Kabanata 7

25 1 0
                                    

Kabanata 7: Manila

Kung gaano kabilis ang naging takbo ng aming sinasakyan ay ganoon din kabilis ang tibok ng aking puso. Hindi ko alam kung kinakabahan ba ako o natatakot basta ang alam ko lang ay sobrang bilis lang ng tibok nito. Siguro nga ganito ang pakiramdam kung walang kang ideya sa susunod mong magiging buhay, iyong bago na ulit ang tatahakin mo sa pang-araw araw.

"Mary kumusta ang pakiramdam mo? Kabado ka din bang tulad ko?" tanong ko nang hindi mapakali sa aking kinauupuan.

Kita ko ang pagbuntong hininga nito bago bumaling sa akin. Ngumiti ito tumango ng banayad.

"Syempre kinakabahan din, pero isipin ko lang sila inay sa tingin ko kakayanin ko naman. Magsusulatan naman kami, iyon na ang magiging kumunikasiyon ko sa kanila kaya tingin ko magiging maayos din ako." banayad na sagot nito sa akin.

Tumango na lamang ako dito, nakaramdam na lamang ako ng lungkot ng mapagtantong ibang iba ang rason namin nito. Ako walang sumusuporta sa pagluwas ko ngayon sa Manila, walang alam si inay sa ginawa ko. Isang sulat na paalam lamang ang nagawa ko at kahit ang kambal ay wala ding kaalam-alam sa sinapit ko. Hindi ko na din nagawang magpaalam na kahit imposible dahil nasa ibang bansa sila. Hindi ko na din alam kung may tyansa pa bang makita ko sila.

Pero sabagay sarili ko na lamang ang aalalahanin ko ngayon, mas maganda na iyon kasi mas masasaktan ako sa pag-alis kung may mga naiwan ako na mahalaga sa akin. Alam kong magiging masaya na si inay sa naging desisyon ko, iyong kambal naman ay alam kung nasa mabuting kalagayan na. Tama kailangan kung magpokus na lamang sa aking sarili at isipan na lamang ang hinaharap ko pagdating sa Manila.

Halos sampung oras ang naging byahe namin, ramdam ko na ang sakit ng aking pang-upo, balakang at likod. Nang makababa na ay sinubukan kung mag-inat ng katawan. Lumapit si Aling Azon sa amin at pinagsabihan kaming magsama sama muna at may tatawagan siya.

Madaling araw kaming nakaluwas ng Manila, wala din akong naging tulog habang nasa byahe. Pinakiramdaman ko ang naging buong gabing byahe, kahit nakapikit ay naiisip ko pa din si inay, kahit sabihin ko sa sarili ko na huwag ng mag-isip masyado dito. Kahit papaano ay nag-aalala ako sa pag-iwan ko dito kasama ni Godo.

Nawaglit lamang ang aking pag-iisip ng magsimulang magpakilala ang iba naming kasama. Kanina sa bus ay pawang tahimik lamang kami dahil sa pagsaway sa amin ni Aling Azon. Napag-alaman namin ni Mary na taga kabilang barangay pa ang iba sa kanila at ang iba naman ay kabaranggay lang din namin. Magaganda at matatangkad sila, kami ang pinakabata ni Mary kung saan ay nasa labing pitong taong gulang lamang, iyong lima ay isang taon naman ang tanda sa amin.

"Mabuti kahit menor de edad ay pumayag ang magulang niyong sumama kay Aling Azon?" tanong ng isa sa kanila.

"Ang alam ko din makakapagtrabaho ka kung nasa wastong edad ka na, pareho din ba ang papasukan niyo sa amin?" tanong pa ng isa.

Nagkatinginan kami ni Mary, bigla na lang akong kinabahan dahil sa sinabi nila. Walang sinabi si Aling Azon kung anong magiging trabaho ko talaga, pero nagbabakasakali ako na pareho kami ni Mary ng mapapasukan.

"Katulong ang magiging trabaho ko dito, iyon ang napag-usapan namin ni Aling Azon." Mabilis namang sagot ni Mary dito.

Kita ko ang pagtango ng lima dito sabay baling sa akin. Kagat labi akong napaisip kung ano ang aking sasabihin.

"Bakit kayo ano ba ang magiging trabaho niyo dito sa Manila?" tanong ko na lamang dahil wala naman akong maisagot sa naging tanong nila kanina dahil hindi pa naman ako sigurado kung magkasama nga kami ni Mary.

"Ah, sa isang bar kami mamasukan. Malaki daw doon ang kita, mas mabuti ng may kitain kami kesa nasa probinsiya na wala naman kaming sariling pera." Sagot at pangangatwiran ng isa.

Sa Aking Mga KamayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon