Chapter 67

1.3K 26 1
                                    

Bumagsak ang panga ng binata. "Tatay mo? Your biological father? Akala ko hindi sila magkasundo."

"Nagbago daw iyon mula nang umalis ako. Na-realize nila na simple lang ang hinihiling ko - isang maayos na pamilya. Madrasta ko pa nga daw nagbabantay sa kapatid ko. Akala ko nga hindi mangyayari iyon pero mabait pa rin ang Diyos. Parang himala ang nangyayari."

"That is good news. Natupad ang pangarap mo. Pero wag kang magmadali na ibalik ang pera. At ito na ang huling beses na pag-uusapan natin ito." Inilapit nito ang adobong pusit sa kanya. "Saka na lang pag nakabalik ka na sa Pilipinas."

"Akala ko talaga sasabihan mo si Yulia na walang aasahan sa iyo. Na huwag ko na lang tulungan ang pamilya ko katulad ng sinasabi ni Dong Uk," aniya sa lalaki.

"Anong gagawin mo kung sakali?"

"Tatakbo ako sa airport na passport at pera lang ang dala ko. Wala akong pakialam kahit wala akong dalang damit. Uuwi ako sa nanay ko. Di pwedeng di ko siya matulungan kahit na sabihan mo pa ako na tanga o uto-uto."

"Alam ko na gagawin mo iyon. Kilala kita. Di mo matitiis ang magulang mo lalo na kung kailangan ka nila. Hindi ka patatamikin ng konsensiya mo."

"At kung tuluyan akong umalis, lalo na akong di babalikan ni Dong Uk. Galit siya sa pamilya ko at hindi ko siya masisisi. Pakiramdam siguro niya, laging sagabal ang pamilya ko. Na sila ang priority ko at handa ko siyang isakripisyo."

"Anong karapatan niyang magalit sa pamilya mo? Di ba bago pa 'yung flight mo dito sa Korea may relasyon na sila ni Eu Jin?"

Bumuntong-hininga si Yana. "Sumasakit na nga ang ulo ko. Di ko pa rin maintindihan ko. Kung ayaw na niya sa akin, bakit hindi niya sinabi na tapos na kami? Na may iba na siya. Tapos kung umasta siya, parang nagseselos siya. Kung di na ako importante, bakit apektado pa rin siya na tinulungan mo ang nanay ko? Wala na siya dapat pakialam doon, maliban sa concern siya sa iyo bilang kaibigan."

"Hindi ko rin alam. Si Dong Uk lang ang nakakaalam ng totoong nararamdaman niya. Kaibigan ko siya pero hindi ibig sabihin nag-a-agree ako sa mga ikinikilos at sinasabi niya."

Malungkot siyang ngumiti. "S-Siguro naman magbabago siya kalaunan."

Naninibago rin siya sa mga inaasal ni Dong Uk pero di na niya sinabi pa kay Gideon. Siguro naman mas magiging mabuti na ang pakikitungo nito sa kanya at sa pamilya niya kapag nagkabalikan sila. Pero di maalis ang pag-alala sa puso niya. Parang di niya makumbinsi ang sarili sa "siguro" niya.

Mahabang sandali siyang pinagmasdan ni Gideon. "Yana, gusto mo ba talaga ng lalaki na nakipag-relasyon sa ibang babae nang wala kang kamalay-malay at ayaw sa pamilya mo? Iba na siya sa Dong Uk na kilala mo. Di na siya 'yung Dong Uk na nakasama mo sa Pilipinas. Marami nang nangyari dito sa Korea."

"Bakit sinasabi mo sa akin ito?" tanong niya sa mataas na boses. "Ikaw ang tulak nang tulak sa akin na mahal pa ako ni Dong Uk. Na dapat ko siyang ipaglaban at dapat magkasama kami."

"Kasi gusto kong pag-isipan mong mabuti kung ano ang sitwasyong pinasok mo. Kaibigan ko si Dong Uk pero di ko alam ang tumatakbo sa utak niya. Di ko siya kasama beinte kuwatro oras. Wala sa akin kung minsan parang robot si Eu Jin na sunud-sunuran sa kanya. That was Eu Jin's choice. Pero ibang usapan ang kawalan niyang pakialam sa nararamdaman mo. 'Yung pagpapakain niya sa iyo ng maanghang nang di man lang tinatanong kung ano ang gusto mo..."

"I could handle that. Sanay na ako kay Dong Uk."

"How about his disdain to your family? Kung mabawi mo man si Dong Uk, siya pa rin ba ang lalaking minahal mo dati? Para sa kanya ba, handa kang isakripisyo ang pamilya mo?"

Hindi agad makasagot si Yana. Ano bang garantiya na magbabago ang pananaw ni Dong Uk sa pamilya niya. "Kung ikaw si Dong Uk, anong gagawin mo?"

Lumambot ang anyo ni Gideon. "Alam mo kung ano ang sagot ko diyan."

"Yes. You are that asshole with a heart," she said with a gentle smile. "Kahit siguro pinakamasamang tao, kapag kailangan ng tulong mo, tutulungan mo pa rin. Samantalang si Dong Uk sarado ang utak niya kanina."

"How would you deal with it?"

Mariing nagdikit ang labi niya. "Sinasabi mo ba na dapat iwan ko si Dong Uk? Na huwag ko na lang siyang balikan?"

"You still have time to back out, Yana. Girlfriend pa kita ngayon. Palapit pa lang siya sa patibong natin at di pa siya tuluyang nahuhulog. Di ka pa niya binabalikan. Dahil kapag tinanggap mo ulit siya sa buhay mo, kailangan mong tanggapin ang posibilidad na lokohin ka ulit niya. At paano kung hingin niya na isakripisyo mo ang mga magulang mo."

"Sabi mo sa akin dapat kontrolado ko siya..."

Marahang umiling ang binata. "He is his own person. Walang kahit anong manipulasyon, emotional blackmail o kompromiso ang pwedeng magpabago sa kanya. Maaring mangako siya ngayon pero iba na ang sasabihin niya sa susunod."

Napatitig siya sa pagkaing nasa harap. Hindi rin niya inaasahan ang mga pagbabago kay Dong Uk. Ang totoo, ito ang inaasahan niya na dadalo sa kanya. It was supposed to be his defining moment. Na mapapatunayan nito na pwede niya itong sandalan sa oras ng pangangailangan kaysa dati. Pero sa halip na tulungan, naging malupit ito sa kanya.

Isa ring malaking rebelasyon si Gideon. Ito ang unang tutol sa pagbibigay ng pera sa magulang at may ayaw sa kanya. Ito pa pala ang tutulong sa kanya. Hindi siya nito pinabayaan.

Tama si Gideon. Di siya pwedeng magbulag-bulagan lang sa kakulangan ni Dong Uk. Mahal niya si Dong Uk pero hanggang saan ba niya ito kayang ipaglaban?

Habang parang may banner naman ang maliit na parte sa puso niya na hawak ni Gideon. Parang lumalaki ang espasyong sinasakop nito.

Bakit napunta kay Gideon? Kailangan lang naman niyang malaman kung si Dong Uk pa ang gusto niyang makasama. Kung kaya pa niya itong ipaglaban. Pero naikukumpara lang niya ito kay Gideon. And his boyfriend fell short. Biglang naging Dong Uk versus Gideon. There was no competition really. Kahit na mahalin niya si Gideon, wala sa plano nito ang makipagrelasyon. Mabibigo lang siya.

"Do I have to decide now?" tanong ni Yana sa lalaki.

"No. I am just worried about you, Yana. Ayokong masaktan ka na naman. At least, habang boyfriend kita alam mong di ka iiyak sa akin."

At iyon mismo ang nararamdaman niya kapag kasama si Gideon. Walang rason para malungkot siya. She could get used to this. Baka tuluyan na niyang makalimutan ang totoong rason kung bakit nasa Jeju Island siya.

Soju Trilogy 1: Tipsy in Jeju (Published under Precious Hearts Romances)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon