Untitled Part 47

488 26 0
                                    


IYON ang pinakamalalang sakit ng ulo sa history ng buong mundo. Hangover ba iyon? Wala naman siyang natatandaan na uminom nang nakaraang gabi.

Gusto nang iuntog ni Bok ang kanyang ulo. Saan nga ba siya nanggaling?

Nasusuka pa ang pakiramdam ng kanyang sikmura.

Uminom nga yata siya.

O mas higit pa roon?

"Shit!" Relapse?! Gumamit na naman siya ng droga at hindi niya matandaan dahil ayaw tanggapin ng kanyang isip na naging mahina na naman siya. Napaungol siya, hindi lamang sa sakit, lalo sa disgusto sa sarili.

At nasaan ba siya?

Silid... Hindi. Napapaligiran siya ng pader pero walang bubong. At matigas ang kinahihigaan niya.

"Shit!" Nasilaw siya ng liwanag ng araw. Pinilit niyang bumangon. Kailangan talaga niyang sumuka... isuka lahat. Marahil ay nilalabanan ng kanyang sistema ang mga kemikal na ikinarga niya sa katawan.

Alam niya, malinis na siya. Hindi na niya hinahanap ang mga kemikal. Bakit siya bumalik? Ano ang mukhang ihaharap niya kay Lola Unding? Itinuon niya sa semento ang mga kamay. Napamulagat siya sa nakita. Tangke ng tubig. Napamura uli siya.

Nasa rooftop siya! Anong gusali iyon? Pasuray siyang lumapit sa pader. Sumilip. Nasa rooftop nga siya.

Ano ang ginagawa niya roon? Bakit?

Si Chloe ang sumagi sa kanyang isip.

Tama. Si Chloe ang may kagagawan ng nangyayari sa kanya. Naalala na niya. Sinet-up siya ni Chloe. Naniwala siya na totoo ang imbitasyon sa kanya para maglaro ng poker. Kailangan ni Lola Unding na magbayad ng amilyar sa bukid, hindi niya natanggihan ang imbitasyon. Pero mga binayarang tao pala ni Chloe ang kinatagpo niya. Pagkasakay niya sa kotse, sinaksakan siya ng pampatulog. Nagising na lang siya sa silid ni Chloe.

Tinukso siya ng babae na gumamit ng droga.

Pero malinis na siya. Nagawa at nagtagumpay na siya, finally, na sipain ang bisyo at sinumbatan niya si Chloe. Pinagbantaan pa niya ang babae na isusuplong sa awtoridad.

Iyon ang pagkakamali ni Bok. Nadala siya ng galit. Hindi niya naisip na ikapapahamak niya ang sinabi.

Binaril siya ni Chloe. Sa likod... awtomatikong kinapa niya ang likod. Maliban sa kirot na dulot ng paghiga sa malamig at matigas na semento, wala na siyang maramdamang ibang sakit. Wala ba siyang sugat? Isinuksok niya sa loob ng damit ang kamay. Wala siyang makapang mahapdi o kahit anong abnormal na bagay sa katawan.

Paano nangyari iyon? Ramdam niya ang pagtagos ng bala sa kanyang likod. Mainit. Mahapdi. Nasundan ng hindi maipaliwanag na lamig sa loob ng katawan niya. Pagkatapos, para na siyang nalulunod.

Naramdaman niyang may bumuhat sa kanya.

At ngayon, nasa rooftop siya.

Doon ba siya dinala ng mga tauhan ni Chloe? Kung ganoon, babalikan pa siya ng mga iyon. Kahit hilo at nanginginig ang mga kalamnan, pinilit niyang kumaripas papunta sa pintong bakal. Nagulat pa siya nang mabuksan kaagad niya ang pinto.

Tanga ba ang mga binayarang hoodlums ni Chloe?

Bumaba si Bok sa hagdan. Hindi na niya binilang o tinangkang alamin kung ilang palapag mayroon ang gusali. Bumaba lang siya nang bumaba at na-realize na masama lang ang pakiramdam niya pero malakas ang kanyang katawan.

Na-realize din niya at some point, na condominium building ang kanyang kinaroroonan. Nakakita siya ng arrow: LOBBY. Napahinto siya. Saglit na nag-isip. May mga tao naman siguro sa lobby, may security guard din. Mas mabuting doon siya tumuloy.

Alerto ang mga mata ni Bok habang naglalakad. Handa rin siyang tumakbo kung kinakailangan.

"Arik!"

Napalingon si Bok. May tao sa kanyang likuran, hindi niya naramdaman?

"Arik..." ulit ng baklang kasalubong niya, nakabuka ang mga bisig.

"Uh—" Walang tao sa likuran niya.

Yumakap ang bakla sa kanya. "I've been calling you. Where have you been? Itsura mo," anito nang bitawan siya. "Pero guwapo ka pa rin. And we need to talk. I have great news!" Excited ang bakla. "You won't believe it, Arik."

Bakit siya tinatawag na Arik?

"H-hindi Arik ang pangalan ko." Robertito Sagrado ang kanyang pangalan. Bok ang tawag sa kanya ng lahat.

Napamata ang bakla.

"Sino ka?" tanong ni Bok.

"What?" Alanganing natatawa at nangingiwi ang bakla. "Are you— Shit, Arik. Whatever it is you took, you have to stop. You'll ruin everything! Kaya naman pala nag-iiba ang ugali mo. Tatawagan ko si Louie. Saglit lang. Diyan ka lang."

May kinausap ang bakla sa cell phone. Kahit one-sided ang usapan, naintindihan ni Bok ang buod at lalo siyang nanlumo. Bumalik na naman nga siya sa masamang bisyo. Kaya ni hindi niya makilala ang bakla gayong sa kilos at pananalita, para namang kilala talaga siya nito...

Kahit 'Arik' ang tawag sa kanya.

Nagtataka si Bok pero alam na alam din naman niya ang mga hallucination na dulot ng droga, kung paano niyon baluktutin ang realidad... Sumama siya sa bakla nang yayain siya nito sa parking area.

Kailangan talaga niyang ma-detox.

Nabuhay na naman ang galit niya kay Chloe. Siguro akala lang niya, binaril siya ng babae pero ang totoo, pinuno na naman niyon ng kemikal ang katawan niya at iniwan siya sa rooftop para siya na ang magkusang kumitil sa sarili sa pamamagitan ng paglundag mula roon.

Pero hindi niya ginawa. Hindi siya nagpatiwakal. Hindi pa rin nagwawagi si Chloe. Mabuti na ring manatili muna siya sa vacation place na pag-aari ng kausap ng bakla sa cell phone. Malilinis doon ang kanyang sistema. Makakaiwas pa siya kay Chloe.

Natigilan siya. Paano kung...

"Kaibigan mo ba si Chloe?" tanong niya sa bakla.

"Chloe? Chloe—ah! 'Yong girlfriend mong antipatika! Akala mo kung sino na nag-crash doon sa photo shoot—"

"Photo shoot?!" At napamulagat si Bok sa magazine na nasa dashboard ng kotse. Siya ang nasa pabalat! Dinampot niya iyon at tinitigan. Nabasa niya ang pangalang ARIK sa right side ng magazine. "A-ako ba ito?" bulalas niya. Sa larawan ay wala siyang suot na pang-itaas, nakabukas pa ang butones ng kanyang jeans, kita ang shorts niya sa loob.

Bakit siya nagpa-picture nang nakahubad at halos mahuhubuan na?!

Malilintikan siya kay Lola Unding!

Dahil siguro sa gulat, sa shock, bigla siyang nahilo at nagdilim ang paningin.

Arik, the Traitor of KhronHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin