Nanghihina si Yana nang idilat ang mata at tuyong-tuyo ang lalamunan niya. Bumungad sa kanya ang puting kisame. Sinubukan niyang bumangon pero umigik nang maramdaman ang suwero sa kamay niya.
"Yana, gising ka na!" bulalas ng pinsang si Yulia na nakaupo sa gilid ng silid.
"Tubig! Gusto ko nang tubig," usal niya. Nanunuyo ang lalamunan niya, animo'y ilang araw nang di nasasayaran ng tubig.
Dali-dali siyang dinulutan ng pinsan ng tubig at inalalayan para makainom. "Nasaan ako? Anong ginagawa ko dito?"
"Nasa St. Matthew's Hospital ka. Umuwi kang basang-basa at mataas ang lagnat dahil nababad ka sa baha." Blangko lang ang tingin niya sa pinsan. Wala na siyang maalala. Ang alam lang niya ay masama na ang pakiramdam niya pero pinilit niyang maiuwi ang mga paninda na galing sa Divisoria. May tindahan ng damit siya na kinukuhanan doon na gawa ng isang Filipino pero Korean style ang mga damit. Patok na patok iyon sa mga kliyente niya. Isama pa doon ang mga paninda niyang Korean items sa isang warehouse sa Baclaran na uso ngayon.
"Di mo na ba matandaan? Kaya isinugod na kita dito kasi di ko na alam ang gagawin. Nangangaligkig ka na sa lamig at tumitirik mata mo sa taas ng lagnat. Ayan nga! Mahigit isang araw ka nang tulog. Buti bumaba na rin ang lagnat mo."
"A-Anong araw na?" tanong niya.
"Martes na, Ate."
Ilang beses siyang kumurap. "K-Kahapon pa ako dito? Natulog lang ako? 'Yung trabaho ko..."
"Obviously di ka na makakapasok."
Pilit siyang bumangon. "Hindi pwede. Di ko makukuha ang bonus ko. Private room pa itong kinuha mo. Lalabas na ako dito sa ospital. Malaki na ang gastos ko dito."
Pinigilan siya ng pinsan sa balikat. "Ano ka ba naman? Trabaho pa iniisip mo? Magpapakamatay ka ba? Pinatay mo ang sarili mo sa trabaho tapos suma-sideline ka pa ng paninda. Masyado mong pinahihirapan ang sarili mo. Ilang araw ka nang puyat? Naghihingi na ng pahinga ang katawan mo. Maawa ka naman."
Ngumiwi si Yanamarie sa sermon ng pinsan. Nagtatrabaho siya bilang isang sales representative sa call center agency. Mas gusto sana niya na bumalik sa pagtuturo pero mas maganda ang pagkakataon niyang kumita sa bagong kompanya na nilipatan. Mas makakapagtustos siya sa pamilya at makakapag-ipon siya para makarating sa wakas sa Korea.
"Alam mo naman na marami akong kailangang bayaran," paungot niyang katwiran.
"Ang sabihin mo, martir ka. Gusto mong pahirapan ang sarili mo. Di mo naman dapat probemahin ang gastusin ng pamilya ng nanay at tatay mo pero ikaw ang nadurusa. Sila na nga itong nang-iwan sa iyo."
"Shhhh!" saway niya dito nang makitang papasok na ang doktor. Sinisimulan pa lang I-check up ang kondisyon niya, umaapela na siya na lumabas. "Doc, pwede na po ba akong umuwi ng bahay? Doon na lang po ako magpapahinga."
"No. Kailangan pa kitang obserbahan at i-test para matiyak na wala kang ibang sakit. You have a possible case of pneumonia. Bagsak din ang immune system mo dahil sa pagod at pagkakababad sa ulan. Hindi ka kinaya ng katawan mo ang lifestyle mo. If you will have complete bed rest and your test is normal then you are free to go home tomorrow. Just a little patience, Miss," nakangiting sabi ng matandang doktora.
"Aabsent na naman po ako? Pero 'yung trabaho ko po..."
Hinawakan ng butihing doktora ang balikat niya. "I know. But you need to rest. Di pa bumababa ang lagnat mo. Your owe it to your body. Naabuso mo na."
"Naintindihan mo na?" tanong ng pinsan. "Kailangan mo daw alagaan ang sarili mo kung ayaw mong mas lumaki pa ang gastos mo. Kaya wala kang gagawin kundi matulog at makinig ng music. Babasahan na lang kita ng libro kung gusto mo. Tapos ie-enjoy ko lang ang guwapong nurse at doktor dito..."
Umungol ang dalaga. "Pang-Jeju Island ko na sana 'yon kung makukuha ko 'yung bonus ko. Gusto ko na talagang madalaw si Dong Uk."
Isang taon at walong buwan na mula nang umuwi ang binata sa Korea. May sarili na itong black pork burger restaurant na popular sa Jeju Island at dinadayo ng mga turista. Habang siya naman ay mahigit isang taon nang nagtatrabaho sa bagong kompanya matapos ang kontrata niya sa English tutorial school na pag-aari nila Gideon. Iba na ang may-ari matapos ibenta dahil babalik na daw sa Korea ang binata at ang lola nito. Mas gusto daw ng matandang babae na magretiro sa Jeju Island habang may sarili nang bar si Gideon.
May kasunduan din sila ni Dong Uk na kapag di siya nakapunta sa Korea sa loob ng dalawang taon, maari na silang maghanap ng ibang karelasyon. Pero ayaw niya na umabot pa doon dahil mahal talaga niya ang lalaki.
Pinag-iipunan niya ang pagpunta sa Jeju Island. SA kasamaang-palad, lagi na lang nagagastos ang ipon niya dahil laging may emergency ang pamilya. Sa sobrang frustration ni Dong Uk, nagpadala na ito ng ticket para sa kanya nang magkaroon ng sale ang airlines pero di niya nagamit dahil nanganak ang stepsister niya at caesarian pa. Siya na naman ang takbuhan ng mga ito. Di siya tumuloy sa flight.
Mula noon ay parang lumamig na ang pakikitungo ng nobyo. Naiintindihan niya kung nagtatampo ito. Kaya nga kuntodo kayod siya sa pagraket para lang makapag-Jeju Island na. Apat na buwan na lang ang taning niya o tuluyan nang mawawala sa kanya si Dong Uk.
Bumili lang saglit ng pagkain si Yulia at sinubukan niyang bumalik sa pagtulog.
Nagulantang si Yana nang biglang bumukas ang pinto at naggiggitan sa pinto ang nanay at tatay niya saka nag-uunahan na makalapit sa kanya. The contrast was stark. Habang lumang checkered blue na polo at kupasing pantalon ang suot ng ama niyang si Mang Lando, ang ina naman niyang si Razela ay pusturang-pustura sa suot na dark blue dress at brown knee-high boots. Nakashades pa ang ina kahit nasa loob ng gusali. Akala mo ay magmo-mall kaysa sa dadalaw sa may sakit.
Naunang lumapit sa kanya ang amang si Mang Lando at ginagap ang kamay niya. "Anak, ayos ka na ba? Alalang-alala kami ng Mamang Nilda mo. Pumunta kami sa bahay mo pero nasa ospital na daw."
"Kunyari concern pero ang totoo hihingi lang naman ng pera para ipantustos sa anak at apo na hindi naman kanya. Ni hindi nga kadugo ng anak natin 'yung pamilya mo sa labas. Kaya nagkasakit ang anak natin dahil sa katatrabaho nang may maibigay sa inyo. Di ka na nahiya sa anak natin? Tapos mas iniisip mo pa 'yung di mo mapapakain ang mga bisita mo sa birthday ng babae mo? Ibang klase," naiiling na sabi ng inang si Razela at humalik sa noo niya. "Mahirap pala kapag nagpalaki ka ng masyadong mabait na anak. Naaabuso tuloy."
"Nagsalita ang magaling. Di ba anak natin ang nagbabayad sa mga utang ninyo ng asawa mo ngayon? Pumasok-pasok kayo sa palpak na negosyo tapos scam pala. Hindi na siya natulog kasusulat dahil sa iyo," sumbat naman ng ama niya.
Namaywang ang ina niya. "Hoy! Nanay niya ako. Ako nagpaaral sa kanya kaya wala naman masama kung tulungan niya ako. Natural lang na siya naman ang umalalay sa akin kapag nagipit ako. Ikaw ba? Sino ba 'yung mga ihinihingi mo ng tulong sa kanya? 'Yung babae mo at anak niya na di mo naman kadugo. Iniwan mo kaming mag-ina dahil sa kanila. Ni wala ka ngang naitulong kahit isa sa pagpapaaral sa anak natin tapos gusto mo ikaw ang makinabang?"
"Hindi ko naman siya pinilit. Kusa siyang nagbigay. Bakit ka ba galit na galit?"
"Kasi abuso ka," angil ng nanay niya.
BINABASA MO ANG
Soju Trilogy 1: Tipsy in Jeju (Published under Precious Hearts Romances)
RomanceYana's Steps on How to Take Back Her Korean Boyfriend - Dong Uk: 1.Uminom ng soju para may lakas ng loob. 2.Mag-practice ng speech sa mga paligid - bartender, ibang customer sa bar at pati ang aso. 3.Yakapin at halikan si Gideon Lee - half-Korean ex...