"PARANG maiiyak siya kanina nang sabihin ko na may sakit ka pa rin dahil sa sobrang pagtatrabaho mo para lang makarating ka sa Korea at makasama siya. Sana pala ni-record ko ang usapan namin. Nakakatawa talaga."
Nakatulala lang sa kawalan Yana habang nakapangalumbaba sa mesita sa may laundry area at kausap ang pinsang si Yulia sa video call. Narinig niya ang tunog ng dryer ng washing machine kug saan nakasalang ang mga damit na nilabhan niya pero hindi niya napansin man lang.
"Yana! Galit ka ba sa akin?" pabulyaw na tanong ng pinsan at muntik nang mabasag ang eardrums niya.
Ngumiwi siya. "Hindi mo naman ako kailangang sigawan. Ikaw yata itong galit sa akin."
"Ay! Hala siya! Lutang ka ba? Kanina pa ako nagkukwento dito pero parang wala ka namang pakialam. Nag-aalala nga si Dong Uk dahil ilang araw ka nang walang message sa kanya at walang reply. Kinonsensiya ko dahil may sakit ka kako. Ayun! Magpapadala daw ng perang panggastos mo. Ipapadaan na lang daw niya sa akin ang pera kasi di mo naman daw tatanggapin ang tulong niya. Di ka ba natutuwa? Mukhang may pakialam pa naman sa iyo ang taksil na iyon."
"Huwag mong tatanggapin ang pera," sabi niya sa matamlay na boses. Wala siyang maramdamang saya kung mabaliw man sa pagka-guilty si Dong Uk at ubusin man nito ang kayamanan sa kanya.
"Oo. Inaasahan ko nang sasabihin mo iyan. Anong plano mo? Di ka ba magre-reply sa kanya?"
"Hindi. Parang di ko rin naman kayang magpanggap na okay at walang alam. Kahit na gustong-gusto ko siyang sumbatan, sabi ni Gideon mas mabuting iwasan ko na lang. Basta gulatin na lang daw namin. Ang totoo, ayoko ngang isipin ngayon si Dong Uk. Parang nakakasira ng good mood. Ang saya-saya ko pa mandin ngayon."
"Anong iniisip mo kaninang tulala ka?" tanong ng pinsan at sumubo ng chicharon. Break nito dahil night shift ito sa pinapasukang kompanya.
"Si Gideon. Ala una na kasi pero di pa umuuwi. Um-attend daw siya sa birthday party ng isang kliyente niya. Nagtatampo daw sa kanya dahil nakalimutan niya ang birthday."
Kumunot ang noo ng pinsan. "Inaalala mo kung mambababae siya 'no?"
"Of course not. My tiwala ako sa kanya."
Nanlaki ang mga mata nito. "Ows? May tiwala ka sa playboy na iyon? Basta yata babae papatulan no'n."
Tipid siyang ngumiti at umiling nang maalala ang nangyari sa boutique kanina. "Hindi rin. Ipinakilala nga niya ako kanina sa babaeng interesado sa kanya bilang girlfriend niya. Pwede naman niyang I-deny."
"Ayaw ka lang mapahiya no'n. Pero malay mo naman ngayong nakatalikod ka mag-iba na ang tono niya. After all, hindi mo naman siya totoong boyfriend. Mas affected ka pa talaga sa fake boyfriend mo kaysa sa boyfriend mong totoo."
"Nag-aalala lang ako kasi magkasama kami dito sa bahay. Malay ko ba naman kung ano na ang nangyari sa kanya. O kaya kung anong oras siya uuwi."
"Daig mo pa lola niya kung mag-alala. Matanda na iyon. Kaya na niyang mag-isa. Matulog ka na lang. Magkaka-wrinkles ka sa pag-aalala sa kay Gideon Lee. Kailangan mong mag-beauty rest para kay Dong Uk."
"Okay," usal na lang niya at nagpaalam sa pinsan. Pero ang totoo ay di pa rin siya makatulog. Di siya matatahimik hangga't di dumadating si Gideon. Pero nalabhan na niya ang lahat ng madudumi pati ang bagong damit na bili kasama na ang heart-printed na underwear ni Gideon pero wala pa rin ang lalaki.
Pasado alas dos na ng madaling-araw nang maisipan niyang humiga na matapos magsampay ng mga damit. Ang alam niya, alas kuwatro pa magsasara ang bar ng lalaki. Ilang araw din siyang inasikaso nito kaya maaring bumabawi din ito sa trabaho. Unti-unti nang pumikit ang mata niya. Pagod na siya. Gigising na lang siya ng maaga bukas. Magluluto siya ng agahan at maglilinis ng bahay.
Naalimpungatan siya nang marinig ang ugong ng kotse. Kilala niya ang tunog. Ugong iyo ng kotse ni Gideon. Bumangon siya at sumilip sa bintana ng kuwarto. Papasok nga ang kotse nito sa gate pero napansin niya na may kasunod iyon na motor. Dali-dali siyang bumaba para pagbuksan ng pinto ang lalaki. Di niya alam kung bakit kinabahan siya. Bakit kailangan pang may escort ito?
Pagbukas niya ng pinto ay naabutan niyang inaalalayan ng dalawang lalaki si Gideon na mukhang mga tauhan nito sa bar dahil naka-uniform pa ang mga ito. "Anneong hasaeyo!" bati ng dalawa sa kanya at bahagyang yumukod kahit na hirap sa pag-aalalay sa binata.
"A-Anneong," nag-aalangang bati ni Yana. "What happened to him?"
"Drunk," sagot ng Koreano na may blonde na buhok at mukhang Kpop idol.
BINABASA MO ANG
Soju Trilogy 1: Tipsy in Jeju (Published under Precious Hearts Romances)
RomanceYana's Steps on How to Take Back Her Korean Boyfriend - Dong Uk: 1.Uminom ng soju para may lakas ng loob. 2.Mag-practice ng speech sa mga paligid - bartender, ibang customer sa bar at pati ang aso. 3.Yakapin at halikan si Gideon Lee - half-Korean ex...