Tinakpan ni Yana ang tainga at mariing pumikit. Bata pa lang siya ay sanay na siya sa pag-aaway ng magulang. Wala nang ginawa ang mga ito kundi ang magbangayan. Mabunganga daw ang nanay niya at maluho sabi ng ama niya kaya nito iniwan. Di daw nito kayang sustentuhan ang lifestyle ng ina na mas malaki ang sweldo dito bilang isang supervisor sa mall habang ang ama niya ay isang security guard sa isang grocery. Kaya iniwan sila ng ama niya para sa isang tindera sa palengke na may anak sa pagkadalaga.
Gusto niyang sabihin sa ina na di naman ito ang nagpalaki sa kanya kundi ang lola niya. Na nagpatuloy ito sa buhay, nagkaroon ng bagong pamilya at mga anak pero iyon na ang buhay nito. Di na siya naging bahagi ng buhay nito mula nang magsampung taon siya. Oo, tumatawag ito at dumadalaw sa bahay ng lola niya. Nagpapadala rin ito ng pera hanggang mag-high school siya. Pero sa kolehiyo ay ang lola na niya ang solong nagtaguyod sa kanya.
Pero para sa kanya, lola na niya ang nagpalaki sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nagtanim ng sama loob sa mga magulang sa kabila ng paglimot ng mga ito sa kanya. Ipinaramdam ng lola niya sa kanya ang pagmamahal kaya naman puro pagmamahal ang ibinibigay niya sa mga magulang kahit na parang naaalala lang siya ng mga ito kapag kailangan ng pera. Ni pakunwari ay di magawang magkasundo ng mga ito kahit para sa kanya.
"Nay, Tay, tama na po," malumanay na saway ni Yana sa mga ito.
"Anong tama na? Sa simula't sapul iniinsulto na ni Razela ang pagiging ama ko sa iyo," katwiran ni Mang Lando at dinuro pa ang nanay niya.
"Aba! Ikaw na nga itong di makatanggap ng pagkakamali, nagawa mo pang mambabae," pakli ni Aling Razela.
"Dahil kahit simpleng babae lang si Nilda, ipinaramdam niya sa akin ang pagmamahal niya at di niya ako minaliit kahit na minsan."
"Oo nga naman. Sambang-samba ka ng tindera na iyon. Bukod nga naman sa binuhay mo sila ng anak niya sa ibang babae, nandiyan rin ang anak natin na pwede nilang mahuthutan sa mga drama nila."
"Tama na!" Di na napigilan ng dalaga na magtaas ng boses. Napapatda ang mga magulang niya. Di makapaniwala ang mga ito na magagawa niyang magalit. "Kahit kailan wala na kayong ginawa kundi mag-away sa harapan ko. Para pa rin kayong mga bata. Matatanda na kayo, Nay, Tay."
"Ito kasing nanay mo..."
At sinikmatan naman ito ng ina. "Ano ako?"
"Tama na sabi," bulyaw niya dahilan para tuluyang tumigil ang dalawa. Humihingal si Yana sa galit. "Mga makasarili kayong magulang. Sarili lang ninyo ang iniisip ninyo." At naluluha niyang pinagpapalit-palit ang tingin sa mga ito. "Kahit ba minsan tinanong ninyo kung ayos lang ako? Nasabi ba ninyo sa akin minsan kung nami-miss ninyo ako? Ikaw, Tatay, ni hindi ninyo ako nagawang sulatan o silipin man lang mula nang magkahiwalay kayo ni Nanay. Kailangan pang ako ang mag-reach out sa inyo para lang ipaalala sa inyo na may anak kayong naghihintay ng kalinga ninyo at kaunting atensyon."
Yumuko si Manong Lando. "Anak, alam mo naman na mahirap lang ang buhay ko. S-Saka kapag dinalaw kita b-baka itaboy mo rin ako noon o kaya hindi ka rin ipakita sa akin ng nanay mo."
Parang tinadyakan ang dibdib ni Yanamarie. "Di ninyo alam dahil hindi ninyo sinubukan. Mas takot pa kayo na itaboy o mapahiya kaysa sa makita ako. Pride ninyo ang importante sa inyo. Pero di naman kayo nag-alangang humingi ng tulong sa akin at tumanggap ng tulong sa akin 'no?" di mapigilan niyang sumbat dito. "Kapag para sa pamilya ninyo na iba, di kayo nahihiya."
"Anak, bakit tayo nauuwi sa sumbatan? Akala ko okay lang tayo?" tanong ni Mang Lando na bakas ang sakit sa mukha.
Ngumisi si Yana. "Akala ko nga po okay lang tayo. Akala ko kasi maipaparamdam ko sa inyo ang pagmamahal ko kapag natulungan ko kayo. Baka sakaling mapalapit ako lalo sa inyo. Na sana ma-appreciate ninyo na ni minsan di ako nagtanim ng sama ng loob sa inyo o nagsalita ng masama kahit na iniwan mo kami ni Mama. Na minahal ko kayo sa kabila ng kakulangan n'yo. Pero hanggang ngayon wala naman kayong pakialam sa akin."
Yumuko ang ama niya. "Mahirap lang kasi ako."
"Hindi sa hirap iyon, 'Tay. Huwag na kayong magpalusot. Mahal ninyo ang sarili ninyo at ibang pamilya ninyo pero hindi ako," usal ni Yanamarie at humikbi.
"Kaya layuan mo na lang ang anak natin. Tutal pera lang naman ang habol mo sa kanya," nakangising sabi ng ina at niyakap siya. "Nandito pa rin ako para sa iyo, anak."
Nakatingin lang siya Yana nang tuwid at di gumanti ng yakap sa ina. "Pareho lang kayo ni Tatay, 'Nay. Di naman kayo ang nag-alaga sa akin nang maghiwalay kayo. Nakahanap kayo agad ng ibang pamilya at lalaking magmamahal sa inyo. Sabi ni Lola kayo ang nagpaaral sa akin pero ang totoo ayaw lang niya na sumama ang loob ko sa inyo at isiping pinabayaan ninyo ako." Pinahid niya ang sariling luha. "Yung pamana ni Lola na bahay at lupa sa akin ibinigay ko sa inyo. Pati sweldo ko di ako nag-alinlangan na ipambayad sa utang ninyo. Di ako natutulog para sustentuhan ang mga pami-pamilya ninyo ni Tatay. Kahit wala akong bagong damit o di ako makapasyal sa magagandang lugar kasama ang mga kaibigan ko, basta meron kayo. Pero ako ba tinanong ninyo kung ano ang magpapasaya sa akin? Magkasundo lang kayo, masaya na ako pero di ninyo magawa para sa akin."
"Paano mo ako nagagawang sumbatan, Yanamarie? Ako ang nanay mo. Magkakampi tayo. Di mo na ba naaalala?" tanong ng nanay niya at pilit na hinuli ang mga mata niya. "P-Pero malungkot mag-isa, anak. Kailangan ko rin ng makakatuwang sa buhay."
Mapait na ngumiti ang dalaga kahit na tuloy-tuloy ang pag-agos ng luha sa mga mata. "Hindi tayo magkakampi, 'Nay. Kayo na ang nagsabi na takot kayong mag-isa. Di ninyo ako itinutiring na kasama o kakampi. Bumuo kayo ng sariling pamilya nang wala ako. Masaya ako para sa inyo, 'Nay. Para sa inyo ni Tatay. Oras na rin po siguro para matuto akong umasa na di ninyo ibabalik ang pagmamahal ninyo sa akin. Oras na rin siguro para sarili ko ang isipin ko at di na kayo dumepende sa akin. Makakaalis na kayo."
"Lumabas na daw po kayo.O magpapatawag ako ng security," sabi ni Yulia na nakatayo sa pinto.
Nanlaki ang mata ng inang si Razela. "Hindi mo magagawa sa akin iyan."
"Anak, nangako ka sa akin sa pera na kailangan ko. Huwag mo naman akong tikisin," sabi naman ng ama niya at hinawakan siya sa braso.
"Tiyo Lando, hindi ninyo palabigasan si Yanamarie. Huwag na muna ninyo siyang kakusapin maliban kung kayo ang magbabayad ng hospital bill niya," pananalakab ng pinsan.
"Sinasabi mo ba na mukha akong pera?" sikmat ng ama niya.
"Kung may malasakit po kayo sa anak ninyo, hayaan niyo siya magpahinga at paghanapin ninyo ng trabaho ang pamilya ninyo," pambabara dito ni Yulia.
"I want to take care of my daughter," anang ina niyang si Razela. "Yanamarie, remember how I used to take care of you when you were a young girl?"
BINABASA MO ANG
Soju Trilogy 1: Tipsy in Jeju (Published under Precious Hearts Romances)
RomanceYana's Steps on How to Take Back Her Korean Boyfriend - Dong Uk: 1.Uminom ng soju para may lakas ng loob. 2.Mag-practice ng speech sa mga paligid - bartender, ibang customer sa bar at pati ang aso. 3.Yakapin at halikan si Gideon Lee - half-Korean ex...