THE BASTARD had been all over the woman. Arik could feel the energy swirling, pulsating around her.
Ang Apoy ni Heraklus.
Pasikot-sikot ang mga paseo sa ilalim ng lungsod. Ang bawat kurba ay naiilawan ng mga aandap-andap na sulo. Hindi sapat ang liwanag ng mga iyon para matakot ang mga hayop ng dilim. Nakikita niya ang mga mata ng mga ino, nakamasid. Natatapakan niya ang mga balat na hinubad ng mga insekto—ang iba ay sinlaki ng kanyang braso.
Basa at maalinsangan ang hangin. Sa bawat paghinga, mas sumisikip ang kanyang dibdib. Hindi nakatulong ang amoy ng mga dumi, suka, pawis na nagmula sa pagdurusa, at takot at kabiguan ng mga nauna roon sa kanya.
Takot din siya.
Pero mamamatay muna siya bago ipahalata iyon sa mga kawal na may hawak sa kanyang magkabilang kamay.
Pumasok sila sa isang silid kung saan may kawal din na naghihintay. Poot na may kahalong panghihinayang ang sulyap na ipinukol nito sa kanya bago tumalikod at binuksan ang isang makapal na pintong kahoy sa gawing kanan niya.
Itinulak siya roon ng mga kawal.
"Binubulag kayo ni Arkaina. Huwag kayong maniwala sa kanya—" Ngunit bingi ang mga kawal sa kanyang sinasabi. Sumara sa harap ng mukha niya ang makapal na pinto. Dinig niya ang paglapat ng mabigat na kandado.
May maliit na bintana sa pinto, subalit nakakandado rin. Maliit lamang ang silid... ang kulungan. Sampung piye marahil ang luwang, pito o walo ang haba. Lupa ang sahig, walang higaan, maging palikuran.
Halos kompleto ang kadiliman dahil bahagya nang makapasok sa siwang ng pinto ang liwanag buhat sa sulu ng kawal sa labas.
Huminga nang malalim si Arik. Pinakawalan niya iyon at itinuon ang mga palad sa makapal na pader ng kulungan. Taglay niya ang Apoy ni Heraklus. Isinilang siya sa pambihirang pagkakataon na magkasabay na lumitaw ang kakambal ng buwan ng Krohn. Itinadhana siya na maging mandirigma at pinuno na magbubuklod sa buong planeta.
Sa bawat digmaan, sa bawat buhay ng kalaban na kanyang kinitil, naramdaman niya ang apoy... ang masidhing pag-aalab ng damdamin, ang silakbo sa kanyang mga ugat. Umaasa siya na muling ililigtas ng Apoy ni Heraklus. Kailangan niyang pakawalan ang apoy.
"Uh, dude... Bro..." wika ng tinig sa kanyang isip.
Tinig iyon ng lalaki subalit sigurado si Arik na hindi siya ang nagsasalita. Ilang araw na niyang naririnig ang lalaki. Pinilit niyang magbingi-bingihan sa tinig na nagsasalita ng maraming lengguwahe.
Subalit pangahas ang tinig. Tila sinasakop ang buong kamalayan niya hanggang mamalayan na lang na nauunawaan niya ang mga sinasabi nito kahit sa ibang lengguwahe. Napilitan siyang magkulong sa silid upang kausapin ang tinig.
Hindi kapani-paniwala ang mga sinasabi ng tinig. Hindi niya alam kung kaaway ito o kaibigan.
"Hindi ko kailangan ang pakikialam mo," wika niya at ipinagpatuloy ang pagsamo sa Apoy ni Heraklus.
"Dude..." muling wika ng tinig. "This is medieval Krohn. That fire of Heraklus is a euphemism for a guy with your sex drive."
"That's not true," sagot ni Arik sa parehong lengguwahe.
"Ilang balik na ako dito sa Krohn. Iba't ibang realidad o panahon, if you will. Believe me, scholars have long established that Heraklus is a mythical figure worshipped by warriors like you, who would often reward themselves with lovely ladies."
Totoo naman iyon, sa loob-loob ni Arik, pero ang mga babae mismo ang nagkukusang ialay sa kanya ang mga sarili bilang pasasalamat... bilang pagsamba sa Apoy ni Heraklus.
Nagpatuloy ang tinig. "Puputukan ka ng ugat sa katutulak diyan sa pader, hindi ka magiging super-saiyan."
"Kailangan kong makatakas," aniya.
"That's obvious. Who would want to be quartered at dawn?"
Naikuyom ni Arik ang mga kamay upang pigilan ang panginginig. Pagsikat ng araw, bibitayin siya at isa lang naman ang paraan ng pagbitay sa mga traidor. Apat-apat.
Ibibigti siya sa umpisa, ngunit hindi pa hahayaang mamatay. Ibababa siya at bibiyakin ang katawan. Habang humihinga pa ay tatanggalan siya ng lamang-loob, ihahagis ang mga iyon sa apoy. At saka pa lamang siya pupugutan ng ulo.
Mahabaging Heraklus!
Pinagpawisan si Arik sa alaala. Pero may nabatid siya. Mali ang bastardo. Totoo ang Apoy ni Heraklus. Iyon ay walang iba kundi ang enerhiyang walang-hanggan. Ang enerhiyang taglay ni Brak.
Ang enerhiyang kailangan upang makabalik siya sa Krohn.
ŞİMDİ OKUDUĞUN
Arik, the Traitor of Khron
General FictionGreetings, Earth! It's done! I did it again. The BRAK Legacy continues.... BOK - guwapong promdi na ang tanging hangad ay mabigyan ng magandang buhay ang lolang nagpalaki sa kanya. ARIK - warrior king of Krohn-a planet waaaay beyond the observable u...