Prologue
MULA PA NOONG UNANG PANAHON, NANINIWALA NA SILA SA KAPANGYARIHAN ng Orakulo ng Tarnassus. Sa halos tatlong libong taon, sa bawat henerasyon, isang babae ang iniluluklok bilang Orakulo at tinatawag sa pangalang Arkaina. Pinipili ang Orakulo mula sa mga batang babae na dinadala ng mga magulang sa Templo ng Tarnassus, sa bundok na pinaniniwalaang tahanan ng diyos na si Heraklus.
Hindi lahat ng batang-babae ay tinatanggap sa templo. Yaon lamang may halos perpektong anyo, walang karamdaman o kahit anong kapansanan, malinaw ang paningin , puro at malinis ang isipan. Hindi sasanib ang espirito ni Heraklus sa isang sisidlang marumi at mababa ang kalidad.
Ang mga batang-babae na pinalad matanggap sa templo ay sumasailalim sa mga pagsasanay at pagsubok mula sa mga Chadris--mga asawa ni Heraklus na naninirahan at hindi pinapayagang lumabas ng templo anumang pagkakataon. Ang mga Chadris ay yaon ring mga batang-babae na tinanggap sa templo subalit mas ninais ni Heraklus na gawing asawa kaysa maluklok sa trono ng Orakulo. Sila ang sa kalaunan ay nadadarang sa Apoy ni Heraklus.
Si Heraklus ang pinagmulan ng lahat sa Krohn. Sa kanyang apoy nagmula ang bawat anyong-lupa, tubig, maging kalawakan. Ang kanyang hininga ang nagbibigay buhay sa mga hayop, halaman at sangkatauhan. Pinaniniwalaang si Heraklus ay tahimik na nananahan sa kailaliman ng bundok Tarnassus, subalit kada isandaang taon, naiinip ito at nagpapakawala ng apoy upang ipagkaloob iyon sa lalaking sanggol na isinilang kasabay ng paglitaw ng kakambal ng buwan ng Krohn.
Tataglayin ng sanggol na iyon ang Apoy ni Heraklus sa buong buhay nito. Bata pa lamang ay sasanayin na iyon sa pakikipagdigma at pamumuno sapagkat kung sino ang nagtataglay ng Apoy ni Heraklus, iyon ang magiging hari na magbubuklod sa buong Krohn, ayon raw sa kauna-unahang Orakulo ng Tarnassus.
"Oras na, Kamahalan." Mahina subalit may awtoridad ang tinig ni Arkaina, nasa tabi ito ng altar sa malaking balkoahe ng templo, naghihintay na mailagak doon ang alay para kay Heraklus.
Tiklop-tuhod na ibinaba ni Arik ang sarili upang makapantay ang limang-taong gulang na batang babae. HInagod niya ang itim na itim nitong buhok, ginagap ang pisngi at pilit na hinagip ang paningin sa bilugan nitong mga mata. Subalit walang pagbabago sa mukha ng bata. Nanatili itong nakakakita subalit walang tinitingnan. Walang takot. Wala kahit ano'ng damdamin.
Hindi rin gumagalaw ang bata. Niyakap ito ni Arik ng mahigpit, nais niyang madama ang pintig ng puso nito, ang kislot ng mga kalamnan, ang pagbaba at pagtaas ng dibdib sa paghinga..baka sakali, maramdaman niya na may nararamdaman ito.
Subalit bigo siya.
Pinagmasdan niya ang maamo nitong mukha....hinaplos niya ang ilong, pisngi, bibig.
Sumisigaw ang mga tao sa ibaba ng templo, hinihiling at hindi na makapaghintay na maisagawa ang pag-aalay. Nakabibingi ang mga sigaw na animo ay paulit-ulit na dasal. Hinihiling ang dugo na magliligtas sa kanilang lahat sa mga peste at karamdaman na kasalukuyang lumalaganap sa Krohn.
Natutuyo ang mga ilog, namamatay ang mga halaman at hayop. Nagsimula ang lahat sa isang malaking pagyanig. Nagngalit ang karagatan. Maraming buhay ang kinitil. Galit si Heraklus.
At sa pamamagitan ni Arkaina, ipinahayag ni Heraklus ang sanhi ng galit nito.
"Isinilang sa Tahanan ng Cadmus ang bulaang propeta.."
Siya si Arik ng Cadmus, nagmula sa angkan ng mga mandirigmamg mersenaryo--kinatatakutan subalit kinakailangan ng mga pinuno ng mga estadong nakikipagdigma sa isa't isa. Nagbago ang lahat sa pamumuhay ng mga Cadmus nang isilang si Arik kasabay ng paglitaw ng kambal na buwan, bagay na nangyayari lamang minsan sa isang henerasyon.
Nasa kamalayan ng buong Krohn ang propesiya ng unang Orakulo. Ang sanggol na si Arik na kaya ang tinutukoy sa propesiya? Wala pang makapagsasabi noon subalit sapat nang isinilang siya sa kambal na buwan upang kalugdan ni Haring Komarr ang mga Cadmus. Kung si Arik ang isinasaad sa propesiya, nais ng Emperyong Komarr na maging kakampi ang mga Cadmus. Iniluklok ang mga iyon sa matatas na posisyon. Binigyan ng mga lupaing pamumunuan at pamamahalaan. Ang Tahanan ng Cadmus ay naging singkahulugan ng karangalan at kayamanan.
Ang Tahanan ng Cadmus na ngayon ang pinakamakapangyarihan sa buong Krohn. Kinoronahan si Arik bilang hari matapos niyang paslangin si Haring Komarr nang magdeklara iyon ng digmaan sa kalabang emperyo.
Kung mayroon mang hindi sumasang-ayon sa mga digmaan, iyon ay walang iba kung hindi ang mga totoo at magigiting na mandirigma. Tulad ni Arik ng Cadmus. Bawat pilat sa kanyang katawan ay sumisimbolo sa mga inosenteng buhay na ibinuwis, sa mga panaghoy ng mga kaibigan at kapatid, sa mga pagmamakaawa ng mga sugatang kalaban.
"...ang mga matang may paningin subalit walang nakikita..pandinig na walang pinakikinggan..s'ya ang araw na tutupok sa sangkalupaan!"
"Azha--" muling niyakap ni Arik ang paslit. "Azha--" tumingin siya sa altar. Sa dulo niyon nakalagak ang punyal na gawa sa purong Krohnium, ang pinakamahalagang metal sa buong Krohn, ang metal na sanhi ng maraming digmaan. Ang sarili niyang espada at kalasag ay gawa sa parehong metal. Ang sugat na nilikha niyon ay hindi kayang pagalingin at nagdudulot ng hindi maipaliwanag na sakit. Ang nasugatan ng Krohnium ay kalimitan nang kinikitil ang sarili.
Nakita niya sa isip ang mga naunang biktima ng punyal sa altar. Matapos ang mga iyong sugatan ay hahayaan sa altar, sumisigaw, dumadaing, nagmakaawa ng kamatayan. Subalit nakadepende iyon sa mga taong nanonood kung nais na ng mga iyong tapusin ang paghihirap ng biktima at ipagkaloob doon ang punyal upang iyon na mismo ang magtarak niyon sa sariling dibdib..
Biktima.
Nagtagis ang mga bagang ni Arik. Iyon ang tamang katawagan sa mga iniaalay kay Heraklus.
Hindi niya kaya.
Hindi niya hahayaang maging biktima si Azha.
"Just do it." Wika ng tinig sa kanyang isip. Ibang lengguahe ang kalimitan niyong ginagamit na sa kalaunan ay nauunawaan na niya. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang tinig na nagbubulong sa kanya ng maraming bagay tungkol sa Krohn. Nagsimula iyon nang pasukin niya ang sagradong silid ni Arkaina. Umaasa siyang hindi pa ito sumasailalim kay Heraklus. Subalit huli na siya. Nasa gitna ng mga usok na nagmumula sa bitak ng sahig sa silid ang Orakulo. Umaayon sa galaw ng usok ang katawan, nakatirik ang mga mata.
"Sorry, bro. She's too far out for me. The lady likes to get high, eh? Oops, let me explain. That smoke? Hydrocarbon gasses predominantly ethylene. Makes you hallucinate, see and say all sorts of things. You see, below us--waaay below us, tectonic plates are arranged..ahhm, rather strangely so you have vents and the fumes go up...wait, wait..i'm not making any sense am i? I'm still trying to learn your Secundos."
Noon lang nakaramdam ng takot si Arik.
Pero hindi na siya takot sa tinig ngayon. Hindi na rin siya natatakot sa kanyang gagawin.
Kinapa niya ang ulo at hinubad ang simbolo ng kanyang kapangyarihan. Balewala niya iyong binitiwan.
"Ano'ng ginagawa mo?" Wika ni Arkaina. Napasinghap, "Arik--"
"And the Oscars goes to...Lady Arkaina, the Oracle of Tarnassus." Wika muli ng tinig sa isip ni Arik.
Hindi niya iyon pinansin, imbes ay hinawakan muli ang mga braso ni Azha at marahan niyang idinikit sa noo ng paslit ang sarili niyang noo. Tila sabay-sabay na napasinghap ang mga nanonood. Pagkatapos ay namayani ang nakakikilabot na katahimikan. Pati si Arik ay natigilan.
Tanging si Arkaina ang may presensya ng isipan.
"Uh-oh." Usal ng tinig. Kasabay niyon ang paghablot ni Arkaina kay Azha. Na halos kasabay rin ng paghablot kay Arik ng mga kawal buhat sa likuran niya.
"Hindi--Azha! Azha!"
"Oh, crap." Anang tinig. Nakita ni Arik na hinagip ni Arkaina ang punyal.
"Azhaaaa!"
dMY
ŞİMDİ OKUDUĞUN
Arik, the Traitor of Khron
Algemene FictieGreetings, Earth! It's done! I did it again. The BRAK Legacy continues.... BOK - guwapong promdi na ang tanging hangad ay mabigyan ng magandang buhay ang lolang nagpalaki sa kanya. ARIK - warrior king of Krohn-a planet waaaay beyond the observable u...
