Chapter 66

1.2K 30 2
                                    

"ANAK, akala ko talaga nakalimutan mo na ako. Naging masamang nanay kasi ako sa iyo. Kaya karma ko ang nangyari. Pero mabait ka pa rin. Di mo pa rin ako tiniis. Hiyang-hiya tuloy ako sa iyo."

Maga pa ang mukha ng ina ni Yana na si Razela habang kausap niya sa video chat. Maga pa rin ang mukha nito. Nasa kuwarto siya sa cottage na kinuha ni Gideon sa Udo Island. Mula sa Jeju Folk Museum, tumuloy agad sila sa Seongsan Port at sumakay ng ferry patungo sa Udo Island. Katwiran nito, doon din naman daw sila magpi-pictorial kinabukasan.

Napagod sila sa maghapong pictorial, samahan pa ng trauma na dinanas niya dahil sa pagkaka-aksidente ng nanay at padrasto niya pati na rin ang komprontasyon nila ni Dong Uk. Parang naubos ang lakas niya. Bumalik lang ang sigla niya nang makausap ang ina at nalaman na wala rin damage sa ulo ang padrasto niya.

"O! Huwag na kayong umiyak, Nanay. Ngayon ninyo ako totoong kailangan. Kaya hindi po ito ang oras para mahiya. Sige kayo, lalong masakit 'yang pasa sa mukha ninyo kapag umiyak kayo. Paano na ang ganda ninyo?" pabiro niyang tanong sa ina.

"Ano pa bang ganda ang matitira sa akon? Heto nga at mukha akong pasa na tinubuan ng mukha. Salamat dahil di mo ako nakalimutan, anak. Si Yulia nga nahiya din ako dahil nataray-tarayan ko dati pero siya pa ang nag-aasikaso sa amin."

"Mabait mo si Yulia. Nagmamalasakit lang po siya sa akin," paliwanag naman niya.

"Pumunta dito si Lando kaninang tanghali."

"Si Tatay po?" tanong ni Yana. Nakanganga siya dahil parang imposibleng mangyari iyon.

"Nakalapit daw siya kay Mayor at tutulungan ako na lumapit sa PCSO. Tapos madrasta na daw ang titingin sa mga kapatid mo. Tutal malaki naman na daw ang anak niya at wala siyang alaga."

Nasapo niya ang dibdib. Di naman siguro siya naghahalusinasyon lang. "Magkakasundo na po kayo?"

"Para sa iyo. Di ba pangarap mo na magkaroon ng isang buong pamilya? Hindi naman kailangang magbangayan kami palagi. Wala naman kwenta ang pinag-aawayan namin. Madalas nagpapaligsahan lang kami kung sino sa aming dalawa ang mas mahal mo. Kung kailan nawala ka, saka namin naisip na wala kaming kwentang magulang. Kaya gusto naming makabawi. Gusto ko na may pamilya kang uuwian pagbalik mo sa Pilipinas."

"Salamat po, Nanay." Iyon marahil ang pinakamagandang balita na nanarinig niya. Sa wakas ay natupad na ang lahat ng ipinagdadasal niya sa Diyos.

"Hindi, Yana. Kami ang dapat magpasalamat sa iyo dahil kahit na naging makasarili kami at iniwan ka namin, minahal mo pa rin kami. Nabuhay ka kahit wala ang patnubay namin ng tatay mo. Lahat kami nagsisikap na. Hindi mo na kami kailangang alagaan."

"Pero Nanay..."

"Mag-enjoy ka diyan sa Korea, anak. Sana masaya ka kasama ang boyfriend mo. Wag kang mag-alala. Di naman namin siya uutangan."

Natawa siya sa biro nito. Hindi nito alam na kay Gideon galing ang pera. Bilin sa kanya ng binata na huwag ipagsabi sa iba. Sekreto iyon sa pagitan nila at ni Yulia. "Si Nanay talaga. Basta magpagaling po kayo. Tatawag po ulit ako."

Paglabas niya ng kuwarto ay sinalubong siya ng mabangong amoy ng adobo. Naabutan niya si Gideon na nasa kusina at nagluluto. Nakatalikod ito sa kanya nang may ibuhos ito sa kawali. Nakasuot lang ng black sando ang lalaki at gray jogging pants. May suot din itong apron. Malapad ang balikat ng lalaki at ang likod nito. Gumagalaw ang muscles sa braso nito habang hinahalo ang niluluto. He looked strong. Para itong isang pader na pwede niyang sandalan kapag nanghihina siya.

Animo'y nahipnotismo siya nang tahimik na naglakad palapit dito. Yumakap siya sa baywang nito at ihinilig ang pisngi sa likod nito. Sininghot niya ang likod nito. "Ang bango! Amoy adobong pusit."

"O!" gulat na usal nito. "Akala ko nagpapahinga ka at kausap mo nanay mo."

"Tapos na."

"Gutom ka na ba? Sandali na lang ito. Saka nilalamig ka ba? Parang tarsier ka kasi sa likod ko. Di ako makapagluto nang maayos."

Lumayo siya dito. "Sorry naman. Amoy pusit ka kasi."

"Malansa?" matalim ang matang tanong nito.

"Yummy!" nakangising sagot niya at lumayo dito. "Ihahanda ko lang ang mesa."

Nagha-hum pa siya nang inaayos ang mga plato at kubyertos. Inilabas din niya ang side dish na binili ni Gideon sa grocery.

Nagulat siya nang ihain nito ang adobong pusit at ang seaweed and clam soup na parang tinola ang timpla. May inilabas pa itong manggang hinog mula sa ref. "Parang medyo Pinoy dishes ata tayo ngayon."

"Alam ko naho-homesick ka na lalo't nasa ospital ang nanay mo. Kaya ipinagluto kita ng adobo at tinola na soup. Di ko lang alam kung babagay sa panlasa mo."

"Di ako maselan sa pagkain. Saka wala ka pa namang luto na di ko nagustuhan," sabi niya. Nanlaki ang mata niya pagkahigop ng sabaw. "Medyo kakaiba ang lasa pero fresh na fresh ang tulya. Lasang dagat din dahil sa seaweed."

"Lasang dagat? Maganda ba ang comment na iyan?" tanong nito.

"Masarap!" aniya at nag-thumbs up. "Bakit di ka sumusubo? Gusto mo ipag-alis kita ng laman ng tulya?"

"Parang sa pagkain mo pa lang, busog na ako. Okay na ang nanay mo at padrasto mo?" tanong nito at sumubo ng kimchi.

"Si Nanay sinementuhan na yung braso pero bukas pwede nang ilabas. Si Tiyo, kailangan pang obserbahan pero wala naman damage sa ulo niya ayon sa CT scan. Gusto lang makasiguro ng mga doktor. Malaking tulong 'yung pera na pinadala mo sa kanila. Salamat."

"That is good to hear," sabi nito at bahagyang ngumiti.

"Babayaran ko iyon pagbalik ko ng Pilipinas."

"Huwag mo nang isipin iyon. Unahin mo muna na maiayos ang pamilya mo. Tulungan mong makabangon ang nanay mo. May kapatid ka pang pinag-aaral."

"Pera mo iyon..."

"Na di ko pa kailangan ngayon. Wala naman akong pagkakagastusan niyan. Si Halmoeni lang ang pamilya ko. Pensiyonado siya ng gobyerno. May health care siya. Wala akong asawa o anak. Girlfriend naman kita..."

"Kahit totoong boyfriend kita, alam mo naman na ibabalik ko pa rin ang pera sa iyo tulad ng ginawa ko kay Dong Uk noon. Saka tumutulong naman ang tatay ko. Inilapit niya ss PCSO at sa mga kakilala niya sa gobyerno 'yung pampagamot nila Nanay."

Soju Trilogy 1: Tipsy in Jeju (Published under Precious Hearts Romances)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon