Untitled Part 50

520 28 0
                                    


DINADALA ng hangin sa pandinig ni Arik ang tinig ni Arkaina.

"Ang utos na pinakamahalaga sa lahat. Ang utos na magpapalaya sa 'yo, Arik."

Parang namalikmata si Arik. May pakiramdam siyang nakita na niya ang sarili sa kaparehong tagpo. Tila may nag-uutos sa kanyang lisanin na ang lugar na iyon at talikuran ang lahat.

Pero paano niya tatalikuran si Arkaina? Ang Orakulo ng Tarnassus, ang tanging babae na pinapangarap niya. At ngayong siya na ang Hari ng Krohn, wala nang hahadlang para makuha niya ang gusto.

Nilingon siya ni Arkaina. "Ang utos ng 'yong puso, Arik."

"Iyon ba ang nararapat?" tanong niya.

"Ikaw ang makasasagot, Kamahalan." Nanunukso ang ngiti ng Orakulo, tila nakatitiyak na hindi niya matatanggihan ang alindog na nasa harap niya. Ngunit hindi pagnanasa ang kanyang nararamdaman kundi pagkamuhi na hindi niya alam kung saan nanggaling.

Nagtataka si Arik sa nararamdaman subalit hindi niya maitaboy. Hindi niya maitanggi. May pait na tila umaahon mula sa kanyang sikmura, nalalasahan ng kanyang bibig.

"Halika, Arik."

Humakbang siya palapit kay Arkaina. Hindi niya kayang ipaliwanag ang nararamdaman kaya gusto niyang labanan. Itinaas ni Arkaina ang kamay upang abutin niya.

Kasabay ng paglalapat ng kanilang mga daliri, isang pangitain ang tila sumambulat sa isip niya. Ang sagradong punyal... Umaagos sa talim niyon ang sariwang dugo.

Dugo niya?

"Arik?"

Napasinghap siya. Binawi ang kamay. "N-nabatid ko na ang utos," wika niya at tinalikuran ang Orakulo. Tumakbo na siya sa buhanginan patungo sa kinaroroonan ng kanyang kabayo. Bale-wala niyang sinakyan ang hayop at pinatakbo iyon palayo.

Tila itinaboy ng hangin ang pangit na pakiramdam ni Arik hanggang gumaan na ang kanyang dibdib. Malayang-malaya ang pakiramdam niya. Hindi na niya inisip kung saan siya patungo.

Nasumpungan na lang niya ang sarili na nasa gitna ng isang komunidad. Komunidad ng mga manggagawa. Napatigil ang mga iyon sa pagtatrabaho nang makilala siya.

"Kamahalan." Nagbigay-pugay ang mga ito, nagsiyuko hanggang baywang...

Maliban sa isa.

Nagtatakbo ito pagkakita sa kanya, sumuot sa isang eskinita. Nakasuot ito ng mahabang kapa na may takip sa ulo, pero nahagip ng kanyang mga mata ang berde at ginto nitong kotardee—bestidang mahaba at hapit sa katawan. Kaparis ng suot ng iba pang mga babae roon.

Subalit isang grupo lamang ng mga babae ang nagsusuot ng kotardee na kulay-berde at ginto—ang mga Chadris.

Hinaltak ni Arik ang kontrol ng kabayo, sinundan ang babae sa eskinita. Hindi na niya kailangang pabilisin ang kabayo. Pagpasok pa lang sa eskinita, nakita na niya ang babae, hawak ng dalawang lalaki sa magkabilang braso.

"Kamahalan," anang isa sa dalawang lalaki.

Yukong-yuko naman ang Chadra.

"Ano ang pangalan mo?" tanong ni Arik. "Maaari ka bang tumingin sa kausap mo?"

Nag-angat ng mukha ang babae. Pangkaraniwang mukha at noon lang niya nakita subalit... ipinilig niya ang ulo. Imposible. Subalit nang pagmasdan uli niya ang babae, hindi niya maitanggi ang pakiramdam na kilala na niya ito.

"Kamahalan..." mahinang wika ng babae. "Kamahal-mahalang hari po—" Lumakas na ang boses nito. "Paumanhin ho, patawad ho pero ayoko naman ho talagang maging Chadra. Wala ho akong ambisyon na maging Orakulo—"

Pangahas ang tono ng babae, ngunit hindi nagalit si Arik, bagkus ay naging interesado siya. "Bakit ayaw mong maging Chadra?" Pinapangarap iyon ng mga batang babae at ng mga magulang ng mga ito.

Tumingin ang babae sa itaas, umikot ang mga mata, saka pa lang uli tumingin kay Arik. "'Pag napili akong Orakulo, wala na 'kong gagawin sa buhay ko kundi tumira doon sa templo. Kung Chadra naman ako, habang-buhay na rin ako sa templo 'tapos—'tapos..." Kumibot-kibot naman ang mga labi nito.

"'Tapos ano?" Nangingiti na si Arik.

"Kayo ho, tuwing umaapoy ang buwan, pupunta kayo do'n sa templo. Magsasagawa ng pagsubok."

"Hindi mo gustong sumailalim sa pagsubok," saad niya.

"Hindi ho bale kung gagawin n'yo 'kong reyna. Pero hindi naman. Dapat ho kasi, Kamahalan, mag-asawa na kayo para bawal na kayong pumunta sa templo."

"Tungkulin kong isailalim kayo sa pagsubok ng Apoy ni Heraklus. Kung sa palagay mo ay kaya mong labanan ang apoy, ikaw ang susunod na Orakulo."

"Ayoko nga hong maging Orakulo. Pinilit lang ako ng tatay ko."

"At tumakas ka. Alam mo naman siguro ang parusa." Tumakas ang babae dahil, nakatitiyak si Arik, ito na ang kasunod na isasalang sa pagsubok.

"Mas maraming pagsubok," angal na nito.

Natawa si Arik. "Ano ang pangalan mo?"

"Tarcina po."

"Tarcina." Magandang pangalan. Magaang bigkasin. "Alam mo rin na wala kang magagawa kundi ang bumalik sa templo." Inutusan niya ang dalawang lalaki na may hawak sa babae. "Isakay n'yo na siya."

Hindi na tumutol ang babae at kusa nang sumakay sa likod ng kabayo. Alam naman na wala talaga itong magagawa. Si Arik mismo ang nakahuli sa babae. Maaari niya itong ipakulong at ipabitay kung gugustuhin niya.

"Ibibigay ko sa 'yo ang aking salita, Tarcina," wika niya, pinabuwelta ang kabayo. "Makinig ka. Kung malalampasan mo ang pagsubok, palalayain kita sa templo. Malaya mong magagawa kung ano man ang nais mo."

"Totoo ho? Isang beses lang ang pagsubok? Hindi n'yo ako parurusahan sa pagtakas ko?"

"Isang beses lang. Kumapit kang mabuti." Pinabilis niya ang takbo ng kabayo.

"Hindi pa naman ho bilog ang buwan, sinusubukan n'yo na ako," muling angal ng babae, pero ang higpit ng yakap sa kanya. "Mas malapit po ang daan dito sa kaliwa, sa Caspia pabalik sa templo—kung mamarapatin lang po ninyo."

"Sa Cadmus tayo dadaan." Dumeretso sila.

Itinulak siya ng babae. "'Layo n'on!"

Tumawa na lang si Arik. May palagay siya na makakasundo niya ang babaeng ito. "Ipakikita ko sa 'yo ang Tahanan ng Cadmus, Tarcina."

Arik, the Traitor of KhronHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin