Huminga ng malalim si Hannah at bahagyang ngumiti. "You don't have to answer me. Halika na para maayusan ka na," anito sa kaniya.

Marahan siyang tumango at wala pa rin sa sariling sumunod dito. Parang may nagriring na telepono sa likod ng utak niya at nagpapasakit sa ulo niya. Posible nga kayang... buntis siya? Anong gagawin ko?

SINGLE LADIES' BUFFET seriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon