Kabanata 8

40 1 0
                                    

Kabanata 8: Unang Kilala

Naging mabilis ang mga pangyayari, naihatid na nga si Mary sa lugar kung saan na ito magtatrabaho. Kagat labing nagpaalam ako dito na nagpapakatatag sa aking sarili. Ayokong ikatakot o ikalungkot nito ang pagbaba niya sa sasakyan, ayokong isipin nito ang aking kalagayan. Gusto kung kumalma siya at maniwalang mabuti lang naman ang lagay ko.

Tango at ngiti na ang huling paalam namin sa isa't isa, kumaway pa ito sa akin at kinawayan ko naman siya pabalik. Ngayon naman ay nasa akin na ang buong atensiyon ni Aling Azon, nang maihatid nito sa loob ng malaking bahay si Mary ay mabilis lang din itong nakabalik ng sasakyan, naupo na ito sa tabi ko at mabilis na inutusan na ang driver na huling byahe na namin itong paghatid ngayon.

Isang buntong hininga ang nailabas ko habang magkahawak ang aking kamay, ramdam ko na ang pamamawis nito kahit malamig naman dito sa sasakyan. Nanginginig na nga din ako, hindi ko alam kung dahil ba sa kaba o talagang malakas lang aircon dito. Sobrang pagpisil na din ang ginagawa ko sa aking kamay, kulang nalang ay kurutin ko na din ito para lang mabawasan ang kaba ko.

"Diretso na tayo sa bahay nila Madame." Salita ni Aling Azon sa driver at mabilis na itong tumalima. Binuhay na ang sasakyan at umalis na nga kami.

"Aling Azon doon po ba ako magtatrabaho?" tanong ko na halos kabado pa din.

"Oo doon ka muna, magiging katulong ka doon. Pansamantalang mamasukan ka doon."

"Ano pong ibig sabihing pansamantala lang ako?" taking tanong ko dito at hindi maintindihan kung bakit pansamantala lamang ako.

"Pag umapak ka na sa edad na labing walo ay ibabalik din kita doon sa bar, sayang ka ineng mas malaki ang kikitain mo doon. Mas bagay ka doon kesa magkatulong lang." saad pa nito sa akin. Ramdam ko din sa boses nito ang pangungumbinsi.

"Paano po kung gusto kung maging katulong na lang? Aling Azon gusto ko pang makapag-aral ulit, mag-iipon po ako at plano ko din pong makauwi balang araw para po sa dalawa kong kapatid." Pagtatapat ko na dito.

Nangunot ang noo ni Aling Azon sa akin, na para bang hindi niya nagustuhan ang sinabi ko. Binalingan na ako nito at naningkit pa ang mga mata ng tinapunan niya na ako ng kaniyang tingin. Napalunok na ako, hindi ko alam kung tama ba na sinabi ko pa iyon.

"Naku Virginia hindi maari yang gusto mo, napakiusapan ko na nga sila hindi ka lang pauwiin ngayon. Pumayag lang sila na pansamantala ka doon hanggang sa maging legal na ang edad mo para makapagtrabaho sa bar. Kasi sa bar naman talaga ang trabaho mo, ngayon kung pag-aaral ang gusto mong pag-ipunan maari naman iyon, mas madali mo pang magagawa yan kung doon ka na sa bar mismo mamamasukan." Salita nito sa akin.

Napatangu-tango na ako sa sinabi nito. Kung ganoon mas mabuti na ngang sumunod na lamang kay Aling Azon. Mas mabuti na itong may trabaho kesa pauwiin na lang ako. Naging tahimik na ang aming byahe, kita ko na ang liwanag sa aming daan. Nagkakaroon na ng liwanag ang langit pati ang paligid ay mas nakikita ko na ang ganda. Sa isang malapad na gate kami pumasok, mga nakauniporme pang kalalakihan ang nagbukas sa amin. Nagsisitaasan at nagsisilakihan ang bawat bahay na nadadaanan namin.

Kita ko ang nakapaskil na subdivision, ito na nga ata ang mga tinitirhan ng mga mayayaman dito sa Manila. Isang kulay na itim na gate ang hinintuan namin, pinag-ayos na ako ng gamit ni Aling Azon at nandito na nga daw kami. Agaran na ang pagbaba namin at bago kami makapasok sa loob ay may tinawagan pa si Aling Azon.

"Siya na ba iyong bagong katulong?" tanong ng isang babaeng nagpapasok sa amin.

"Magandang umaga po, ako po si Virginia De Torres." Pakilala ko na sa aking sarili.

Sa Aking Mga KamayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon