Kabanata 23

29 1 0
                                    


Kabanata 23: Kaarawan

Isang linggong nakakaraan ay halos kabisado ko na ang pang araw araw na aking ginagawa. Sa umaga pagkagising ay boses kaagad ni Sir Markus ang aking naririnig dahil ika-pito palang ng umaga ay tumatawag na ito. Sa gabi din ay ganoon din ang ginagawa nito, ang madalas lang naming pag-usapan ay tungkol sa araw ko, kung kumusta ako at kung maayos ba ang araw ko? Habang siya naman ay sinasabi niyang hindi na siya makapag-hintay sa pag-uwi niya. Kahit ako ay nahihiya sa kaniya ay malaking pasasalamat ko pa din dito dahil sa pagpapatira niya sa akin sa kaniyang condo at sa pagiging maalaga at maalalahanin nito.

Ang may alam lamang na nandito ako sa kaniyang condo ay ang Assistant nitong si Greta at si Manang Thelma. Ngunit hindi ko pa din nakakausap si Manang dahil pinag-iingat kami ni Sir Markus at ayaw niyang malaman ito ng kaniyang mama. Sabagay takot din naman akong malaman ng pamilya nito na nandito ako, mas lalo lamang silang manghihinalang ginagamit ko nga si Sir Markus. Kaya ngayon ay sinusunod ko ang sinasabi nito dahil alam ko siya din ang magsasabi sa kaniyang mga magulang at kahit papaano ay alam kung maiintindihan siya ng mga ito. Sana nga sa kaniyang pag-uwi ay maging maayos na ang lahat, magkalinawan kami ni Mrs. Llameda bago man lang ako bumalik sa amin.

Pasalamat pa din ako dahil sa akin naniwala si Sir Markus, alam kung ikinagalit nito ang ginawa ni Ms. Tanya ngunit wala din naman siyang magawa dahil isa pala ito sa kasosyo nila sa isang negosyo. Nasabi sa akin ito ng kaniyang Assistant at napatango na lamang ako sa kaalamang iyon. Ngayon ay kailangang kong magtiwala kay Sir Markus para maayos lahat ang gulong ito. Hindi ko pa alam ang plano niya pero sabi niya sa kaniyang pagbalik ay magiging maayos daw ang lahat. Kaya't maging matatag daw ako at antayin ang kaniyang pagbabalik.

Napapaisip din ako kung anong ibig sabihin nitong huwag akong umuwi ng probinsiya, na sa kaniya ako manatili. Siguro nga hanggang sa nandito ako ay kailangang isaayos ang lahat at kapag maayos na ang lahat ay wala na din naman akong dahilan para manatili pa dito. Napabuntong hininga na lamang akong malalim, ayoko namang masira ang relasyon nila ng pamilya nito at ipinagdadasal ko na lamang na sa huli ay magtagumpay nga kami at isa pa alam kung wala na din akong mababalikang trabaho kaya't hindi na din naman ako umaasang bumalik sa pamilya nito para manilbihan. Pinag-isipan ko na ito kagabi, kailangang ituloy ko ang plano ko na pag-uwi, nasabi ko naman na ang lahat at naniwala naman sa akin si Sir Markus. Sa tingin ko ay maayos na ako doon, ngayon ay kailangang sarili ko naman ang isipin ko. Siguro gusto lang ni Sir Markus na malinis ang pangalan ko sa pamilya niya bago ako makauwi, siguro nga ay ganoon.

Pagkaraan ng isang linggo ay nandito ulit ang Assistant ni Sir Markus, isa din ito sa habilin niya na titingin at mag-aalaga sa akin dito, kagaya ng iyong ipag-grocery ako para sa isang linggong stock sa bahay. Kompleto ito sa pagkain para sa isang linggo, pang personal kung gamit gaya ng toiletries at marami pa. Talagang wala akong mairereklmao dito, todo ang alagang ibinibigay nito sa akin. 

Nakangiti itong pumasok ng unit habang dala ang mga pinamili, alas-siete na ng gabi at sinabi nitong traffic kaya natagalan din siya. Napatango na lamang ako dito. Nang mailapag lahat ng pinamili ay inimbita ko na lamang na dito na siya maghapunan, nagluto na ako kanina at sinabi ko nga ditong nakakalungkot na mag-isa lang akong kakain. Pinagbigyan naman ako nito ngunit kita kong natigilan siya sa aking alok at nahihiyang naupo na sa may mesa kaharap ako.

"Ahm Ma'am salamat sa masarap na hapunan." Salita nito pagkatapos naming kumain.

"Virgie na lang itawag mo sa akin, at tsaka huwag kang mahiya sa akin. Ako nga dapat ang nagpapasalamat sa iyo eh, kahit papaano ay may bumibisita sa akin dito." Sagot ko naman dito at kita ko na ang pag-ngiti nito sa akin.

"Ilang taon ka na ba Virgie? Tanong nito sa akin pagkatapos ng ilang minuto na natahimik kami dahil sa aking sinabi.

Kagat labi ako pagkatapos kong sumagot dito, nanlaki ang mata nito sa gulat na para bang hindi makapaniwala sa edad na aking sinabi. Alam kung masyado pa akong bata menor de edad kung tutuusin at alam kung nagtataka na siya ngayon kung ano ba talaga ang sitwasyon ko ngayon dito. Alam kung wala itong itinatanong tungkol sa personal na buhay ko kaya magaan din ang pakiramdam ko dito dahil hindi ko kinakitaan dito ang pagiging mapanghusga sa akin.   

Sa Aking Mga KamayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon