PROLOGUE
MATAPOS paslangin ng hindi pa nakikilalang mga tao ang kanilang mga magulang, nagpasiya na rin si Arabella na lisanin na ang Islang iyon kung saan sila lumaking magkapatid. Dala nilang magkapatid ang pag-asang mas mapapabuti ang kanilang buhay sa estrangherong lugar, na dito, makakalimutan nila ang mapait na sinapit ng kanilang mga magulang.
“Sigurado ka na ba sa desisyon mo, Ate?” Tanong ng Kinse anyos na si Adrian sa kaniyang Ate Arabella habang sila’y sakay ng kanilang bangkang de motor paalis ng Isla.
“Bakit mo naman natanong ‘yan, Bunso?” Kunot-noong tanong ni Arabella sa kapatid. “Alam mo naman kung gaano ko kagustong umalis na sa islang ito lalo na ngayong hindi pa natin kilala ang mga taong nasa likod ng pagkamatay nina Itay at Inay.”
“Wala naman kasi tayong mga kamag-anak na maaring puntahan natin sa labas ng Islang ito, Ate. Wala ring kasiguraduhan kung saan tayo tutuloy.”“Bahala na, Bunso. Bahala na kung saan tayo dadalhin ng ating mga paa basta ang mahalaga ngayon ay ang makalayo tayo sa impyernong isla na ‘to dahil hindi ko na kakayaning pati ikaw ay mawala rin.” Determinadong wika ni Arabella.
“Ngunit paano kung sa pagtakas nating ito ay sa mas malalang sitwasyon naman pala tayo dadalhin ng tadhana, Ate? Mas hindi ko naman kakayanin kung ang kaisa-isang tatayong magulang sa akin ngayon ay mawala din.”
Nagpailing-iling naman si Arabella at saka niya hinawakan ang dalawang kamay ng kaniyang kapatid na bahagya pang pinisil.
“Magtiwala ka kay ate, Adrian. Hinding hindi ako makakapayag na may mangyari sa akin O sa iyo. Gagawin ko ang lahat para maging ligtas tayong dalawa at magkasama nating haharapin ang anumang trahedya O pagsubok na dumating sa atin. Walang makakatibag sa atin, Bunso. Pangako ‘yan.”
Tumango naman si Adrian. “May tiwala ako sa ‘yo, Ate pero babalik pa ba tayo sa lugar na ‘to?”
Ibinalik ni Arabella ang tingin sa dagat na kanilang binabaybay sa mga oras na ‘to at saka nagpakawala ng isang malalim na paghinga.
“Babalik tayo sa Isla na ‘to kapag may sapat na tayong lakas para buksang muli ang kaso ng pagpatay sa mga magulang natin, Adrian. Hindi ako makakapayag na hindi mabigyan ng tamang hustisya sina Itay at Inay.” May katigasang boses na wika ng dalaga.
“Sa tuwing iniisip ko ang nangyari sa kanila, hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng poot at pagsidhi ng kagustuhang hanapin ang mga hayop na pumaslang sa ating mga magulang at ibuhos sa kanila ang sakit at galit na nararamdaman ko, Ate Arabella.” Kuyom ang palad na saad ni Adrian sa kapatid. “Pero tama ka, Kailangan nating mag-ipon ng sapat na lakas para hindi tayo maging talunan kapag nagkrus ang mga landas natin ng mga taong iyon.” Dagdag pa ng binatilyo.
“Bata ka pa, Bunso. Ayaw kong balutin ng poot at galit ‘yang puso’t isipan mo. Hindi tayo maghihiganti sa mga taong ‘yun dahil hindi ako makakapayag na maging katulad nila tayo. Hindi tayo mga mamamatay-tao, Adrian. Mag-iipon tayo ng sapat na lakas upang sa muli nating pagbabalik dito, Maibigay natin ang hustisyang nararapat para sa mga magulang natin. Hustisyang idadaan natin sa batas.”
“Sana matupad natin ‘yan, Ate. Dahil sa kalagayan natin ngayon, parang malabong makamit natin ang hustisyang hangad natin para sa kanila.” May pag-aagam-agam na wika ni Adrian. “Pero huwag kang mag-alala, Ate. Magkasama tayo sa laban na ‘to.”
Nilingon naman ni Arabella ang kapatid at malapad na ngumiti. “Hindi madali ang laban na ‘to pero dahil magkasama tayo, Alam kong kakayanin natin.” ani ng dalaga. “Laban lang, bunso. Mas mabuti na ‘yung ganitong tayo na ang lalayo sa panganib.”
BINABASA MO ANG
Loving The CEO ✔
RomantizmSPG | MATURE CONTENT | R-18 Five years ago, for her to provide for her brother's needs as well as her educational needs since she was still in college, she made a deal with a man. An agreement she never thought to make. Pumirma siya sa isang kasundu...