Untitled Part 23

577 30 0
                                        


MAHABA ang ginintuang buhok ng babae, tila mga alon na humahalik sa dalampasigan ng Tarnassus kung saan ito nakatayo, nakatanaw sa papalubog na araw.

Lumingon ang babae. Alam nito na naroroon siya, nagmamasid... nagbabantay. Muling tumambad sa kanya ang pinakamagandang mukha sa buong Krohn. Bale-wala nitong hinubad ang suot na puting roba at nagsimulang maglakad patungo sa tubig.

Dinala ng hangin sa kanya ang malamyos subalit makapangyarihang tinig ng babae. "Isa kang tunay na mandirigma... Isang tapat na kawal sa 'yong puso at isipan, subalit kailan mo susundin ang utos na pinakamahalaga sa lahat? Ang utos na magpapalaya sa 'yo, Arik. Inuutusan ka ng 'yong sarili. Ikaw ang Apoy ni Heraklus..."

Bumilis ang pintig ng puso ni Arik sa kanyang naaalala. Nagsinungaling siya kay Tarcila. Hindi totoong wala siyang naaalala. Papalapit pa lamang sa kanila ang batang babae kanina ay parang sinakop na siya ng enerhiyang walang katapusan at binuksan ang bahagi ng kanyang isipan sa alaala ni Arkaina, ang Orakulo ng Tarnassus. Subalit kung gaano iyon kabilis dumating, ganoon din kabilis nawala.

At nagpapasalamat siya.

Si Arkaina.

Ang Apoy ng Heraklus.

Kung ano pa ang mga alaalang kalakip ng mga iyon, ayaw nang balikan ni Arik. Natatakot siya. Pero hindi niya alam kung paano ipaliliwanag iyon kay Tarcila.

Nakita niya sa side mirror na papalapit na sa kotse ang babae. Nagpaiwan siya sa sasakyan sa pangambang madugtungan pa ang kanyang alaala. Pinanood niya ang paglalakad ni Tarcila. Nakayuko ito, may purpose ang bawat hakbang at parang hindi na makapaghintay makarating sa paroroonan. Maski sa bahay, ganoon ito maglakad. At kumilos. Walang pasintabi. Akala mo ay galit. Noong una niyang makasama ang babae, palagi siyang kinakabahan at nag-iisip na baka may nagawa o nasabi siya na hindi nagustuhan ni Tarcila kaya ito dabog nang dabog. Hindi pala. Ganoon lang pala talagang kumilos ang babae.

Ngayon, napapangiti na lang si Arik kapag pinagmamasdan si Tarcila. Sa paraan ng paglalakad at pagdadala sa sarili, hindi uubrang modelo ang babae at duda naman siya na papangarapin nito ang trabaho niya. Hindi ito naniniwala sa advertisements. Noong iere ang kanyang unang TVC, ayaw panoorin ni Tarcila. Inakusahan pa siyang nakikipagsabwatan sa manufacturer para lokohin ang consumers. Ang kutob niya, nagseselos lang naman ito sa mga babaeng kasama niya sa commercial.

At kapag nahahalata niyang nagseselos si Tarcila, masaya siya. Excited ang pakiramdam.

Hinila ni Tarcila pabukas ang pinto, sabay pabagsak na umupo sa driver's seat. "George Clooney," wika nito, sabay tingin kay Arik. "How on earth did you do that?"

"Uh."

"Sumapi ka rin kay George Clooney! Kinumpirma n'ong adik. Ipinakita ko sa kanya ang picture ni George Clooney, 'yon nga raw ang bumali sa kamay niya at nagsuksok sa kanya sa kulungan ng aso. Paano mo nasapian 'yon? Nanggaling ka sa ibang bansa? At paano nangyaring nandito ka na ngayon? Na si Bok ka na?"

"Alam mo naman ang sagot."

Bumuntong-hininga si Tarcila. "Hindi mo alam."

"At puwede namang huwag na nating alamin."

"'Yan ka na naman." Binuhay nito ang makina ng sasakyan. "Out of the question, Arik. Kailangan nating malaman kung ano ka talaga. Ano'ng malay natin kung may spaceship kang nakatengga sa kung saan at kailangan mo palang bumalik sa planeta mo... na kailangan ka pala doon bilang mandirigma ni Heraklus. Hindi lang 'yon, paano kung may misyon ka pala dito sa mundo?"

Sumandal si Arik. "Okay na ako maging si Bok," aniya, sabay suot ng sunglasses.

"Eh, paano naman si Bok mismo? In-invade mo ang katawan at pagkatao niya?"

Hindi siya nakaimik.

"Tsaka, Arik... kung nakakasapi ka kung kani-kanino including George Clooney—sorry, hindi ako maka-get over do'n—hindi mo ba kayang lumayas din diyan sa katawan ni Bok? Ano ang totoo mong anyo?"

"Hindi ko magawa nang matagal. Hindi ko alam kung bakit. At ano ang kasiguraduhan natin na hindi ako si Bok?"

"Paano ka nagka-powers, aber? At siguro, ayaw mong umalis sa katawan ni Bok kasi guwapo siya. Mga guwapo lang ang sinasapian mo. Ambitious kang alien ka."

"Bakit ba gusto mo na akong paalisin?"

"Talaga lang? Hoy, life form, baka akala mo biro-biro lang ang mag-alaga ng alien na hinahabol ng kababaihan at kabaklaan! Ako ang napepeste, eh."

Napangisi si Arik, high blood na naman kasi si Tarcila. "Hindi na ako aalis dito. Pakakasalan na lang kita para hindi na ako illegal alien."

Namutla ang babae. "Joke ba 'yan? Tumawa ka! Tumawa ka!"

"Hindi ako natatawa."

"Utang na galang, Arik, huwag kang ano."

"Ano?"

"You're flirting with me!"

"Gusto mo naman. Nararamdaman ko ang enerhiya mo, nanginginig."

"'Di nga?"

Ibinaba ni Arik nang bahagya ang suot na sunglasses para mas matitigan si Tarcila. "'Di nga."

Arik, the Traitor of KhronHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin