MAY SUMIKDO sa dibdib ni Bok nang makita ang berdeng Honda Civic. Kahit hindi pa nababasa ang plaka, alam niyang iyon na ang kotseng sinasabi ni Efren na susundo sa kanya sa terminal.
Kabado siya. Hindi niya alam ang naghihintay sa kanya. Pero mas mabuti nang makaharap na niya ang babae. Nilapitan niya ang kotse at kumatok sa bintana. Narinig niya ang tunog ng lock. Hinaltak niya ang pinto.
"Arik..." anang babae sa likod ng manibela. Maiksi ang buhok nito. Maputi. Bilugan ang mga mata. Mahahaba ang pilikmata. "I mean, Bok."
"Tarcila?" Kung memorya niya ang pagbabasehan, talagang noon lang niya nakita ang babae. Kaya siguro ganoon na lang ang kanyang kaba. Para siyang naaasiwa na napapahiya.
"Halika na."
Naupo si Bok sa passenger seat, isinara ang pinto. "Okay lang sa 'kin ang Arik. Mas type ko pa nga kaysa sa Bok."
"Bakit ba kasi Bok?"
"Bokya raw ako lagi sa test."
Tumawa ang babae. "Hindi naman ako naniniwala."
Nagkibit siya ng mga balikat. "Ewan ko ba sa lola ko. Nagkaisip na lang ako, Bok na ako, eh." Nabawasan na ang kanyang nerbiyos.
Sumulyap sa kanya si Tarcila. "Wala ba sa 'yo ang cell phone mo? Wallet?"
"Wala, eh." Baka kinuha nina Chloe, itinapon. Malalaman pa ba niya?
Pareho silang natahimik.
Si Bok na ang bumasag niyon. "M-magkasama raw tayo sa bahay mo."
Tumango si Tarcila.
"Ahm—g-girlfriend ba kita? May relasyon ba tayo?"
Hindi agad sumagot ang babae, tila hindi alam ang isasagot. At para kay Bok, sagot na iyon.
"Sa palagay mo, Arik?—Bok pala," balik-tanong nito.
"Sorry," wika ni Bok. "Hindi ko talaga matandaan." Hinayang na hinayang ang kanyang pakiramdam. Paano niya nakalimutan na may maganda siyang girlfriend? Gusto niya ang hugis ng mukha ni Tarcila. Oblong na medyo kumuwadrado sa panga. Ang mukha nito ay tila... nakabukas.
Ngumiti si Tarcila sa kanya. "Okay lang. Ang importante, ligtas ka. Okay ka na."
Hindi siya okay. "Mahal mo ba ako?" bigla niyang tanong.
Napailing ito pero tumawa. "Alam mo, huwag 'yan ang problemahin mo. I mean, huwag mo na munang problemahin. Asikasuhin mo na lang muna ang sarili mo. May career ka, maganda ang takbo. Tinawagan ko si Louie, matutuloy ka raw yata na isama doon sa mga dadalhin niya sa Singapore. Just... have fun. Enjoy."
"Gusto mong magkape?"
"Ha?"
Isinenyas ng bibig ni Bok ang pamilyar na coffee shop.
"Sige, okay lang. Hanap lang tayo ng parking."
ŞİMDİ OKUDUĞUN
Arik, the Traitor of Khron
General FictionGreetings, Earth! It's done! I did it again. The BRAK Legacy continues.... BOK - guwapong promdi na ang tanging hangad ay mabigyan ng magandang buhay ang lolang nagpalaki sa kanya. ARIK - warrior king of Krohn-a planet waaaay beyond the observable u...
