TUMAYO SI BOK BUHAT SA SOFA AT SUMILIP SA MAKITID NA BALKONAHE kung saan naroroon si Tarcila. Nagtatrabaho raw ang babae pero kanina pang nakatunganga lang. nakamasid sa mga tanawin na pawang mga gusali pero parang wala naman itong nakikita. Nakataas ang paa sa harap ng mesang bilog kung saan naroroon ang computer.
"Bakit?" Baling nito sa kanya, umayos ng upo, itinikom ang nakabukang mga hita--mapuputi, maganda ang hugis, nakakatuwang pagmasdan.
"Gusto kong pagpawisan." Madaling araw pa lang ay gising na siya, handa nang banatin sa trabaho ang katawan. Ganoon na lang ang panlulumo niya nang maalalang wala na siya sa bukid at wala siyang gagawin sa bahay ni Tarcila.
Maliit lang naman ang bahay, nagawa na niyang linisin na hindi man lang siya pinagpapawisan. Naisip niyang labhan na lang ang mga damit nila pero wala raw sampayan doon, hindi daw doon naglalaba ang babae. Mula alas-kuwatro ng madaling-araw hanggang magising si Tarcila ng alas-diyes, walang ginawa si Bok kundi magpalakad-lakad sa maliit na espasyo, maglulundag, mag-inat-inat. Kulang pa rin. Mainit pa rin ang katawan niya. Kailangan niyang maglabas ng mas maraming pawis.
"Nanghihina ako." Wika pa niya.
"Sinimpat siya ng babae, "Kailangan mo ba 'yun? Mamamatay ka pag hindi ka pinawisan?"
"Hindi ko alam. Hindi ko lang gusto ang pakiramdam. Parang..." iniinat niya ang mga braso, "Parang umuurong ang mga kalamnan ko, nahihirapan akong gumalaw."
"Hala." Bulalas ni Tarcila, "Baka 'yun ang kryptonite mo."
"Ano 'yun?"
"Kahinaan mo. Weakness. Teka lang--" dinampot nito ang cellphone na katabi ng computer. Parang hindi mabubuhay si Tarcila na wala ang mga bagay na iyon. Kung sabagay, nakakalibang naman talaga.
Maya-maya pa ay may kausap na ito sa cellphone, "Jude, nasa gym ka?" Nakinig ito saglit, "May kaibigan ako, pababain ko d'yan..hindi pa naman expired ang membership ko, di ba...oo, friend ko na lang ang gagamit..sige na..'wag mo na lang sabihin kay Maying...sayang kasi, hindi naman ako mahilig d'yan..oo, he's a guy. Bok ang pangalan. Pababain ko d'yan, ha....okay...okay..oo...thanks." Matapos iyon ay tumindig si Tarcila. Pinauna ito ni Bok pumasok sa loob dahil natutuwa siyang pagmasdan ang balakang ng babae kapag naglalakad na animo lalaki.
Pumasok si Tarcila sa kaisa-isang silid, "Halika, 'sukat mo kung pwede sa 'yo 'tong gym clothes dito." Binuksan nito ang kabinet. Napamulagat si Bok. Gulo-gulo lahat ang damit doon at lalo pang ginulo ni Tarcila hanggang mahanap ang hinahanap. Shorts na itim at T-shirt na asul, may nakasulat na Adidas sa bandang dibdib. "Kasya naman siguro sa 'yo. Isuot mo na tapos baba ka sa fifth floor, hanapin mo ang gym, madali naman makita 'yun, glass ang dinding, makikita mo ang mga nagdyi-gym. Tapos hanapin mo si Jude, kamo ikaw 'yung friend ko. T'yak na papawisan ka do'n. Alam mo ba kung ano ang gym?"
"Meron no'n sa Bayambang." Sagot niya at hindi gym ang gusto niyang puntahan para pagpawisan pero walag bukid sa Maynila. Pagtatyagaan niya ang gym. Kinuha niya kay Tarcila ang mga damit, "Bakit may damit ka na panlalaki?"
Ngumisi ang babae, "FYI, may nagnanasa din naman sa 'kin dati. Naiwan n'ya 'yan."
"Hindi ka sasama sa gym?"
"Ayoko. May trabaho pa ako."
"Hindi ka naman nagtatrabaho, nakatunganga ka lang."
"Ganun talaga.Nag-iisip ako. Alam mo na gamitin ang elevator?"
"Hagdan ang gagamitin ko."
ŞİMDİ OKUDUĞUN
Arik, the Traitor of Khron
General FictionGreetings, Earth! It's done! I did it again. The BRAK Legacy continues.... BOK - guwapong promdi na ang tanging hangad ay mabigyan ng magandang buhay ang lolang nagpalaki sa kanya. ARIK - warrior king of Krohn-a planet waaaay beyond the observable u...