***Dale's POV***
Mahigit isang lingo na ang nakalipas matapos ang insidente ng gabing iyon. Ilang araw din akong hindi nakapasok sa club na pinagtatrabahuhan ko dahil sa sakit ni Reyn. Mabuti na lamang at simpleng lagnat lang ito ayon sa doktor ng barangay health center na tumingin sa kanya.
Nawala na sa isip ko ang pangyayari bago ako nakarating ng bahay ng gabing iyon. Ngunit bigla ko itong naalala nang mapadaan ako ng umaga sa mismong kalsada na iyon para bumili ng gamot at gatas ni Reyn.
Napasulyap ako sa malaking bahay. Isa itong lumang mansiyon at tipong haunted house gaya ng sa mga pelikula. Di ko pa rin lubos maisip kung paano ako nakapasok at nakalabas ng bakuran nito. Kung ito'y isang lumang mansiyon, paano naging awtomatiko ang pagbukas ng sementadong pader at bakal na gate nito?
Di ko mawari pero bigla na lang akong kinilabutan.
Nagmamadali akong naglakad para malagpasan ang bahay na iyon ngunit bigla akong napatigil nang mapatapat ako sa mismong gate nito.
Di ko inaasahan ang biglang pagbukas nito. Laking gulat ko dahil humaharurot na itim na sasakyan ang nakita kong palabas mula dito.
Napaatras ako sa sobrang kaba. Muntikan na akong mahagip ng itim na sasakyan. Napahawak ako sa aking dibdib.
Pilit kong inaninag ang loob ng humaharurot na sasakyan. Ngunit sa sobrang bilis nito ay hindi ko man lang nakilala ang nagmamaneho nito.
Pagkalabas ng sasakyan ay siya namang awtomatikong pagsara ulit ng gate nito.
Moderno nga ba ang pagkakagawa ng gate o sadyang mahiwaga lang ang bahay na ito?
Madami pang katanungan ang namuo sa aking isipan. Ano nga kaya ang meron sa loob ng lumang mansiyon na ito? Ano kaya ang itsura ng lalaking nakatira dito?
Saglit kong isinantabi ang aking namumuong kuryosidad sa lumang bahay at sa taong nakatira dito. Nagpatuloy ako sa paglalakad hangang sa marating ko ang kanto ng sakayan ng jeep papunta sa bayan.
Namili na rin ako ng mga pangunahing pangangailangan namin ni Reyn. Bibihira rin kasi ang ganitong pagkakataon na lumabas ako ng umaga para lang mamili. Karaniwang ibinubuhos ko lang ang aking oras sa pag-aalaga ng aking anak at pagpapahinga kapag nasa bahay.
Palabas na ako ng grocery store sa loob ng mall nang may mabanga akong tao.
"Ow! Sorry Miss!"
Nalaglag ang isa sa mga plastic bags na dala ko at nagkalat ang mga laman nito.
Tinulungan niya naman akong pulutin ang mga nagkalat na groceries.
"I'm really sorry. Here---" sabay abot nito sa akin ng isang balot ng diaper.
Tinignan ako nito sa matang may pagtatanong. Tila nakuha ko naman ang ibig niyang sabihin.
Tumango na lamang ako bilang pagsang-ayon.
"I---I'm Don by the way... May I know your name?" sabay lahad nito ng kanyang kamay at nagpakawala ng ngiti.
Ngumiti na lang din ako sa kanya.
"Ah-- I.. I need to go.." sagot ko sa kanya at iniwan ko na siya sa kinatatayuan niya.
Hindi lang dahil sa iniiwasan kong makipag-usap sa kanya ng ingles kaya ako nagmadaling tumalikod. May kung anong kaba akong naramdaman ng mapagmasadan ko ang kanyang mukha. Tila pamilyar sa akin ang lalaki.
Agad akong pumara at sumakay ng taxi pagkalabas ng mall.
Saan ko na nga ba nakita ang lalaking iyon? Nakita ko na siya at iyon lang ang sigurado ko.
Baka isa nga lang siya sa mga customers ng club na pinagtatrabahuhan ko.
Hindi ako proud sa trabaho ko pero wala naman akong choice. Ito lang ang alam kong paraan para kumita ng pera para sa pagtaguyod ko sa aking anak.
Second year college lang ang natapos ko sa kursong Tourism.
Mataas dati ang aking pangarap noong wala pa sa buhay ko si Reyn. Bigla lang naglaho ang mga ito nang malaman kong buntis ako. Gumuho ang aking mundo nang mga panahong iyon. Ni hindi ko nakilala ang taong nakabuntis sa akin. Hugis ng dulo ng ilong at labi lang ng katulad kay Reyn ang aking natatandaan sa kanyang itsura nang mangyari ang gabing iyon. Gusto ko mang hanapin ang lalaking iyon pero wala ako ni isa mang impormasyon tungkol sa kanya. Tumanging magbigay ng detalye ang resort na pinuntahan namin noon at kahit ang nag-iisang taong nakasama ko papunta at nagyaya sa akin sa lugar na iyon ay hindi ko na rin mahagilap.
Inisip kong iyon ang pinaka-malaking katangahang nangyari sa buong buhay ko. Ngunit nang lumabas na sa mundo si Reyn, napagtanto kong isa pa rin siyang biyaya ng Panginoon sa akin. Kahit na hindi man maganda ang pinagmulan niya, iniisip ko na lang na ito ang binigay na misyon ng Diyos sa aking buhay. Ang mapalaki siya ng maayos. Ang maging isang ina sa aking anghel. Sana lang ay maintindihan niya sa kanyang paglaki ang lahat ng mga ginagawa ko sa ngayon.
Nakarating ako ng bahay ng matiwasay. Agad akong sinalubong ng yakap at halik ng aking anak pagkapasok ko ng pintuan.
"Mama!"
"Uy! Gising ang baby ko... Eto may pasalubong si mama saiyo... Pero maliligo ka muna..."
Tuwang-tuwa naman nitong pinagbubuksan ang mga dala ko.
"Ligo muna..." pagpapa-alala ko sa kanya.
Tumigil naman ito at ngumiti sa akin.
May bigla akong naalala sa mga ngiting iyon.
Parehong-pareho sila ng ngiti ng kanyang ama. Matangos din ang ilong nitong namana rin yata niya sa lalaking iyon.
Hayyzz. Paano ko ba ipapaliwanag sa anak ko na isa lang siyang bunga ng pagkakamali ko noon?
Wala sa loob na pinagmasdan ko ang mukha ni Reyn. Ngayon ko lang napansin na hindi niya rin nakuha ang aking mga mata. Medyo bilugan ang sa kanya at mahahaba ang mga pilikmata nito. Walang dudang lalaking gwapo ang anak ko. Pati kulay nito ay tila hindi karaniwang Pinoy. Mestiso nga ba ang lalaking iyon?
"Mama?"
Nawala ako sa pagmumuni-muni.
Pinisil ko ang kanyang mga pisngi.
"Ang cute mo talaga. Lika na take a bath na tayo..."
Agad naman itong nagtaas ng mga kamay tanda na gusto na nitong magpahubad ng damit para maligo.