Napanganga ako sa dinatnang tagpo sa bahay pagkagaling sa eskwela. Kinakaladkad ni Tita Del si Mama palabas ng bahay namin. Tumakbo agad ako sa kanila para saklolohan ang nanay ko. Tinulak ako ni Tita Del at napasubsob ako sa damuhan.
"Helena!" sigaw ni Aling Tonyang, ang mama ng kapitbahay naming si Greta. Nakisabay lang ako sa kanila sa pag-uwi nang araw na iyon.
"Pati bata pinapatulan mo!" sigaw ni Mama kay Tita.
Ngumisi lang sa kanya ang kapatid ni Papa.
Nang maitulak na niya kami palabas ng gate ng bahay, isinara niya ito. Mayamaya pa nagliparan na ang mga bagahe't damit namin mula sa bakuran ng bahay. Kapwa kami hindi nakatinag ni Mama. Nakatingin lang kami sa mga gamit naming isa-isang nagbagsakan sa aming paanan. Mga ilang minuto pa bago tumimo sa aming mga isipan na pinapalayas na kami sa aming tirahan. Kasabay ng realisasyong iyon nagtinginan kami ni Mama at napatakbo sa bisig ng isa't isa. Mahigpit kaming nagyakapan. Natigil lang kami sa kangangawa nang maramdaman ang masuyong kamay ni Aling Tonyang na pumipisil-pisil sa aming mga balikat.
"Lintek na Adelaida iyan! Pare-pareho sila ng kuya niyang walang puso! Mga maligno!"
**********
Magandang balita ang sumalubong sa akin nang araw na iyon. Sinabi sa akin ng sekretarya ko na nanalo sa bidding ang aming kompanya. Kami ang napili na mangasiwa sa automation ng mga proseso sa isang manufacturing firm. Iisa lang ang ibig sabihin no'n. Malaking pera na naman ang papasok sa kompanya at dahil ako ang nangangasiwa roon sa akin na naman ang credit.
"Congratulations, hija!" bati sa akin ni Mama sa telepono. I could sense her pride in my achievement.
"Thanks, Ma."
"O, hwag kang magpagabi, ha? Magluluto ako ng paborito mo. Ipagdidiwang natin iyan."
Napatikhim ako. Nakapangako na kasi ako kay Stefano na lalabas kami pagkatapos ng trabaho.
"Ano kasi, Ma."
"Oh. Wrong timing ba?"
"Si Stefano kasi---"
Narinig ko ang bahagyang pagtawa niya. Kung si Stefano raw ang dahilan ng hindi ko pagsipot, walang problema.
"I'm glad you two are getting along fine. Matutuwa ang papa mo niyan. Ingat kayo, ha?"
Ang ingat kayo ni Mama ay may ibang pakahulugan. Palagi niyang pinapaalala sa akin na ingatan ko ang sarili. Ayaw niya kasing matulad ako sa kanya. Pinakasalan nga rin ni Papa sa bandang huli pero kinailangan muna niyang magpakasakit bago mangyari iyon. Basta raw pakatandaan ko na ang pag-aalay ng sarili sa isang lalaki ay ginagawa lamang kung mayroon nang basbas ng matrimonyo. Kaya heto ako, tatlong taon na lang at magte-trenta na ngunit wala pa ring gaanong karanasan sa lalaki.
Hindi tulad noon, maaga akong sinundo ni Stefano sa upisina. Ni wala pa ngang alas singko ay nasa upisina ko na siya. May dala-dala pa siyang isang palumpon ng mapupulang rosas. Abot-tainga ang ngiti niya nang makita niya ako. Pabiro pa siyang yumuko sa harapan ko't masuyong dinala sa labi ang isa kong kamay.
"I heard about what you did for the company, mio cara. Papa is ecstatic. You made us all proud of you!" sabi pa niya.
Napangiti ako. Sanay na akong pinupuri ngunit nakahatid pa rin ng kakaibang ligaya ang hatid niyang balita. Bihira kasing magbigay ng positibong opinyon ang matandang Moretti. Mas nakatutok ang atensyon nito sa kamalian ng kanyang mga tauhan. Malalaman mo na lang na pasok ka sa pamantayan niya kung wala kang naririnig na komento mula sa kanya.
BINABASA MO ANG
PERFECT MATCH (MOSES SAN DIEGO'S STORY - COMPLETED)
RomanceSAN DIEGO SIBLINGS SERIES #4 (MOSES' STORY) ********** Si Helena Bianchi ang tipo ng babae na hindi naniniwala sa forever. Lumaki kasi siya sa isang broken family at napapaligiran pa ng mga kaibigang puro luhaan sa pag-ibig. Hindi niya inakala na sa...
