NAGTATAKANG inilayo ni Yana ang cellphone sa tainga at pupungas-pungas na tiningnan iyon. Nasa hammock siya na nasa patio ng bahay at nakaharap sa dapat. Iyon ang paborito niyang tambayan kapag nasa bahay ng lola ni Gideon. Nagpapatugtog siya ng OPM kasama ang aso ni Mi Su na si Moody para di ma-homesick habang nangungumusta sa pinsang si Yulia. Nakatulugan na niya ang pakikipag-chat dito hanggang mag-ring ang phone niya at magising siya.
Tinitigan niya ang screen ng smartphone at kinusot ang mata. Numero nga ni Gideon ang tumatawag. Si Gideon ba talaga ang tumatawag sa kanya? Nananaginip ba siya nang sabihin na miss siya nito?
"Hello! Gideon, ano ulit ang sabi mo? Choppy ka kasi," sabi niya at bumalik sa pagkakahiga sa hammock. Umiikot pa rin ang paningin niya sa antok. Baka kung anu-ano lang ang narinig niya.
Tanghali na silang nagising ni Gideon pero nag-brunch na sila sa bahay ng lola nito. Matapos iyon ay iniwan na siya nito dahil pupunta daw ito sa gym at gabi na rin ito babalik dahil tutuloy na ito sa pag-aasikaso ng bar.
Naramdaman niya na malamig na ang turing ng lalaki sa kanya mula nang gumising ito kanina. Di na rin natuloy ang plano nila na mag-Seongsan Ilchulbog at mag-Udo Island. Katwiran nito ay marami pa itong kailangang asikasuhing trabaho sa bar. Inalok niya ito ng tulong pero tumanggi ito. Parang mainit ang ulo.
Mukhang napikon yata ito nang halikan niya nang bago sila matulog kanina. Kaya naman di na siya nangulit na kausapin ito. Kaya nakakapagtaka na tinawagan siya nito ngayon para sabihing...
"I said I miss you."
"Ha? Miss mo na ang lola mo?" tanong niya na parang bingi. "Gusto mo bang kausapin siya? Ipapasa ko ang phone sa kanya."
"Yana, ikaw ang gusto kong makausap. Nami-miss kasi kita. Nami-miss ko ang boses mo."
"Ha? Ayos ka lang? Lasing ka ba?" Baka naman malalim ang pinagdadaanan nito kaya napainom nang maaga. O nayaya ng inuman. Wala pang alas dos ng hapon. Normal ba iyon?
"Aniyo," tanggi nito. "Katatapos lang ng mixed martial arts training ko. Ddi ako iinom nang ganito kaaga."
"Ah! Tinamaan ba 'yang bungo mo o naalog ang utak mo kaya anu-anong sinasabi mo." Di nga siya nito kinakausap kanina. Kulang na lang di siya mag-exist sa paningin nito at parang invisible siya tapos biglang nami-miss siya nito. Iyon lang ang naiisip niyang rason.
Pumalatak ito. "Na-miss nga kita."
"Ikaw kaya itong di kumakausap sa akin. Ganoon-ganoon lang iyon? After mo akong supladuhan kanina, bigla ngayon miss mo na ako?"
Masakit sa pride niya ang pande-deadma nito. Siguro nga ay mali ang mali na basta na lang niya itong halikan. Magso-sorry naman siya kung sabihin nitong huwag na niyang ulitin. Madali naman siyang kausap. Lalo lang siyang naguluhan dahil sinabi nitong miss siya nito.
"Baka kasi di ka makatiis at ma-miss mo ako. Siyempre ako ang una mong tatawagan. Kaso hindi kita matiis kaya tinawagan na kita para sabihing miss na kita. Na-miss mo ba ako?"
Kumibot-kibot ang gili ng labi niya. Di niya alam kung mangingiti sa paglalambing nito at papatulan ito o babalewalain na lang ito. Kung totoong boyfriend sana niya talaga ito pwede siyang makipag-flirt. Baka mamaya maggalit-galitan na naman ang lalaki at tine-testing lang pala kung nagsisimula na siyang magka-interes dito. Napapraning tuloy siya dito.
"Inaantok ako. Inabala mo ang tulog ko. Wala ka bang importanteng sasabihin?" tanong niya sa malamig na boses.
"I owe you, I need you, I miss you, I love you..." pakantang sabi nito.
"Teka! My World ni Yoon Mirae iyan. Akala ko ba di ka nanonood ng Korean drama. Bakit alam mo 'yung kanta ng Legend of the Blue Sea?" tanong niya dito tungkol sa soundtrack ng Koreanovela ni Lee Min Ho.
"Sabi mo dagdag pogi points kapag kinantahan ko ng theme song ng Korean drama ang isang babae."
Tumirik ang mata ng dalaga at inugoy ang duyan. Kahit si Dong Uk hindi niya napakanta para sa kanya. She thought it woul be romantic. Siya ang mas gustong pakantahin ng lalaki. At kung sino pa ang di ko boyfriend, siya pa ang nag-effort mag-gain ng pogi points sa akin. Bakit nga ba?
"Wala ka sa tono."
"Really? Narinig ko lang na kinakanta mo kanina sa banyo. Ginagaya lang kita."
Napalunok siya. "Nakikinig ka sa akin habang naliligo ako?"
"Mukhang feel na feel mo na mag-shower kanina. Napalakas ang kanta mo."
"Ibig sabihin wala rin ako sa tono?" usal niya at sinapo ang noo. Sobrang kahihiyan na talaga ito.
"It doesn't matter. I miss you. Na-miss kita kahit na sintunado ka."
Suminghap siya at inangat ang ulo para mapakalma ang regudon ng puso niya. Lalo siyang nahiwagahan kaky Gideon. "Seryoso. May nangyayari ba sa iyo? May babae na naman ba na naghahabol sa iyo at kailangan mo ng powers ko bilang human shield? Kailangan mo ba ang tulong ko, boyfriend?"
"No. I just want to hear your voice. Imposible ba na na-miss lang kita?"
Natameme siya. Ano ang dapat niyang isagot dito? "Hindi naman kita nami-miss," sabi lang niya dito. Para tigilan na nito ang pagiging sweet sa kanya. Sumasakit na ang bagang niya dito.
"Basta nami-miss kita. Susunduin na sana kita ngayon pero dadating ang new delivery ng fruit wine."
"Baka kailangan mo ng tulong ko."
"Diyan ka muna kay Lola para ma-miss mo ako lalo. Bukas na ng umaga kita susunduin. Baka kasi biglang dumating dito si Dong Uk."
"E di dapat nandiyan ako," sabi niya at bumangon. Dapat sa harap ni Dong Uk nila ginagawa ang pagiging sweet sa isa't isa. Doon nito gamitin ang pa-miss-miss nito at panghaharana nito sa kanya.
"Huwag na. Baka sabihin na naman ni Dong Uk inaalipin kita."
BINABASA MO ANG
Soju Trilogy 1: Tipsy in Jeju (Published under Precious Hearts Romances)
RomanceYana's Steps on How to Take Back Her Korean Boyfriend - Dong Uk: 1.Uminom ng soju para may lakas ng loob. 2.Mag-practice ng speech sa mga paligid - bartender, ibang customer sa bar at pati ang aso. 3.Yakapin at halikan si Gideon Lee - half-Korean ex...