DALAWANG palapag na bahay ang itinuro sa kanila ng napagtanungan sa sari-sari store at mabuti raw na naabutan pa nila. Bukas ang gate ng bahay at obvious na nasa proseso ng paglilipat ang mga nakatira. Nakatambak ang mga kahon at maliliit na muwebles at kasangkapan sa labas. May mga lalaking tulong-tulong na naghahakot at nagbubuhat papunta sa nakaparadang truck.
May dalawang babae na nagmamando sa mga tagahakot at tagabuhat. Isang may-edad na ginang at isang babaeng maputi na hanggang leeg ang haba ng buhok.
Hindi makapaniwala si Tarcila.
"Blueberry? Blueberry Bitangcol?" aniya sa babae, dumeretso na sila sa loob ng bakuran. Itinanong din niya sa tindahan kung ano ang itsura ni Blueberry. Eksakto sa description ang babaeng nakikita niya ngayon.
Nagtatakang napalingon ang babae. "A-ano'ng kailangan mo?"
"Ikaw si Blueberry?" paniniyak pa ni Tarcila.
"O-oo. Sino ka, Miss?" Luminga-linga pa ito hanggang mapako ang paningin kay Arik na hindi agad nakasunod kay Tarcila dahil nakasalubong ang mga maybuhat sa malaking aparador.
Halatang nagulat din si Blueberry na makakita ng guwapong long-haired, pero hanggang gulat lamang. Hindi naramdaman ni Tarcila na interesado kay Arik ang babae. Very rare iyon. Sobrang rare. Sa katunayan, sa mga panahong kasama niya si Arik, wala pang babae na hindi man lang nagkainteres sa lalaki.
"Ako si Tarcila. Tarcila Magsanoc. Kailangan ka naming makausap tungkol sa asawa mo. Kay Ba-Brak."
Pagkarinig sa pangalan ng asawa, agad siyang hinatak ni Blueberry sa braso at inilayo sa mga tao roon. Lumabas sila ng gate. Sa di-kalayuan, may nakaparadang itim na kotse. Pinasakay siya roon ni Blueberry.
"Eh, teka... si Arik—'yong kasama ko..."
Walang imik na hinatak din ni Blueberry ang elyen pasakay sa kotse at halos itulak na sa backseat, at saka pumuwesto ang babae sa likod ng manibela.
"Ano'ng kailangan n'yo kay Brak?" tanong nito. "Bakit kilala n'yo siya?"
"Si Arik—" Nilingon ni Tarcila ang lalaki. "S-sa maniwala ka at sa hindi, h-hindi rin siya tao, Blueberry. Hinahanap niya si Brak."
"Shit!" Napamura ang babae, sabay lingon kay Arik. "Taga-Agron ka?! Buhay pa ang Agron?"
"T-tao ka ba?" tanong naman ni Tarcila kay Blueberry. "O, alien ka rin?"
"Huh? Oo, tao ako—pero—sure ka sa sinasabi mo? Matutuwa si Brak kung buhay pa ang planeta niya."
"Hindi ako sa Agron nanggaling," wika ni Arik na nagsalita sa unang pagkakataon.
"Sa Korn—este, Krohn," segunda ni Tarcila. "Mahabang kuwento—may time ka ba?"
"May choice ba ako?" Binuhay ni Blueberry ang makina ng kotse. "Medyo hindi pa 'ko sanay mag-drive, ha?"
"O-okay lang. Lilipat kayo ng bahay?"
"Ang mga nanay lang. Ibinili namin sila ng bahay sa Fairview. Alam kasi ni Ellie 'yang address namin."
"Si Miss Ellie? Siya nga ang nagbigay sa amin ng address mo. Galing kami sa opisina niya." Ikinuwento na rin ni Tarcila kung paano nila hinanap si Blueberry.
"Binura na ni Brak lahat ng traces ko sa Internet. Sa ibang mga pangalan at corporations naka-register ang properties namin. Hindi ko siya tinatawag na Brak sa harap ng ibang tao. Pati ang mga Inay, George ang alam nilang pangalan ng napangasawa ko."
As in George Clooney. Tumango-tango si Tarcila.
Nagpatuloy si Blueberry. "Once pa lang siya nakita ng mga Inay. No'ng nagpakasal kami sa huwes. Sabi ko, nasa abroad na uli ang asawa ko. Kaya no'ng binanggit mo ang Brak, it's either sugo ka ni Ellie o may nalalaman ka tungkol kay Brak."
"Where is he?" tanong ni Arik.
"N-nasa bahay." Tumingin si Blueberry kay Tarcila. "Parang galit 'yang alien mo sa alien ko. Kakatayin ko 'yan 'pag inaway n'yan si Brak."
Natawa si Tarcila, despite. Dahil siguro nakahanap siya ng kakampi, sort of. "Antisocial lang 'yan talaga."
"Guwapo, ah," wika pa ni Blueberry. "Saan mo nahanap 'yan? Sumapi rin siya sa utak mo?"
"Hindi." At sa 'bilis' mag-drive ni Blueberry, walang duda, mahaba-haba pa ang oras nila para magkuwentuhan. "Magko-cover ako noon ng sinasapian sa Bayambang..." umpisa niya.
"Tawag lang ako sa Inay, hahanapin ako n'on," pag-i-interrupt ni Blueberry sa kuwento. Habang hinihintay nitong sumagot ang ina, tumingin na naman ito kay Tarcila, nakangiti. "Hindi mo alam kung gaano ako kasaya. Ang hirap kasi na—wala man lang akong makausap tungkol kay Brak. Ang hirap ding magpanggap at magtago, hindi lang sa lahat ng tao, mas lalo na sa sarili mong pamilya. Dapat ay matibay ang loob mo kung—kung mahal mo 'yang alien na 'yan."
![](https://img.wattpad.com/cover/60430034-288-k586640.jpg)
ŞİMDİ OKUDUĞUN
Arik, the Traitor of Khron
General FictionGreetings, Earth! It's done! I did it again. The BRAK Legacy continues.... BOK - guwapong promdi na ang tanging hangad ay mabigyan ng magandang buhay ang lolang nagpalaki sa kanya. ARIK - warrior king of Krohn-a planet waaaay beyond the observable u...