Untitled Part 10

872 32 0
                                        


HUMINTO SILA SA TABI NG BERDENG GATE NG LUMANG TOWNHOUSE.

"This is it, pancit." Deklara ni Tarcila, pinatay ang makina ng kotse at balewalang bumaba, animo walang kasama.

Bukod sa katigasan ng ulo, may isa pang ugali si Tarcila na ikinapipikon ni Bok kung minsan..at kadalasan simula nang makasama niya ito sa iisang bubong. Kapag may pinagkakaabalahan ang babae, wala itong pakialam sa paligid. Parang walang ibang nakikita, wala ring naririnig...

Kung nakinig lamang ito....may kumislot sa dibdib ni Bok....hindi rin siya nakinig...nanaig ang sa kanya ang paghahangad.

Napasinghap siya.

Arkania.

Ang Orakulo ng Ternassus.

"Bok? Huy, okay ka lang?"

"Huh. O-Oo." Nakahawak siya sa bubong ng kotse, hindi pa pala siya sumusunod kay Tarcila na panay na ang doorbell sa gate..gate..napatitog siya doon, kupas at talop-talop na sa ibang bahagi ang pinturang berde, subalit hindi iyon ang nakaagaw ng kanyang pansin.

Nasumpungan na lang niya ang sarili na lumalapit doon. Itinapat pa niya sa gate ang palad upang mas maramdaman ang enerhiyang nagmumula doon. Enerhiyang kakaiba sa lahat...enerhiyang hindi naglalaho.

"Bok?"

Inilapat niya ang palad sa gate, kasabay niyon ang isang tinig mula kung saan,

"Throw the fucking key!"

"Bok! Ano ba?" Nakahawak na sa kamay niya si Tarcila, pinipigilan siya. Kinakalampag pala niya ang gate.

"S-Sorry." Anas niya, "P-Pasensya na."

"Bakit ba? Masama ba ang pakiramdam mo? Ang init kasi--baka hindi ka puwedeng mainitan ng sobra--"

"M-May--" hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil bumukas na ang isang bahagi ng gate. Sumilip ang isang matandang babae.

Bumati agad si Tarcila, "Magandang araw po, 'nay. Ako po si Tarcila Magsanoc. Reporter po ako at blogger. Ito naman po si Bok, uhmm, assistant ko. Alam ko po na may mga kumausap na sa inyo tungkol sa nangyaring himala sa inyo. Interesado rin po sana akong marinig mula sa inyo mismo kung ano ang nangyari."

"Hindi naman kayo naniniwala, porke matatanda na kami, akala n'yo ay nag-u-ulyanin na kami."

"Naku hindi po ganun ang iniisip ko. Kasi po, 'nay, sa tingin ko po, hindi lang po kayo ang pinaghimalaan ni San Sebastian. Interesado po kasi ako sa mga kaso ng himala, aparisyon..dahil naniniwala po ako na totoo ang mga 'yon. Sa katunayan nga po, kakagaling ko lang sa Bayambang, may mga estudyanteng sinasapian doon at ayon po sa mga nakasaksi, nawala po 'yung sapi ng mga bata nung dumating ang lalaking lumilipad. Natakot po ang mga demonyo pero hindi po mailarawan ng mga tao ang lalaki."

Hindi makapaniwala si Bok sa imahinasyon ni Tarcila, gumawa na ito ng sariling kuwento!

"Totoo naman talaga." Wika ng matandang babae. "Masyado nang masama ang mundo, naglipana na ang mga demonyo." Pinatuloy sila nito.

Ang bumungad agad sa kanila sa salas ay ang altar. Malalaki ang mga imahe ng santo na pawang may nakasabit na kwintas na sampaguita at ylang-ylang.

Pinaupo sila ng matandang-babae at sumigaw, "Luding, parine ka muna at may bisita!"

Hindi nagtagal , isa pang matandang babae ang bumungad buhat sa komedor, "Sino ang mga iyan, Belen?" Natuon ang pansin nito kay Bok, tila napasinghap, "Hesus na mahabagin!" Nag-antanda ito ng Krus. "Ang medalyon ni San Miguel--"

"A-Ano hong medalyon?" Tanong ni Tarcila habang humangos na sa altar si Lola Belen, pinagtatanggal ang mga garland sa leeg ng isang santong nakahubad hanggang lumitaw ang isa pa niyong kwintas.

"Iniwan ito sa amin ng mahal na poong San Sebastian." Wika ng matanda.

Nang makita ni Bok ang kwintas, itinapat niya ang mga palad sa dalawang matanda.

"Wha---bakit mo sila pinreeze?" Angal ni Tarcila.

Dinagit ni Bok sa kamay ni Lola Belen ang medalyon, "Ang selyo ng mga mandirigma ni Heraklus."

"Uh, sino si Heraklus?"

"Ang lumikha ng Krohn."

Natutop ni Tarcila ang bibig, "Ohmygosh, Bok. Naaalala mo na?"

Kinuyom niya sa kamao ang kwintas, ramdam niya ang enerhiyang nagmumula doon. Subalit kulang pa rin ang mga ala-ala. Umiling siya kay Tarcila, "Hindi ko alam kung bakit kilala ko ang kwintas na ito pero pamilyar sa 'kin ang enerhiya."

"Enerhiya ni Heraklus?"

Umiling uli si Bok, "Higit na malakas, hindi naglalaho."

"Kung gano'n, Bok. Ikaw nga ang lalaking lumilipad! Ikaw 'yung nagligtas kina lola, nanggaling ka na dito kaya bigla kang may naalala kahit paano. Alam mo ba ang ibig sabihin no'n? Bok!" Excited na humawak sa mga braso niya si Tarcila, "Kung babalikan natin lahat kung saan nakita diumano ang lalaking lumilipad, may chance na mabuo mo ang ala-ala mo!"

"G-Gusto ko pa ba 'yon?" Naitanong niya dahil sa pagguhit ng sakit sa kanyang puso. Tila may kumakawalang damdamin..hindi niya kayang ipaliwanag. Natatakot siya.

"What do you mean? Kailangan mong malaman kung ano ka at saan ka nanggaling, siempre gusto mo--" natigilan si Tarcila, "A-Ano pa ang naalala mo, Bok?"

"Ang Orakulo ng Ternassus."

"Ano 'yun?"

"Si....Arkania."

"Arkanya--babae?"

Tumango siya, "Natatakot ako sa ala-ala n'ya."

"Hala! B-Baka..jowa mo 'yun...baka...asawa? Shit! May asawa ka na, Bok, I hate you!"

"Hindi ko alam."

"Naman. Tara na nga! Baka ma-thaw na sina lola." Hinaltak siya ni Tarcila palabas ng bahay.

Arik, the Traitor of KhronBağımlısı olacağınız hikayeler. Şimdi keşfedin