***Dale's POV***
Naglalakad ako pauwi sa aming tinitirahang bahay. Nadaraanan ko ang isang mahaba at madilim na kalsada. Ewan ko nga ba at wala man lang nagka-lakas ng loob na palagyan ng mga bagong ilaw ang mga poste sa gilid nito. Iilang pangyayari na rin ng hold-up at patayan ang nabalitang naganap sa nasabing lugar ngunit tila wala man lang aksiyon na ginagawa ang punong-barangay dito.
Mag-iisang taon pa lamang ako sa lugar na ito at hindi ko pa masyadong kabisado ang mga establisemento at mga bahay na nakatayo rito. Palibhasa ay sa gabi at madaling araw lang naman ako nadadaan dito dahil na rin sa aking trabaho. Ngunit madami rin akong naririnig na mga tsismis at bali-balita tungkol sa mga misteryosong bagay na nagaganap sa lugar.
"Psst!"
Bigla akong kinabahan nang marinig ko ang boses ng isang lalaki.
"Psst!"
Binilisan ko ang aking paglalakad. Bigla kong naalala ang kababalita lang na nahold-up at pinatay na babae noong isang lingo sa mismong lugar na ito.
Hindi ko magawang lumingon sa sobrang takot. Ang taas pa mandin ng takong ng aking sapatos at ang sikip ng maikling palda na aking suot. Nakalimutan kong magpalit kanina sa sobrang pagmamadali.
Naririnig ko na ang mga yabag ng taong sumusunod sa akin.
Diyos ko tulungan ninyo po ako!
Yakap ko ang aking bag ay naglakad-takbo ako. Ngunit tila ganoon din ang ginagawa ng kung sino mang sumusunod sa akin.
Puno ng takot at kabang tuluyan na akong napatakbo. Hingal na hingal akong napatigil sa harap ng isang luma ngunit napakalaking bahay. Ito ang sinasabi nilang malaking bahay na may misteryosong taong nakatira. Tinignan ko ang humahabol sa akin. Ilang metro na lang ang layo niya sa akin. Napasandal na lang ako sa pader na bakod ng bahay sa sobrang panghihina.
Nakita kong palapit ng palapit ang taong humahabol sa akin. Sa di inaasahang pagkakataon ay biglang gumalaw ang parte ng pader na kinasasandalan ko. Nagbukas ito ng tila papasok sa bakuran ng malaking bahay. Dali-dali akong nakapasok sa awang na iyon ngunit agad din itong nagsara.
Nawala ang kaba ko sa humahabol sa akin ngunit napalitan ito ng matinding kilabot nang mapagmasdan ko ang paligid ng madilim na bakuran... lalo na ang malaking bahay na tila inabandona na sa napakatagal na panahon.
Nababalitang walang nagtatangkang pumasok sa bakuran na ito. May isang lalaki raw na nakatira rito ngunit bibihirang lumabas. Laging nakasara ang lahat ng bintana at pintuan ng malaking bahay. Iilang tao pa lang daw ang nakakita sa taong nakatira rito simula nang lumipat ito dalawang taon na ang nakararaan. Ayon sa kanila ay laging nakaitim itong damit at naka-sombrero kapag lumalabas kung kaya't di mo makikilala ang itsura nito.
Kahit kinakabahan ay inilibot ko ang aking mata sa kabuuan ng bakuran. Hinahanap ko ang daan palabas.
Nakita ko ang gitna ng gate at dahan-dahan akong naglakad. Hindi ko sigurado kung nasa labas pa ang taong humahabol sa akin.
"Sino ka?"
Tila nawala ang kaluluwa sa aking katawan pagkarinig ko ng baritonong boses na iyon.
Napatigil ako sa paglalakad. Nanindig ang aking mga balahibo.
Madilim ang paligid ngunit naglakas-loob akong lumingon dito. Mas lalong napuno ng kaba at takot ang aking dibdib. Hindi ko maaninag ang kanyang mukha dahil sa sobrang dilim. Pero aninag ko ang medyo may katangkaran na bulto ng katawan nito.
"Ang sabi ko sino ka? At sinong nagbigay saiyo ng karapatang pumasok dito?" may galit ang tono ng boses nito.
Base sa boses nito ay hindi pa ito masyadong matanda tulad ng bali-balita.... kung ito nga ba ang may-ari ng malaking bahay. At wala ding nakapagsabing nakausap na nila ito.
"Ah-- m-mama... P-Pasensiya na po... Di ko po sinasadyang makapasok dito... Pasensiya na po... Lalabas na lang po ako..."
"Bibigyan kita ng sampung segundo para lisanin ang lugar na ito... O kung gugustuhin mo ring matulad doon sa mga nagtangka......"
Muling lumukob ang takot sa akin.
Sampung segundo? Kung hindi ay ano? Mamamatay ako?
"Isa."
"Dalawa."
Bigla akong tumakbo papunta sa main gate. Hindi ko alam kung ilang segundo kong nagawa iyon... Namalayan ko na lamang na kusang nagbukas ito.
Hindi ko na narinig ang pagbibilang ng lalaki. Sa wakas ay nakalabas na ako sa itim na bakal na gate na iyon at naririto na ulit ako sa labas ng kalsada. Nakahinga ako ng maluwag. Nagdarasal na lang ako na sana'y wala na ang naghahabol sa akin kanina.
Nakarating na rin ako sa wakas sa aking tinutuluyan. Ipinangako ko sa sarili kong hinding-hindi na ako uuwi ng ganitong oras.
Ngayon lang ulit pumasok sa isipan ko ang dahilan kung bakit ako napauwi ng ganitong oras. Nakatangap ako ng isang emergency text kanina.
Dancer ako sa isang club. Mula nang lumipat kami galing probinsiya ay ito ang una kong nahanap na trabaho. Ito na rin kasi ang naging trabaho ko noon sa probinsiya habang nag-aaral ng kolehiyo. Dangan nga lamang at hangang dalawang taon lang ang natapos ko dahil sa isang pangyayari na nagpabago sa buhay ko.
Pagkabukas ko ng pintuan ay agad akong sinalubong ng dalagita naming kapitbahay na si Judy.
"Ate Dale, mabuti't dumating na po kayo. Alalang-alala na po ako kay Reyn. Ang taas pa rin po ng lagnat niya. Hindi ko pa po siya napapainom ng gamot. Hinihintay ko po kasi iyong text mo."
"Pasensiya na natagalan ako. Kumain na ba siya? Ikaw kumain ka na?"
"Ayaw niya pong kumain, ate. Iyak lang po siya ng iyak kanina hangang sa makatulog."
Agad kong pinuntahan si Reyn na ngayo'y natutulog ng may bimpo sa noo.
"Baby... gising na. Nandito na si Mama... Inom muna ng gamot ang baby ko..."
Hinalikan ko sa noo ang kawawa kong anak. Si Judy lang ang tanging nakakasama at tumitingin sa kanya kapag nasa trabaho ako. Sinalat ko ang kanyang noo at napagtanto kong mataas nga ang lagnat nito.
Naramdaman niya yata ang preseniya ko at agad naman siyang nagmulat ng mata.
"M-mama?"
"Opo baby love. Nandito na si Mama... Anong masakit saiyo? Lika, up muna at iinom ka muna ng gamot para mawala na iyang lagnat mo... Kawawa naman ang baby ko..."
"Mama... mama..." At bumangon na ito at nagpakarga.
Parang kailan lang nang iluwal ko si Reyn sa mundong ito.... nang mag-isa... Walang kahit na sino man sa kamag-anak at kaibigan ko ang naka-alam ng nangyari sa akin noon....