"Anneong hasaeyo, Land of Kimchi and Oppas ! Anneong hasaeyo, Jeju Island! Nandito na ako!" sigaw ni Yanamarie paglabas ng pinto ng eroplano. Wala siyang pakialam kung pagtawanan man siya ng mga pasahero at crew ng eroplano.
Matapos ang halos isang araw na paglalakbay - kasama na ang biyahe sa ere, paghihintay ng flight at layover sa Shanghai, sa wakas ay nakatapak na siya sa lupain ng pangarap niya.
Dalawang araw na ang nakakaraan mula nang makalabas siya ng ospital. Binigyan na rin siya ng clearance ng doktor niya upang magbiyahe. Mabuti na rin iyon dahil ayaw pa rin siyang tantanan ng bagong pamilya ng mga magulang niya. Kinokonsensiya siya ng kapatid sa ina dahil wala daw pambayad sa credit card ang ina niya. Habang nagpapaawa naman ang stepsister niya sa ama dahil wala daw panggatas ang anak nito. Pero may pambili ito ng bagong videoke machine.
Hindi na talaga kinakaya ni Yanamarie ang pangungulit at pangongonsensiya ng mga ito samantalang di man lang inalala na ang mga ito ang pinagmulan ng stress at pagod niya. Tinatagan niya ang loob. Ni di siya naantig sa paawa ng mga ito at di alintana kung magkaproblema man ang mga ito sa pera. Oras na para harapin ng mga ito ang sariling resonsibilidad at tulungan ang sarili. Kung may pambili ang mga ito sa luho ng mga ito, ibig sabihin ay kayang gastusan ng mga ito ang mga importanteng bagay.
Nang makuha ang bagahe ay bumili siya ng sim card. Nagpadala siya sa messenger ni Yulia para sabihing nasa Korea na siya.
Pagkatapos sumakay ng bus papunta sa Seogwipo kung saan matatagpuan ang restaurant ng nobyo ay tinawagan niya ang dating boss na si Mi Su. "Yabusaeyo!" bati ng matandang babae pagsagot ng phone.
"Anneong hasaeyo, sajang-nim," bati niya dito. Sajangnim ang tawag sa mga boss o head ng isang kompanya. Iyon na ang nakagawian niyang itawag dito. "This is Yanamarie. Do you still remember me?"
"Yana-ssi! Oh! You are using a Korean number? You are in Korea?"
"Nee," pag-oo niya. "I am here at Jeju Airport right now."
"I am in Udo Island right now for a friend's birthday. I will be home tomorrow. But I can ask my Jin Woo to fetch you at the airport and you can stay at my house."
"N-No! I don't really want to impose."
Nakakahiya naman kung mang-aabala pa siya ng ibang tao habang nasa Korea siya. Isa pa, di rin sila close ni Gideon. Kahit nang bayaran na niya ang hiniram na pera ng magulang kay Dong Uk, nahuhuli pa rin niya ang matiim na tingin ni Gideon sa kanya. Parang di ito naniniwala sa sinseridad niya. Pakiramdam niya ay kontrabida ito sa love story nila ni Dong Uk.
"But I really want to see you. I told you that you can stay in my house if you visit Jeju."
Kinagat ni Yana ang pang-ibabang labi. "I am visiting my boyfriend."
"Oh! Your boyfriend! That is so exciting. Enjoy your time with your boyfriend but make sure to meet me if you have time. I want to catch up with you."
"Nee, sangjan-nim. See you soon."
Niyakap niya ang sarili at pinagmasdan ang tanawin sa labas ng bus. Palabas na sila ng Jeju City at nagsisimula nang dumalang ang mga bahayan sa gilid ng daan. Natatanaw din niya ang Mt. Halla, ang pinakamataas na bundok sa Jeju Island. Halos idikit niya ang mukha sa bintana ng bus.
Korea. Naninibago siya sa mga makukulay na karatula na nakasulat sa Hangeul o Korean alphabet. Kinuhanan niya ng picture ang mga nadadaanan. Dama din niya ang lamig ng tagsibol. Parang nasa Baguio o Sagada siya sa lamig. Di pa rin siya makapaniwala na nasa Korea siya. Ilang sandali na lang ay magkikita na sila ni Dong Uk. Gustong-gusto na niya itong mayakap at mahalikan.
Hindi niya sinabi sa nobyo na dadating siya. Inalam niya lang kung nasa restaurant ito. Hindi nito day off at alam niya ay hanggang alas diyes ito nakabantay sa restaurant. Alas sais na ng gabi. Tantiya niya ay dalawang oras ang biyahe mula Jeju Island papunta sa Seogwipo City.
Paidlip-idlip lang si Yana dahil ayaw niyang lumampas kahit nagbilin siya sa driver na sa Dongmun Rotary siya bababa. Nanlalamig na ang kamay niya nang makitang next bus stop na ang Dongmun Rotary. Mahigpit niyang hinawakan ang shoulder bag at ang maliit na maleta. Hinapit din niya ang brown wool coat sa sarili. Sinundan niya ang instruction sa Google Map kung paano makapunta sa restaurant ng nobyo.
"Ilang hakbang na lang. Konti na lang."
Sinamyo niya ang hangin. Sobrang lamig no'n at naninigas na ang daliri niya. Tiniis niya ang lamig dahil alam niyang mapapawi din iyon sa init ng yakap ng nobyo. Naluluha na siya dahil parang napakalayo pa niya hanggang matanaw niya ang pamilyar na gusali. Bumilis ang tibok ng puso niya nang makita ang sulat 흑돈버거 - Jeju Life Black Pork Burger - ang restaurant na laging ipinagmamalaki ng nobyo sa kanya. Heto na siya.
Pagpasok niya ay sinalubong siya ng panghaharana ni Sung Si Kyung, isang Korean balladeer na kumakanta ng theme song ng Koreanovelas. Feel na feel niya na nasa Korea siya. May sampung mesa ang restaurant at lima doon ay okupado. Napapikit siya nang mahagip ng ilong ang mabangong amoy ng burger. Naramdaman niya ang pagkalam ng sikmura. Di pa pala siya kumakain.
"Anneong hasaeyo!" bati ng lalaki na nakatao sa counter.
Yumukod siya nang bahagya. "Anneong hasaeyo!" Marahan siyang lumapit sa counter. "Hi! I am looking for Kim Dong Uk, the owner of this place."
"Sangjan-nim?" tanong ng lalaki na sa tantiya niya ay nasa late teens. "You are..."
"I'm Yana, his gi... friend. I used to teach him when he was in the Philippines." Di niya alam kung ipinagkakalat ng binata na may nobya ito kaya minabuti niyang magpakilalang kaibigan.
"Ah! Teacher Yana!" sabi nito at pinagsalikop ang palad. "Nice meeting you. I'm Kai Jin." Kilala siya nito. Ibig sabihin ay binabanggit siya ng binata.
"Nice meeting you, Kai Jin." Kinamayan niya ito. "Is Dong Uk around?"
Marahan itong umiling. "Aniyo. He is not here." Marahan ang pagsasalita nito. Mukhang di pa sanay na mag-English. "He left early. He said he will go to a cafe to hang out."
"Oh!" Hindi niya inaasahan iyon. Baka kasi maghinala ang nobyo kapag nag-usisa siya sa schedule nito o masamain nito. "Is the cafe far from here?"
"You can walk from here to Lee Jung Seop Art Street." At ibinigay nito ang instruction kung paano mapupuntahan ang cafe.
Yumukod siya at nagpasalamat. "Kamsahamnida!"
"Don't you want to eat and rest first?" alok ng lalaki. "You've traveled so far to get here."
Napahawak siya sa tiyan pero umiling. "No. I am good. Thank you for the offer and for the help. I will be back after I meet Dong Uk. I want to taste his famous burger."
Kumaway ang lalaki bilang pamamaalam. "Anneong!"
Binilisan ni Yana ang paglalakad. Parang mas malamig pa kaysa kanina at nahihilo na siya sa gutom. Kaya ko ito. Malapit na ako kay Dong Uk.
BINABASA MO ANG
Soju Trilogy 1: Tipsy in Jeju (Published under Precious Hearts Romances)
RomanceYana's Steps on How to Take Back Her Korean Boyfriend - Dong Uk: 1.Uminom ng soju para may lakas ng loob. 2.Mag-practice ng speech sa mga paligid - bartender, ibang customer sa bar at pati ang aso. 3.Yakapin at halikan si Gideon Lee - half-Korean ex...